Alinsunod sa direktiba ni Kalihim Francisco Tiu Laurel, Jr. na gawing information-driven ang pagbuo ng mga programa at proyekto ng Department of Agriculture (DA), inilunsad ng DA-MIMAROPA ang serye ng makabuluhang pagsasanay para sa piling Local Government Units (LGUs) hinggil sa paggamit ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) Online Platform.
Sa tulong ng teknolohiya, layunin ng pagsasanay na ito na palakasin ang kakayahan ng mga LGU sa pangangalap at pamamahala ng datos ng mga tunay na bayani ng agrikultura—ang mga magsasaka, mangingisda, at manggagawang bukid. Sa pamamagitan ng mas maayos na datos, mas mabilis na makararating ang tulong at interbensyon ng pamahalaan sa mga nangangailangan. Isa itong konkretong hakbang patungo sa isang mas episyente, makatarungan, at makabagong serbisyong agrikultura.
Isinagawa ang mga pagsasanay sa Occidental Mindoro (Hunyo 10-13), Marinduque (Hunyo 17-20), Romblon (Hunyo 24-27), at Oriental Mindoro (Hulyo 1-4, 2025), na nilahukan ng mga RSBSA focal person, Agricultural Program Coordinating Officers (APCOs), at piling LGU staff mula sa mga bayang kwalipikado at handang magpatupad ng RSBSApp para sa LGUs.
Pagpapalalim ng Kaalaman at Kakayahan
Tinalakay sa mga sesyon ang layunin, estruktura, at kahalagahan ng RSBSA system. Bukod dito, binigyang-pansin din ang mga teknikal na kasanayan upang epektibong magamit ng LGUs ang platform—mula sa encoding ng datos, data privacy, hanggang sa pag-submit ng impormasyon sa regional field offices (RFOs).
Sa mga open forum, lumutang ang mga isyu ng LGU participants hinggil sa dagdag na responsibilidad, pangangailangang teknikal, at proseso ng data submission. Ngunit sa tulong ng mga tagapagsanay, ang mga ito ay naipaliwanag at nabigyan ng agarang tugon. Pinuri rin ang bukas na komunikasyon sa pagitan ng mga LGU at DA staff na lalong nagpatingkad sa layunin ng programang ito—ang pagkakaroon ng isang matatag na sistema ng impormasyon para sa sektor ng agrikultura.
Suporta sa mga LGU
Upang matugunan ang mga hamon sa implementasyon, tiniyak ng DA-RFO ang tuloy-tuloy na suporta sa LGUs sa anyo ng karagdagang training, on-site technical support, at regular na koordinasyon. Isa rin sa mga napagkasunduan ang maayos na pamamahala ng mga dokumento kung saan ang mga hard copies ay ipagkakatiwala sa DA Agricultural Program Coordinating Office sa bawat probinsiya.
“Sa pamamagitan ng isinagawang training, natutunan namin ang tamang proseso ng pag-e-encode at pag-update ng datos gamit ang RSBSA system para sa LGU. Bagamat inaasahan naming magiging hamon ito sa simula, malinaw sa amin na ito ay isang malaking bentahe para sa aming bayan, lalo na sa pagkakaroon ng maayos at tumpak na talaan ng mga magsasaka. Makabuluhan ang pagsasanay dahil mas naging malinaw sa amin ang magiging daloy ng proseso, pati na rin ang mga napagkasunduang responsibilidad sa pagitan ng aming LGU at ng DA Regional Office,” ani Marlon Egina mula sa LGU Bongabong.
Tagumpay at Pasasalamat
Sa pagtatapos ng bawat training, iginawad ang mga sertipiko ng partisipasyon sa mga kalahok mula sa 9 na munisipalidad sa Occidental Mindoro, 3 sa Marinduque, 8 sa Romblon, at 4 sa Oriental Mindoro. Sa closing message, binigyang-diin ni Mr. Ronald Degala, RSBSA Focal Person, na ang pagsasanay ay hindi lamang nakatuon sa sistema, kundi sa pagbibigay-kapangyarihan sa mga tagapaglingkod ng bayan upang higit na mapaglingkuran ang sektor ng agrikultura.
Samantala, pinuri ni Regional Executive Director, Atty. Christopher R. Bañas, sa pamamagitan ng isang mensahe, ang malaking hakbang na narating ng RSBSA kumpara sa mga nagdaang taon. Aniya, “nagpapasalamat ako sa patuloy na pagkilala ng mga LGU ang kahalagahan ng RSBSA sa pagbibigay ng tamang serbisyo at interbensyon sa mga benepisyaryo. Inaasahang sa mga susunod na taon, lalo pang lalalim ang gamit at kahalagahan ng sistemang ito sa pag-unlad ng agrikultura sa buong rehiyon”.