News and Events

DA-MIMAROPA, Naglatag ng Mahigit Php150-M ASF Assistance para sa Occidental Mindoro para sa Pagbangon ng Industriya ng Baboy
Si DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas habang nagbibigay ng mensahe sa ginanap na MAs, AEWs, and Stakeholders Consultation Meeting.

DA-MIMAROPA, Naglatag ng Mahigit Php150-M ASF Assistance para sa Occidental Mindoro para sa Pagbangon ng Industriya ng Baboy

Mahigit Php 150 milyon na tulong-pinansyal ang inilaan ng Department of Agriculture-MIMAROPA (DA-MIMAROPA) para sa apektadong magbababoy sa lalawigan ng Occidental Mindoro bilang bahagi ng interbensyon ng ahensya laban sa African Swine Fever (ASF).

Ang programang ito ay inilatag ng ahensya sa isinagawa Municipal Agriculturists’, Agricultural Extension Workers, and Stakeholders Consultation Meeting na pinangasiwaan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg). Inimbitahan ang DA bilang panauhing tagapagsalita upang magbigay-linaw at ulat sa kasalukuyang status ng ASF Indemnification Program. 

Naging sentro ng pagpupulong ang usapin ng ASF Indemnification, lalo na’t idineklara sa ilalim ng state of calamity ang lalawigan bunsod ng matinding epekto ng ASF sa industriya ng baboy. Bilang tugon, naglaan ang DA-MIMAROPA ng Quick Response Fund (QRF) upang magbigay ng tulong-pinansyal sa mga naapektuhan. Noong 2024, umabot sa Php 205,000.00 ang naipamahaging tulong sa 24 hog raisers, habang ngayong 2025, umabot na sa 2,982 ang nakatanggap ng indemnification na may kabuuang halaga ng Php 95,895,000.00.

Inaasahan namang 1,275 hog raisers pa mula sa Occidental Mindoro ang makakatanggap ng karagdagang indemnification na nagkakahalaga ng Php 55,591,000.00.

Tinalakay din ng DA-MIMAROPA ang mga karagdagang interbensyon tulad ng muling pagpasok ng breeders pigs sa mga ASF-cleared areas, pagtitiyak sa implementasyon ng mahigpit na biosecurity measures, at patuloy na koordinasyon sa mga LGU para sa maayos at mabilis na pamamahagi ng indemnification.

Bilang bahagi ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Program na isa sa long term recovery plan ng ahensya, apat na kooperatiba sa Sablayan ang nakatakdang tumanggap ng kumpletong production package na binubuo ng swine housing facility, mga biik para sa produksyon, starter feeds, veterinary drugs and biologics.  

Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan hindi lamang ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga municipal agriculturists, kundi pati na rin ng mga hog raisers mula sa iba’t ibang bayan sa Occidental Mindoro, na siyang pangunahing benepisyaryo ng mga programang inihain.

Dumalo mula sa DA MIMAROPA, sa pangunguna ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, sina Regional Technical Director for Operations Vener Dilig, Chief of Staff Atty. Adele Garcia, Livestock Focal Person Dr. Maria Teresa Altayo, Disaster Risk Reduction and Management Focal Person Engr. Maria Teresa Carido, at Regional Veterinarian Dr. Vida Francisco.

Ayon sa datos ng DA MIMAROPA noong Hulyo 18, 2025, limang (5) munisipalidad sa Occidental Mindoro ang nananatili pa rin sa ilalim ng ASF Red Zone. Kabilang dito ang Abra de Ilog, Calintaan, Magsaysay, Paluan, at Rizal. Bagamat wala nang aktibong kaso ng ASF sa mga nasabing lugar, mahigpit pa rin ang ipinapatupad na biosecurity measures upang maiwasan ang panibagong outbreak.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang OPAg at DA MIMAROPA sa mga lokal na pamahalaan at hog raisers upang matiyak ang mabilis na pamamahagi ng indemnification fund upang matulungan na makabangon ang sektor ng pagbababuyan sa Occidental Mindoro.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.