Umabot sa kabuuang ₱3.78 milyon ang naipamahaging tulong pinansyal ng Department of Agriculture – MIMAROPA sa 540 rice farmers mula sa Aborlan, Narra, at Puerto Princesa,
Palawaan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) program noong Hulyo 7, 2025.
Ang bawat magsasaka ay nakatanggap ng ₱7,000 na suportang pinansyal sa isinagawang pamamahagi sa gymnasium ng DA-Palawan Research and Experiment Station (DA-PRES), Puerto Princesa City. Ang mga benepisyaryo ay kwalipikadong rehistradong rice farmers na nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nagtatanim ng palay sa lawak na dalawang (2) ektarya pababa.Layon ng RCEF-RFFA na suportahan ang maliliit na magsasaka ng palay upang mapanatili ang kanilang ani at kita, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng abono, binhi, at iba pang gastusin sa pagsasaka.
Ayon kay Vicente Binasahan Jr., Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Palawan, patuloy ang pagtutok ng pamahalaan sa mga inisyatibong makatutulong sa mga magsasaka. “Ang ating gobyerno ay hindi tumitigil sa pag-iisip at paggawa ng mga programang mapakikinabangan ninyo. Sa Department of Agriculture, tunay naming layunin na matulungan kayo upang hindi kayo malugi o mawalan ng kabuhayan,” ani Binasahan.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa tulong na kanilang natanggap. Ayon kay Darius Bungalso, isang rice farmer mula sa Puerto Princesa, malaking ginhawa ang ₱7,000 na ayuda para sa kanilang sakahan.
“Nagpapasalamat po ako sa cash assistance na natanggap ko mula sa Department of Agriculture. Malaking tulong po ito para sa pagbili ng abono at pambayad sa labor para sa pagpapatraktor ng aking basakan,” kanyang sinabi.
Magpapatuloy ang pamamahagi ng RCEF-RFFA sa iba pang mga munisipyo sa Palawan sa mga susunod na linggo. Bahagi ito ng patuloy na pagtutok ng Kagawaran sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka at pag-abot sa layuning mapatatag ang lokal na produksyon ng palay tungo sa rice self-sufficiency ng bansa.