Sa layuning higit pang mapalakas ang ugnayan ng pambansa at lokal na pamahalaan para sa mas epektibong serbisyo sa mga magsasaka at mangingisda, matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture (DA) ang FY 2025 Midyear Review para sa pagpapatupad ng Province-led Agriculture and Fisheries Extension Systems (PAFES) noong Hulyo 22–25 sa Princesa Garden Island, Puerto Princesa City.
Tinalakay sa pagtitipon ang estado ng mga programang pang-agrikultura at pangisdaan sa unang kalahati ng taon, kabilang ang mga kinahaharap na hamon, isinusulong na reporma, at mga rekomendasyong hakbang para sa ikalawang bahagi ng 2025. Kabilang sa mga aktibidad ang presentasyon ng tagumpay at best practices mula sa iba’t ibang rehiyon, pati na rin mga workshop at talakayan hinggil sa pagpapabuti ng extension delivery system, paggamit ng monitoring and evaluation tools, at pagpapalalim ng collaborative planning.
Sa kanyang pambungad, binigyang-diin ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas ang kahalagahan ng matatag na papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura. “By strengthening the role of our LGUs, we create local systems that can organize farmers into clusters or cooperatives, improve access to real-time market data, establish direct market linkages, and activate local interventions to prevent price manipulation,” ani Bañas.
Kinatawan naman ni Ms. Lorna Villegas si Assistant Secretary U-Nichols Manalo, na nagpahayag ng suporta sa patuloy na pagtutulungan ng DA at LGUs. Pinuri rin niya ang dedikasyon ng mga kawani sa pagpapatupad ng mga programa, at hinikayat ang pagpapatuloy ng inobasyon at kolaborasyon para sa kapakanan ng mga benepisyaryo.
Ibinida rin sa review ang tagumpay ng DA-MIMAROPA sa pagpapatupad ng mga lokal na proyektong pangkabuhayan para sa agrikultura at pangisdaan sa limang lalawigan ng rehiyon — Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, at Romblon — sa pamamagitan ng matibay na kooperasyon sa mga lokal na pamahalaan. Ang mga proyektong ito ay patunay ng mas pinatibay na inisyatiba upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
Isa sa mga tampok ng programa ang seremonyal na turnover ng tsekeng nagkakahalaga ng ₱900,000.00 sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, na tinanggap ni Provincial Agriculturist Romeo Cabungcal. Ang pondo ay nakalaan para sa pagpapatuloy at pagpapalawak ng mga proyektong agrikultural sa ilalim ng PAFES.
Ang PAFES ay pangunahing haligi ng OneDA Reform Agenda, na layuning gawing sentro ng serbisyo ang mga pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng makabuluhang tulong sa mga
magsasaka at mangingisda. Sa patuloy na kooperasyon ng DA at LGUs, inaasahang mas lalakas pa ang sektor tungo sa isang masagana at makabagong Bagong Pilipinas. Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa DA-Central Office, mga Regional Field Offices mula Rehiyon I hanggang XIII, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Agricultural Training Institute (ATI).