Success Stories

Mula Calamansi Patungo sa Tagumpay: Ang Kwento ng MARCCO
Ang pagtanggap ng Matulatula Agrarian Reform Community Cooperative (MARCCO) sa certificate of turnover at cheke na nagkakahalaga ng Php 1.3M para sa pandagdag sa pambili ng kanilang delivery truck na pinangunahan ni KADIWA Focal Person Rustom Gonzaga at AMAD Market Specialist I Christian Andrew Carranza kasama si City Councilor Charles Pansoy, kinatawan mula sa Provincial at Municipal Agriculture Office, Department of Agrarian Reform

Mula Calamansi Patungo sa Tagumpay: Ang Kwento ng MARCCO

Ang Matulatula Agrarian Reform Community Cooperative (MARCCO), sa ilalim ng pamumuno ni Christie Marasigan, ay isang inspirasyon sa tagumpay ng kooperatiba sa Pilipinas. Nagsimula ito noong 1993 sa Brgy. Matulatula, Pola, Oriental Mindoro bilang isang munting samahan ng 15-20 miyembro na pawang mga benepisyaryo ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sa tulong ng Department of Agrarian Reform (DAR) at mga unang kontribusyon ng mga miyembro na nagkakahalaga lamang ng ₱30 hanggang ₱80, unti-unti nilang naitatag ang pundasyon ng kanilang kooperatiba. Pinatibay pa ito ng suporta mula sa lokal na pamahalaan na nagbigay ng ₱5,000 at ₱50,000 mula sa Provincial Government Office.

Habang ang MARCCO ay orihinal na nakatuon sa pamamahagi ng lupa, natuklasan nila ang potensyal ng calamansi/citrus processing matapos ang masusing pananaliksik. Ang kanilang mga miyembro, na karamihan ay citrus farmers, ay may access sa saganang suplay ng calamansi, dahilan upang ito ang piliing negosyo ng kooperatiba. Ngayon, ang MARCCO ay gumagawa ng limang pangunahing produkto: calamansi concentrate with ginger and honey, calamansi pure extract, calamansi ready-to-drink, dalandan concentrate, at dalandan ready-to-drink.

Paglalagay ng mga calamansi na nakuha ng MARCCO mula sa kanilang clustered area na kanilang gagamitin sa kanilang pinoproduce na produkto.

Malaki ang naging papel ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA sa pagpapalago ng MARCCO. Sa ilalim ng Enhanced KADIWA Program, nagbigay ang DA ng hauling truck na ginagamit sa pagdedeliver ng kanilang mga produkto at pagkuha ng sariwang calamansi mula sa kanilang mga cluster. Sa pamamagitan ng Philippine Rural Development Project (PRDP), natanggap nila ang mga makabagong processing equipment, isang delivery vehicle, at ang pagtatayo ng isang processing facility na may kasamang fencing ng kanilang farm area. Bukod dito, nagkaloob din ang DA ng packing house, habang patuloy silang nakatanggap ng pagsasanay sa produksyon ng calamansi at mga planting materials na nakatulong sa pagpapataas ng ani at kalidad ng kanilang produkto.

Ang mga interbensyong ito ay nagbigay-daan upang maging matagumpay ang operasyon ng MARCCO. Mula sa simpleng trading ng calamansi noong 2017, nagsimula silang magmass-produce ng calamansi juices. Sa kabila ng tatlong taong pagkalugi, nagsimula silang kumita noong 2019, at umangat ang kanilang kita mula ₱79,000 hanggang umabot sa ₱2.2 milyon.

“Malaki ang interventions ng DA sa MARCCO lalo na sa kita,” ani Marasigan. “Noong 2017 nang magsimula ang mass production ng juices, tatlong taon na kaming nasa trading ng calamansi. Malaki ang naitulong ng DA sa aming kooperatiba sa pamamagitan ng mga processing equipment at facility na nakatulong upang ma-enhance ang aming produkto.”

Ang tagumpay ng MARCCO ay hindi lamang nakasalalay sa kanilang produksyon kundi pati na rin sa kanilang mahusay na marketing strategy. Isa sa kanilang mga pangunahing merkado ang KLT Fruit, na bumibili ng fresh calamansi mula sa kanila. Malaki ang naitutulong ng partnership na ito dahil nakatutulong ito sa mabilisang pagbebenta ng produkto ng kanilang mga miyembro, na nagbibigay ng mas maaasahang kita. Bukod dito, ang clustering approach nila ay nagiging mahalagang bahagi ng market consolidation.

“Ang clustering ang naging daan sa market consolidation. Napakahalaga ng clustering sapagkat mabilis kaming nakakapagkonsolida at namimeet namin ang volume required ng aming customer,” paliwanag ni Marasigan. “Ang clustering ang number one approach namin o strategy para sa market consolidation. Dito gumagana ang aming negosyo sa trading at sa processing.”

Kuhang larawan sa mga miyembro ng MARCCO habang inaalis nila ang tangkay ng calamansi na kanilang idedeliver sa merkado.

 Bukod sa pagpapalago ng negosyo, nakatuon din ang MARCCO sa pagsasagawa ng community development programs. Bahagi ng kanilang kita ang inilaan sa feeding programs para sa mga kabataan, pagsuporta sa Brigada Eskwela, renovation ng chapel sa Matulatula, at pagbibigay ng tulong sa mga balo at mahihirap na pamilya. Ang kanilang mga gawain ay nagpapakita ng dedikasyon hindi lamang sa ekonomiya kundi sa kabutihan ng komunidad.

Ayon kay Christie Marasigan, “Kaya, kapwa ko magsasaka, tayo ay magtulong-tulong, sama-sama, kaisa sa diwa at gawa para sa bagong Pilipinas.” Ang tagumpay ng MARCCO ay patunay na sa tamang suporta, pagsisikap, at pagkakaisa, ang isang maliit na kooperatiba ay maaaring umunlad at magbigay ng mas malaking ambag sa lipunan. Ang MARCCO ay nananatiling simbolo ng tagumpay sa kooperatibismo at modelo ng paglago para sa iba pang agrarian reform communities sa bansa.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.