Namahagi ang Department of Agriculture-MIMAROPA ng kabuuang ₱1,965,689 na halaga ng tulong sa 164 na indibidwal at 47 samahan ng mga magsasaka mula sa limang lalawigan ng rehiyon bilang bahagi ng Rehabilitation and Recovery Program ng Regional Disaster Risk Reduction and Management (RDRRM). Ito ay bilang tugon sa epekto ng El Niño, Bagyong Ferdie, at African Swine Fever (ASF).
Kasabay ng pagdiriwang ng 37th National Disaster Resilience Month na may temang “KUMIKILOS para sa Kahandaan, Kaligtasan, at Katatagan,” isinagawa ang sabayang pamamahagi ng mga interbensyon sa Palawan, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, at Romblon.
Kabilang sa mga ipinamahagi ang knapsack sprayers, pataba (fertilizer), organic pesticide, buto ng gulay at hybrid corn, envirolizer, at chicken dung. Inaasahang makakatulong ito sa mabilis na pagbangon ng produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka.
“Sana ay maging malaking tulong sa inyo ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture sa pangunguna ni Secretary Tiu Laurel Jr. Wala pong ibang gusto ang ating pamahalaan kundi ang makatulong sa mga magsasaka. Sa kabila ng kakulangan sa pondo, ginagawa po natin ang lahat ng makakaya upang maipagkaloob ang nararapat na suporta para sa inyo," mensahe ni Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi sa probinsya ng Palawan.
Masayang tinanggap ng mga benepisyaryo, kasama ang mga kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office, ang mga interbensyon na inaasahang magpapagaan sa kanilang mga gawain sa pagsasaka.
“Maraming-maraming salamat po, Department of Agriculture, sapagkat patuloy kayong sumusuporta sa pamamagitan ng ganitong programa. Para sa aming karaniwang farmer, napakalaking katulungan po ito sa aming pagsasaka. Sana po ay lumawak pa ito at marami pang farmer ang matulungan nito,” pahayag ni Lauro Roque, local farmer technician mula sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro.
“Ako po ay nagpapasalamat kasi isa po 'yung association namin na nabigyan ng intervention ng Department of Agriculture. Malaking tulong po ito sa amin. Maraming salamat po,” saad naman ni Marieta Salome Borja, chairman ng Malapad Livestock and Vegetable Growers Association mula sa Baco, Oriental Mindoro.
Ayon kay Engr. Maria Teresa Carido, RDRRM Focal Person at APCO ng Oriental Mindoro, ang mga ganitong hakbang ay hindi lamang pagtugon sa pinsala kundi hakbang tungo sa mas matatag na kinabukasan. “Ang paggunita natin ng National Disaster Resilience Month ay paalala na ang pagiging resilient ay hindi lang basta kakayahang bumangon, kundi ang pagiging handa at may kapasidad na harapin at bawasan ang epekto ng anumang kalamidad. Bahagi nito ang suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga interbensyon at programang nakatuon sa pagtitiyak ng seguridad sa pagkain at kabuhayan,” ani Carido.
Ang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month ay alinsunod sa Executive Order No. 29 s. 2017, na naglalayon palakasin ang kahandaan at katatagan ng publiko sa harap ng mga sakuna at epekto ng climate change.