Ang probinsya ng Mindoro ay isang islang napapalibutan ng tubig. Dahil dito, ang pamayanang malapit sa dagat ay umaasa ng malaki sa pangingisda. Kabilang na rito si Ginoong Jerry Andaya, 50 taong gulang mula sa bayan ng Sablayan.
Dahil sa hirap ng buhay sa probinsya ng San Andres, Quezon, lumipat sila sa Sablayan upang dito manirahan at maghanap ng mapagkikitaan.
Hindi naging madali ang kanilang pamumuhay ngunit nagsikap siya kaagapay ang kanyang may-bahay na si Belinda Olavidez upang maitaguyod ang kanilang pamilya mula sa kahirapan.
“Katuwang ang aking asawa, ang tanging puhunan lang namin sa aming hanap-buhay ay sipag at tiyaga,” ani G. Andaya.
Nagsimula silang magkaroon ng sariling banka sa pamamagitan ng pangungutang sa kanyang tiyuhin. Nagsumikap silang mag-asawa upang mabayaran ito. Nang makabayad ay unti-unting na silang nag-ipon upang makabili ng mga karagdagang banka.
Dahil sa pagpupursige nilang mag-asawa, ngayon ay nakapagpundar na sila ng labing-tatlong banka na may kanya-kanyang tauhan. Lahat ay lumalaot at kumikita.
Lambat ang ginagamit niya sa pangingisda. Flying fish ang karaniwang hinuhuli nya tuwing umaga at sa gabi naman ay tuna.
Kabilang si Mang Jerry sa tipikal na mangingisdang umaasa sa swerte dahil wala siyang gadget upang malaman kung saan maraming isda. Kapag kaunti ang kanilang huling tuna, nanghuhuli sila ng ibang isda upang may maiuwe para sa pamilya.
Tuwing may huli silang tuna, ipinapasok nila ito agad sa storage na may lamang yelo upang mas mapanatili ang magandang laman ng isda.
Sa panahong may bagyo at hindi siya makalaot, maliban sa pagdadaing ay kumukuha silang mag-asawa ng lambat ng mga mangingisda na hahayumahin (pagkukumpuni ng mga sirang lambat) kapalit ang ilang halaga upang kahit papano ay may pandagdag kita para sa kanilang pamilya.
Katuwang niya ang kanyang asawa sa lahat ng bagay. Ang asawa niya ang naglilista ng bawat gastusin at namamahala ng kanilang kita, nagdadaing, nagbebenta ng isda sa palengke at nagluluwas ng huli sa Maynila.
Ang kanyang asawa na rin ang namamahala sa kanilang kasa o bagsakan ng isda na kung saan dito na rin ipinagbibili ng kanilang mga tauhan ang kanilang mga huli.
Tunay ngang may busilak na puso si G. Andaya hindi lang sa kanyang mga tauhan sa banka kundi pa na rin sa ibang tao. Mayroon silang kinupkop na tatlong bata, pinaaral hanggang sa makapag-asawa na. Sila ngayon ay nakakasama niya sa pagngingisda at kung minsan naman ay katiwala sa kanilang kasa sa tuwing may byahe ang kanyang asawa.
Mula sa kita sa pangingisda, patuloy nilang nasusuportahan ang pangangailangan ng kanilang pamilya lalo na ang pag-aaral ng kanilang apat na anak. Napagtapos na nila ang kanilang apat na anak sa kursong Business Management, Hotel and Resturant Management at Marine Transportation. Samantala, ang kanyang bunso anak naman ay grade 9 pa lamang.
Bukod sa pagpapatayo ng kasa at mga karagdagang banka, nakapagpundar na rin sila ng tora-tora, closed van at forward truck na siyang ginagamit sa pagbebenta at pagbibiyahe ng isda sa iba’t ibang lugar.
Tunay ngang ang sipag at tiyaga ay isang mahalagang sangkap upang umunlad ang isang tao, anuman ang estado o pangangailangan sa buhay. Ito ang napatunayan ni G. Andaya, mula sa buhay walang-wala sila hanggang sa panahon ngayon na natutustusan na nila lahat ng pangangailangan ng pamilya at nakakatulong pa sila sa ibang taong nangangailangan.