Tulong ng gobyerno, suporta ng lokal na pamahalaan, pagtanggap ng komunidad, at kooperasyon, sipag, at tiyaga ng mga benepisyaryo – ito ang mga pangunahing sangkap na kukumpleto sa implementasyon ng isang matagumpay na proyekto gaya ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA).
Ang AMIA Project ay programa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa climate adaptation and mitigation kung saan ginagamit nito ang Climate Resilient Agri – Fisheries (CRA) approach na nakatuon sa paghubog sa mga komunidad na maging matatag sa nagbabagong panahon sa pamamagitan ng mga likas-kaya o sustenableng pangkabuhayan.
Unang inilatag ang AMIA Project noong 2020 sa Bulalacao, Oriental Mindoro sa pangunguna ni Regional Focal Person Randy Pernia, sa pamamahala ng mga kawani ng Research Division ng Department of Agriculture MIMAROPA at sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office (MAO). Naging benepisyaryo nito ang San Juan San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA) na binubuo ng 100 mga magsasaka at naging kauna-unahang AMIA Village sa lalawigan. Ibinuhos ng AMIA Project ang mga interbensiyong kailangan ng samahan hanggang sa matuto ang mga ito at makita ang pag-unlad sa karamihan ng mga miyembro.
Sa loob ng tatlong (3) taon na pagtulong ng proyekto sa mga mahihirap na magsasaka sa Oriental Mindoro na karamihan ay katutubo, ramdam na ng marami sa kanila ang unti-unting pag-angat ng kanilang pagsasaka at kabuhayan.
Solo Parent
Dating Barangay Nutrition Scholar (BNS) na tumatanggap ng P1,500 na buwanang allowance ang solo parent na si Maria Finca, miyembro ng San Juan - San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA) at residente ng Sitio Bagong Buhay, Brgy. San Roque. Ang mahigit isang libong pisong allowance noon ni Maria ay kinikita niya ngayon sa pagbebenta lamang ng lima (5) hanggang anim (6) na kilong sili. Maliban sa sili, marami pang gulay na tanim si Maria, may alaga rin siyang baboy, at gumagawa ng organikong pataba (vermicompost) na natutunan niya sa pamamagitan ng AMIA.
“Noong ako ay nag-leave sa barangay bilang BNS ay napasama ako sa samahan ng SJSRLFA na benepisyaryo ng AMIA. Doon sa mga trainings at seminar na nasalihan ko sa AMIA ay parang nabuksan ang aking kaisipan at ako ay nagsimula sa backyard gardening. Gumanda ang bunga ng aking mga tanim at noong lumabis na sa aming pangkain ay nakapagbenta na ako,” malugod na kwento ni Maria.
Dagdag pa niya, “Kinikita ko na sa ani ng isang klase pa lamang ng gulay gaya ng sili ang allowance na nakukuha ko noon sa barangay. Naipaayos ko na rin ang aming 4Ps quarter mula sa kita ng aking mga gulay, ganon rin ang aking kulungan ng baboy at mas malawak na ang aking naipalinis para mapagtaniman ng karagdagang gulay.”
Ayon sa kanya, hindi na rin siya umaalis ng bahay para magtinda sapagkat mismong mga mamimili na ang lumalapit sa kaniya.
Emosyonal na pinasalamatan niya ang AMIA sa malaking naitulong sa kaniya at kaniyang pamilya ng mga interbensiyong pinagkaloob ng programa sa kanilang samahan.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng tumutulong sa amin, sa AMIA. Malaking bagay ang mga naibibigay ninyo na binhi ng gulay, vermicast, organic fertilizer, native pig at native chicken, pati mga plastic mulch at pananim na Lakatan para makatipid ako sa gastos sa aking pagsasaka. Malaki ang naitulong nito sa akin dahil wala akong hanapbuhay, solo parent, at may anak akong nag-aaral. Lahat ng gastusin ng mga anak ko at mga apo ay doon na nagmumula, may napagkukunan talaga kami ng gastusin sa pang-araw-araw,” aniya.
Magsasakang katutubo
Hindi naman napigilan ng distansiya ang AMIA Project upang maabot ang mga magsasakang katutubo sa Brgy. Benli, isa sa mga pinakamalayong barangay sa nasabing bayan. Dito matatagpuan ang grupo nina Dario Lantoy, isang lider ng mga magsasaka na nagpahayag rin ng labis na pasasalamat sa naitulong ng AMIA sa kanilang samahan.
“Malaki ang naitulong ng AMIA sa amin, unang una ay kamalayan sa pagtatanim. Sa pagdating ng AMIA, nakita ng ibang katutubo ang kahalagahan ng gulay, paano magtanim nito kaya dumami ang nagtanim. Natuto ang mga tao paano paunlarin ang proyekto na binigay sa amin,” pahayag niya.
Dahil naman sa malaking natitipid niya sa gastos sa produksiyon ng gulay bunsod ng mga interbensiyong binigay ng programa tulad ng mga binhi, pataba, at iba pa ay mas tumaas aniya ang kaniyang kita.
“Noong wala pa ang AMIA, kumikita ako ng P2,000 pero dahil sa AMIA at sa binhi na napo-provide nila halos apat na beses ang itinaas ng aking kinita. Nakabili na rin ako ng gamit gaya ng sarili kong sprayer mula sa aking kita at patuloy kong napag-aaral ang aking anak maging ang aking asawa sa kolehiyo,” pagbabahagi pa ni Dario.
Positibo si Dario na ang pag-angat ng mga tulad nila sa pagsasaka ay pag-angat rin ng komunidad at ng bansa.
“Maraming - maraming salamat sa AMIA sa mga kaalaman, nadagdagan ang aming hanapbuhay. Salamat rin po sa DA MIMAROPA, kung hindi po dahil sa kanila ay hindi naging ganito ang aming hanapbuhay. Kung kami ay magiging maunlad, ay ito po ay kaunlaran ng aming barangay, ng aming bayan at magiging kaunlaran rin ng ating bansa kaya maraming salamat po sa tulong ng bawat departamento,” mensahe niya.
Ang magandang ipinakita nina Dario Lantoy at Maria Finca ay nakahikayat sa iba pang katutubo na subukan na rin ang pagtatanim na kanilang ginagawa. Katunayan, may mga naengganyo silang maging mga bagong kasapi at magiging mga adaptors ng AMIA project gaya ni Naida Guardian, taga Sitio Cabalwa, Brgy. Benli.
Pagbabahagi niya, “Kaya ako sumali ay para matuto sa pagtatanim ng gulay at matulungan rin kami sa aming tubigan. Nakita ko po na umunlad ang samahan na tinulungan ng DA at gusto ko rin maranasan na makatanggap ng tulong mula sa kanila.”
Sa kasalukuyan, patuloy na ginagabayan ng mga naunang benepisyaryo ng AMIA sa Bulalacao ang mga kapwa nila magsasakang interesado na maging mga adaptors upang maibahagi ang mga kasanayan at kaalamang naituro sa kanila ng proyekto.