Bilang bahagi ng layunin na mapanatili ang Oriental Mindoro bilang “Calamansi King of the Philippines,” namahagi ang Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA ng 86,667 calamansi seedlings na nagkakahalaga ng halos ₱3 milyon sa apat na samahan ng mga magsasaka sa lalawigan.
Ang pamamahagi ay isinagawa sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) alinsunod sa direktiba ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director, Atty. Christopher R. Bañas na palakasin ang industriya ng kalamansi sa rehiyon at patatagin ang kabuhayan ng mga magsasaka.
“Hindi lang po ito ordinaryong pamamahagi ng punla. Ito ay ang paniniwala ng Kagawaran sa potensyal ng Oriental Mindoro bilang pangunahing tagapagtaguyod ng kalamansi sa bansa. Sa pamamagitan nito, nais nating tiyakin na may sapat, tuloy-tuloy, at dekalidad na suplay ng kalamansi para sa lokal at pandaigdigang merkado, habang pinapalakas din natin ang kita at kapasidad ng ating mga magsasaka,” ayon kay RED Bañas.
Pinangunahan ni Arjay Burgos, HVCDP Provincial Coordinator para sa Oriental Mindoro, katuwang ang mga Municipal Agriculture Offices (MAO) ng Calapan City, Naujan, Bongabong, at Socorro, ang distribusyon ng seedlings sa mga kwalipikadong samahan ng magsasaka:
Canubing II Farmers Association – 6,668 seedlings
Masagana Farmers Association – 26,667 seedlings
Kaligtasan Farmers Association – 26,666 seedlings
Samahan para sa Kabuhayan ng Fortuna – 26,666 seedlings
Para sa mga lider at miyembro ng asosasyon, higit pa sa binhi ang hatid ng programang ito, kaya’t labis ang kanilang pasasalamat sa natanggap na interbensyon.
Ayon kay G. Conrado Salazar Jr., presidente ng Masagana Farmers Association, “Lubos po kaming nagpapasalamat sa DA – High Value dahil nabigyan kami ng pananim na calamansi. Asahan ninyo na ito ay aming mamahalin at aalagaan upang mapakinabangan naming lahat.”
Ipinahayag din ni G. Joel Gayto, Presidente ng Canubing II Farmers Association, ang kanilang taos-pusong pasasalamat. “Kami po at ang aming mga miyembro ay lubos ang pasasalamat. Malaking tulong po ito para sa mga gustong magsimulang magtanim ng calamansi dahil libreng binhi po ito mula sa DA,” aniya.
Isa rin sa mga tumanggap ng interbensyon ay si G. Alejandro Añar, opisyal ng Kaligtasan Farmers Association. Ayon sa kanya, “Maraming salamat po sa High Value na nagbigay sa amin ng calamansi. Ito po ay karagdagang suporta sa aming samahan at sa aming kabuhayan.”
Binigyang-diin ni Provincial Coordinator Burgos ang kahalagahan ng naturang interbensyon sa kanyang mensahe sa mga benepisyaryo. “Ito pong mga punla ay tulong upang mabawasan ang inyong puhunan sa pagtatanim. Nasa inyo po ang susi para maparami at mapakinabangan ito ng inyong samahan. Asahan ninyo na patuloy ang suporta ng Kagawaran ng Pagsasaka.”
Dagdag pa niya, inaasahang magbibigay ito ng dagdag kita sa mga benepisyaryo sa mga darating na taon at makatutulong upang mapanatili ang matatag na suplay ng kalamansi sa lokal at pandaigdigang merkado.
Ang pamamahagi ng calamansi seedlings ay bahagi ng patuloy na hakbang ng DA-MIMAROPA upang palakasin ang produksyon ng high-value crops, itaguyod ang seguridad sa pagkain, at isulong ang mas masaganang sektor ng agrikultura sa rehiyon.