Success Stories

Buhay Pagsasaka Ni Sixto Dela Fuente Ng Sablayan, Occidental Mindoro

Buhay Pagsasaka Ni Sixto Dela Fuente Ng Sablayan, Occidental Mindoro

“Muntik na po talaga akong tumigil sa pagsasaka dahil sa mahal ng mga inputs. Ngunit salamat po sa mga programa ng Department of Agriculture (DA) at nagkaroon ako ng pagkakataong makabangong muli at makaipon hanggang sa umabot ako sa kung nasaan ako ngayon.” Ang sambit ni G. Sixto Dela Fuente, 69 taong gulang, isang magsasaka ng mais mula sa Brgy. San Nicolas, Sablayan, Occidental Mindoro.

Sa edad na 17, nagsimula na ang buhay pagsasaka ni G. Sixto. “Nung kabataan ko ay katulong lang ako ng aking mga magulang sa bukirin. Habang sila ay nagtatanim ako naman ang taga-hila ng kalabaw sa bukirin. Dun sa panahon na ‘yon nagkaron na ako ng interes sa pagsasaka.”

Nakilala na din si G. Sixto ng DA MIMAROPA dahil sa husay niya sa pagtatanim ng gulay katulad ng sili, kamatis ,talong, ampalaya, pakwan at iba pa. Naging Regional Gawad Saka Awardee sya bilang Outstanding High Value Crop Farmer taong 2004.  

Si G. Sixto kasama ng mga kapwa magsasaka sa kanilang lugar ay nagkaisa at bumuo ng samahan nang kanilang mapag-alaman na ang mga ayuda mula sa pamahalaan ay maibibigay na lamang sa mga asosasyon. Sa kanilang pagkakaisa ay nabuo nila ang Samahan na Pinagbuklod Farmers Association na kung saan siya ang nagsilbing pangulo.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno at husay niya sa pamamahala ng pera ay naging maganda ang kabuhayan ng kanilang mga miyembro. Malaki rin ang pasasalamat nila sa gobyerno dahil  nang magkaroon sila ng problema sa kanilang bilaran ng mais, hindi sila nag-atubiling humiling sa ng recirculating dryer sa PhilMech na siya din namang ibinigay sa kanila taong 2023. Nakita ng PhilMech na malaki ang pagmamahal ng asosasyon sa makinaryang ipinagkaloob sa kanila kaya makalipas lamang ng isang (1) taon ay dinagdagan pa ito ng tatlong (3) dryer. Sa kasalukuyan ay may apat (4) na silang recirculating dryer na malaking bagay na nakakatulong sa kanilang mga miyembro at iba pang magsasaka sa kanilang kalapit na lugar.

Bukod sa binhi, fertilizer at dryer, nakatanggap na rin ang kanilang asosasyon ng harvester, water pump at transplanter mula sa DA MIMAROPA.

“Matapos ang problema namin dati ang corn borer, hindi naman kami makapagtanim na aani ng tag-ulan kasi nabubulok.  Kaya noon tuwing aani ng mais ay tuwing marso lang, dalawang tanim lang ang magagawa namin. Nang magkaroon na kami ng mga makinarya at dryer marami nang mais na nakaparada diyan upang magpatuyo kahit umuulan,” saad ni G. Sixto.

Sa kasulukuyan, nakakapagtanim na sila ng tatlong (3) croppings, dalawa (2) mais at isa (1) palay, dahil umaani na sila tuwing Setyembre.

“Kaya na naming umaani tuwing Setyembre dahil may proteksyon na binigay ng gobyerno. Kung sakali man na magkaroon ng kalamidad at peste ay tinutulungan rin kami ng PCIC. Nababawi rin namin ‘yung aming gastusin,” wika nya.

Dahil na din sa kanyang sipag sa pagsasaka, kasama na din ng kanyang pagiging madiskarte sa pagbabadyet ng perang kinikita nila, sila ng kanyang asawa ay nakakuha ng mga sanlang lupa na sakahan na hindi naglaon ay nabili na din nila upang pagtaniman ng mais kung tag-araw at palay naman kung tag-ulan.

“Nung nagsimula kami sa pagsasaka, ang lupain namin ay nasa 1.8 na ektarya lamang na minana ko pa sa aking mga magulang. Sa ngayon ay mayroon na kami 27 na ektaryang na sakahan ng mais,” sabi nya.

Bukod sa pagsasaka, isang katangian din ni G. Sixto at ng kanyang pamilya ang pagiging maparaan. Sa palibot ng kanilang lugar ay may mga makinaryang sa tingin ng iba ay hindi na mapapakinabangan pa ngunit ito ay ginagawan ng paraan ng pamilya ni G. Sixto na maayos at mapagana upang makapagbigay pa ng dagdag serbisyo sa kanilang bukid.

Dahil na rin sa pagsasaka ay napag-aral niya ang lahat ng kanilang siyam (9) na anak na binubuo ng anim (6) na lalaki at tatlong (3) na babae. Sa kasalukuyan, nakakatulong niya sa kanyang pagbubukid at pamamahala sa asosasyon ang kanyang tatlong (3) anak na lalaki.

Bukod sa sakahan, nakapagpagawa na rin sila ng fishpond para sa kanilang alagang tilapia, nakapagpatayo ng isang mineral water station sa kanilang bahay sa San Nicolas, at nakapagpundar ng bahay na di naglaon ay nagamit nila upang madagdagan ang kanilang kita sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang restawran malapit sa may Grand Terminal ng Sablayan.

“Akin lang po talagang hiling sa mga anak ko ay ipagpatuloy lang nila ang nasimulan namin sa pagsasaka dahil iyan ang magpapakain sa kanila pagdating ng araw. Mas pagyamanin pa po nila ang aking nasimulan upang mas mapakinabangan pa nila ang mga naipundar naming mag-asawa.” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagpupursige ni G. Sixto kasama ang mga miyembro ng kanilang asosasyon. Nananatili silang matatag at patuloy na pinapangalagaan at pinagyayaman ang mga bigay ng gobyerno dahil para sa kanila sila rin kasama ng kanilang pamilya ang makikinabang dito.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.