Ang Lagaw sa Uma Integrated Farm special Palawan State project ay ng University Community Multipurpose Cooperative na layuning makatulong sa mga magsasaka sa bayan ng Aborlan, Palawan.
Ayon kay Engr. Leo Eusev Palao, Farm Manager ng Lagaw sa Uma Integrated Farm, kanilang layunin na makatulong sa iba pang mga magsasaka. Kaya naman nakatanggap ang Lagaw sa Uma Integrated Farm ng P2.5M na grant mula sa DA MIMAROPA Livestock Program noong 2021. Ang pondong ito ay kanilang ginamit upang makapagpagawa ng Goat House at makabili ng 36 na upgraded Anglo Nubian na kambing.
Sa kasalukuyan, ang Lagaw sa Uma ay mayroon ng 66 na kambing at nakapagpagawa na rin ng dagdag na goat house para sa kanilang mga kambing. Sila ay may taniman rin ng Indigofera at Maramais na kanilang ipinandagdag sa pagkain ng mga kambing. Nagsisimula na rin sila sa paggatas ng mga kambing kung saan sila ay nakakapaggatas na ng 12 litro kada araw at ito ay dinadala nila sa Palawan State University canteen para maibenta.
Ang Lagaw sa Uma Integrated Farm ay nakikipag-ugnayan na rin sa National Dairy Authority para sa pagproproseso sa license to operate para sa kanilang paggagatasan at nagsimula na rin ang NDA na itest ang kanilang mga kambing sa Caprine Arthirtis Encephalitis (CAE).
Ayon kay Engr. Palao, plano ng asosasyon na masimulan na ang kanilang dispersal ng kambing sa mga kwalipikadong mga magsasaka upang makatulong sa mga ito na magkaroon ng dagdag na kita. Ihahanda rin nila ang mga mapipiling magsasaka pagdating sa pag aayos ng pastulan para sa mga kambing.

Lubos ang pasasalamat ni Engr. Palao sa mga interbensyon na kanilang tinanggap, “napakalaki ng itinulong sa amin ng DA. Kung hindi dahil sa mga grant na ibinigay sa amin ay hindi kami makakatulong at magkakaimpact sa mga magsasaka. Hindi basta-basta ang tulong na ibinigay sa amin ng DA. Maraming maraming salamat po!”
Sa pagtutulungan ng Palawan State University, Lagaw sa Uma Integrated Farm at Kagawaran ng Pagsasaka ay nasisiguro ang pag-asenso ng mga magsasaka.