News and Events

DA-MIMAROPA, Tagumpay sa ISO Surveillance Audit; Nanatiling ISO 9001:2015 Certified

DA-MIMAROPA, Tagumpay sa ISO Surveillance Audit; Nanatiling ISO 9001:2015 Certified

Matapos ang masusing pagsusuri noong Mayo 19, pormal nang kinilala ng ACube Tic (ACT), isang third-party auditor, na epektibo ang pagpapatupad ng Quality Management System (QMS) ng Department of Agriculture – MIMAROPA. Sa liham na ipinadala ng auditing body nitong July 28, nakasaad na nananatiling kwalipikado ang DA-MIMAROPA na mapanatili ang kanilang ISO 9001:2015 certification, patunay ng tuloy-tuloy na de-kalidad na serbisyo ng tanggapan sa mga stakeholder ng agrikultura sa rehiyon.

Ang naturang audit ay bahagi ng taunang surveillance audit na isinasagawa upang tiyakin kung ang mga proseso at pamantayan ng isang organisasyon ay naaayon pa rin sa international standards. Sa naunang ulat na inilabas noong Mayo, inirekomenda na ang DA-MIMAROPA ay mapanatili ang sertipikasyon — at ngayon, opisyal na ang kumpirmasyon.

Ayon sa audit report, bagamat may dalawang minor non-conformities, agad itong naisumite at naaksyunan ng tanggapan. Samantala, walang naiulat na major non-conformities — isang malinaw na indikasyon ng masinop at epektibong internal control.

Para kay DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, ang positibong resulta ng audit ay sumasalamin sa respeto at malasakit ng kagawaran para sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang stakeholders sa rehiyon.

“Ang ating tagumpay sa epektibong pagpapatupad ng ating Quality Management System ay sagisag ng ating pagmamahal sa tungkulin at paggalang sa ating mga stakeholders, lalo na sa mga magsasaka at mangingisda,” aniya. “Magsilbi sana itong patunay ng ating patuloy na pangako sa pagbibigay ng dekalidad at epektibong serbisyo publiko,” dagdag pa niya.

Layunin ng ISO 9001:2015 Certification sa pamamagitan ng QMS na tiyakin ang pagkakaroon ng epektibong sistema sa pamamahala ng kalidad, na nagbibigay ng kumpiyansa sa publiko sa integridad ng mga institusyon ng gobyerno, partikular sa usapin ng paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga proyektong tumutugon sa seguridad sa pagkain, modernisasyon ng agrikultura, at pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Ang DA-MIMAROPA ay unang ginawaran ng ISO 9001:2015 Certification noong ika-5 ng Abril 2024, bilang pagkilala sa kanilang malinaw na sistema ng operasyon at pamamahala, nakatuon sa patuloy na pagpapabuti ng sistema, at pagtugon sa pangangailangan ng mga stakeholders.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.