News and Events

Agri-Puhunan Program, Sinimulan na sa Oriental at Occidental Mindoro

Agri-Puhunan Program, Sinimulan na sa Oriental at Occidental Mindoro

MINDORO – Sinimulan na ng Kagawaran ng Pagsasaka ang implementasyon ng Agri-Puhunan Program (APP) sa ilalim ng Agrinegosyo Loan Program (ANYO) sa mga lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro sa pamamagitan ng isinagawang oryentasyon noong Hunyo 26 at 27.

Layunin ng programa na magkaroon ng mas madaling akses ang mga magsasakang nakarehistro sa  Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) sa abot-kayang pautang na makakatulong upang tuloy-tuloy ang produksyon ng palay at pagpapalaki ng kanilang kita

Abot-Kayang Pautang 

Sa nasabing oryentasyon, ipinaliwanag ang dalawang pangunahing programa—ang Agri-Puhunan at Pantawid Puhunan Program. Sa ilalim nito, maaaring makahiram ng hanggang ₱60,000 kada ektarya ang mga kwalipikadong magsasaka ng palay. Ang pautang ay may mababang interes na 2% kada taon at may karampatang 1.5% na service fee, na maaaring bayaran sa loob ng anim na buwan.

Bahagi rin ng programa ang direktang pagbebenta ng palay sa National Food Authority (NFA). Pinapayagan ang mga kwalipikadong magsasaka na mag-deliver ng hanggang limang  tonelada ng palay kada ektarya, na bibilhin ng NFA sa halagang ₱21.00 kada kilo.

Upang maging kwalipikado, kailangang rehistrado sa RSBSA ang aplikante, may Information Monitoring Card (IMC), walang ibang production loan sa iba pang institusyon, at may endorsement mula sa Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA), o Bureau of Soils and Water Management (BSWM).

Matapos ang oryentasyon, nakatanggap ang kagawaran ng 12 loan applications sa Oriental Mindoro at 70 applications sa Occidental Mindoro, na nagpapakita ng positibong pagtanggap ng mga magsasaka sa programa.

Isa rito ay si Angel Ravago, isang magsasaka mula sa Mansalay, Oriental Mindoro na nakitang malaki ang maitutulong ng programa sa kanilang pagsasaka at sa kanilang ibang gastusin.

"Malaking tulong po sa amin ang programang ito dahil sa ngayon ay mababa ang presyo ng palay. Malaking bawas ito sa gastos sa inputs at sa pang-araw-araw na pangangailangan. Masisiguro namin ang masaganang ani," aniya. 

Para naman kay Mercy Alcantara ng Sablayan, Occidental Mindoro laking ginhawa ng mababang interes. 

“Napakababa ng interes kaya malaking ginhawa ito sa amin. Magagamit namin ang loan sa pagbili ng abono at iba pang kailangan sa pagsasaka,” kanyang sinabi. 

Katuwang ng DA sa pagpapatupad ng programa ang National Irrigation Administration (NIA), Agricultural Credit Policy Council (ACPC), National Food Authority (NFA), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), mga partner conduit banks, at mga accredited cooperatives.

Inaasahan ang patuloy na pagsasagawa ng mga oryentasyon sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon ng MIMAROPA, upang mas marami pang magsasaka ang makinabang sa Agri-Puhunan at Pantawid Puhunan Program.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.