Success Stories

Mga miyembro ng Gintong Butil FA sa kanilang sinakahang maisan sa Sitio Baclaran, Brgy. Pinagturilan, Sta. Cruz, Occidental Mindoro

Sipag, tiyaga at tiwala: Ang kwento ng tagumpay at pag-unlad ng Gintong Butil FA

Sipag, tiyaga, diskarte at pakikipagtulungan sa pamahalaan ang naging sangkap sa tagumpay ng Gintong Butil Farmers Association sa bayan ng Santa Cruz, Occidental Mindoro.

“Isa sa pinagmamalaki talaga nating asosasyon ay ang Gintong Butil Farmers Association kasi isa sila sa masasabi nating successful na FA dahil kanilang napaunlad yung mga interventions na unang ibinigay sa kanila ng DA,” pahayag ni MA Johnnie Ramos.

Kilala ang Gintong Butil FA sa pagtatanim ng mais, at isa sa mga unang interbensyon na naibigay sa kanila ng kagawaran ay Combine Harvester. Ito ay nasundan pa ng 4WD Tractor, Grain Collector, Pump and Engine Set, Hauling Truck at kasama rin ang kanilang mga miyembro sa nabibigyan ng seeds, fertilizers at fuel subsidy mula sa pamahalaan sa ilalim ng Corn Program.

“Malaki po ang pagbabago sa aming pagsasaka simula po ng kami ay naging accredited at beneficiary ng DA. Dahil nung una ay nakakaranas po kami ng pagkakasira ng pananim lalo na sa panahon ng anihan o harvest season kasi wala pa po kaming harvester. Noon pong dumating ang mga interventions mula sa DA, lumiit po ang aming gastos at medyo nabawasan po yung losses ng aming mga pananim at gumanda ang kita. Sa kita po ay umangat talaga dahil bumaba po yung production cost dahil sa mga technologies mula sa DA,” pasasalamat ni G. Rodolfo Patal Jr., Chairman ng Gintong Butil Farmers Association.

Maliban sa mga interbensyon, nakakalahok rin ang mga miyembro ng asosasyon sa mga pagsasanay ukol sa tamang paggamit ng mga makinarya at tamang proseso ng paglalalagay ng abono sa pananim.

Nagsimula ang Gintong Butil FA sa apat (4) na magkakamag-anak na nagtulong-tulong upang makabili ng harvester at mula doon ay naghikayat sila ng kanilang mga kalapit bahay upang magbuo ng asosasyon.

Nang mabuo ang asosasyon ay nakaipon sila ng PhP 52,000 na puhunan mula sa 26 na unang miyembro ng asosayon. Sa kasalukuyan, sila ay kumikita na ng hanggang 700,000.00 at mayroon ng 52 na miyembro.

Dahil sa pagtaas ng kanilang kita, nakabili na rin sila ng 50HP na traktora na nagkakahalaga ng 1.450M at mayroong nakasanglang lupa sa kanilang asosayon na kanilang tinataniman ng sibuyas na nagkakahalaga naman ng 500,000.00. Sa tulong rin ng Sta. Cruz LGU ay nakapagpagawa na rin ang asosasyon ng two-storey building na nagkakahalaga ng 1.5M na kanilang ginagamit bilang opisina at storage area.

Naniniwala rin ang Gintong Butil FA sa transparency at komunikasyon ang kalakasan ng kanilang samahan kaya sila ay lalong tumatatag.

“Ang Gintong Butil ay nagprapractice ng transparency. Ano man ang kailangang pagdesisyunan ay idinadaan namin sa assembly meeting at pag-uusapan ito ng buong body, doon po namin pinagpaplanuhan yung mga dapat gawin, dapat isaalang-alang at kung ano ang dapat ihanda o gawin kung may problema. Ginagawa po namin ito para mapagtulong-tulungan naming lahat. Kasi kung ako lang bilang chairman ay hindi ko kakayanin lahat, kaya kami po ay laging nagtutulong-tulong,” kwento ni G. Patal Jr.

Sa patuloy na pag-unlad ng Gintong Butil FA ay sila rin ay nakakatulong na sa kanilang mga miyembro na unang benepisyaryo sa pag-angat ng asosayon.

“Ang kagandahan pa po kung member kayo ng Gintong Butil FA, if magpapatraktora po kayo, utang po muna yung pagpapahiram at sa anihan nila babayaran. Sasagutin po muna ng asosasyon yung diesel at mga bayarin sa operator,” pagbabahagi ni G. Patal Jr.

Nakapagbigay oportunidad din ang asosasyon sa mga tao sa kanilang Sitio sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho bilang operator ng mga makinarya.

“Nakikita ko po na isa sa mga benepisyo ng mga miyembro ay nagkakatrabaho po sila. Kagaya po nung sa harvester at traktora, yung mga operator po at helper nagkaroon po sila ng kita sa araw-araw na malaking tulong sa pamilya nila,” dagdag pa ni G. Patal Jr.

Bukod sa benepisyo ng mga miyembro ng asosayon ay nakakatulong rin sila sa kanilang barangay. “Nagiging kaakibat po ng barangay ang aming asosasyon. Katulad noong nakaraang tag-ulan, kami po muna ang sumagot ng mga pangangailangan para malagyan ng proteksyon ang ilog. Malaking tulong po iyon dahil ang nakasalalay po dito ay ang buong lugar at ari-arian ng mga taga Sitio Baclaran,” pagkwento ni G. Patal Jr.

Pangarap ng Asosasyon

Nais ng Gintong Butil Farmers Association na maging Service Provider sa kanilang probinsya at maging daan sa pagpapataas ng ani ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbebenta ng magandang kalidad na mga produkto. Bukas rin ang asosasyon sa pagpapautang hindi lamang sa miyembro kung hindi maging sa mga hindi miyembro ng samahan.

Patuloy rin ang pag-iipon ng asosasyon upang sila ay makabili ng Hauling Truck upang hindi na nila kailangang magrenta pa ng truck para sa pagdadala ng kanilang mga mais sa Batangas.

“Ang naisin po namin ay maging sandigan po kami ng pamilya ng bawat miyembro ng asosasyon,” ani ni G. Patal Jr.

Lubos rin ang pasasalamat ng Gintong Butil FA sa gobyerno dahil sila ang unang nagtiwala sa samahan at sa palagian nitong pagsuporta sa mga magsasaka.

“Maraming salamat sa DA sa kanilang patuloy na pagbibigay ng suporta. Napakalaki po ng naitutulong ng mga ibinigay ninyo sa aming asosayon. Pati narin po ang trainings na nagbibigay sa amin ng bagong kaalaman na makakaunlad sa aming sakahan,” mensahe ni Rodegeline Artocilla, kalihim ng Gintong Butil FA.

“Bilang chairman ng Gintong Butil Farmers Association walang katapusang pasasalamat ang aming pinapaabot sa DA lalo na po sa Corn Program dahil sa walang tigil ninyong pagtulong sa gintong butil FA,” pasasalamat ni G. Patal Jr.

Tunay ngang basta determinado ay makakamit rin ang pag-unlad sa buhay. Katulad ng Gintong Butil FA na hinakbangan ang pangarap at ngayon ay unti-unti nang tinatamasa ang pag-unlad na hindi lamang nakakatulong sa kanilang asosasyon kung hindi pati na rin sa kanilang komunidad.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.