“Dahil sa pagtatanim ng LongPing, dumami na ang aming ani, nadagdagan pa ang aming kita,” ito ang pahayag ni Leynard S. Pastoral, presidente ng G. Antonino Gloria Farmer's Agriculture Cooperative (GPAC) sa Barangay Mabuhay, bayan ng Gloria matapos nilang itanim ang mga hybrid rice seed na kanilang natanggap mula sa Department of Agriculture – MIMAROPA Rice Program.
Bukod dito, nakatanggap din ang kooperatiba ng abono at rice fertilizer discount vouchers na napakalaking tulong sa mga miyembro ng samahan. Sa tulong ng DA – MIMAROPA katuwang ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office, nahikayat ang mga ito na magtanim ng hybrid rice at gumamit ng iba’t ibang makabagong paraan sa pagsasaka.
Ibinahagi ni G. Pastoral na sa tulong ng kanilang natutunan sa mga trainings at seminars at mga payo, gabay, at pangungumbinsi ng mga agricultural technician, higit na umaayos ang kanilang pagtatanim ng palay noong sila ay natutong magtanim ng hybrid.
“Kasi nung una po, mga inbred ang aming itinatanim na mahinang umani pero ngayon po sa pagbubukid po namin noong natuto kaming magtanim ng hybrid ay naging maganda ang aming kabuhayan, nagdagdagan po ang aming income sa pagbubukid,” aniya.
Base sa datos noong 2020 hanggang 2021, tinatayang nasa 4.6 metric tons lamang ang kanilang inaani kada ektaryang sakahang ngunit dahil sa pagtatanim ng hybrid rice, umaabot na sa humigit kumulang 11 mt per hectare ang kanilang produksyon ng palay simula noong 2022 hanggang sa taong kasalukuyan.
Mula sa kanilang kita, marami na rin na-ipundar ang mga ito sa kanilang bukid at pamilya. Ayon kay G. Pastoral, nakabili siya ng pagong sa palayan (makinang pangbungkal ng lupa) na kaniyang patuloy na pinapakinabangan sa sakahan kung kaya’t lubos ang kaniyang pasasalamat sa DA.
Dahil sa magandang epekto ng pagtatanim ng hybrid sa kanilang kooperatiba, hinihikayat ni G. Pastoral ang kaniyang kapwa magsasaka na ganitong binhi ang kanilang itanim.
“Hinihikayat ko po na kayo ay magtanim ng magagandang binhi tulad ng ibinibigay ng ating gobyerno, galing sa DA. Hindi lang naman ito ang kanilang ibinibigay dahil marami pa po silang ipinagkakaloob na magagandang klase. Huwag po natin na hayaan na hindi ito maitanim sapagkat napakalaking katulungan nito sa ating paghahanap-buhay,” saad niya.
Magandang dulot ng pagtatanim ng hybrid rice
Ayon kay Maria Pacia Magsisi, Rice Program Coordinator sa bayan ng Gloria, noong hindi pa kasali sa cluster ang GPAC, halos lahat ng itinatanim ng miyembro ng samahan ay inbred rice ngunit ng na-enganyo niya ang mga ito na magtanim ng hybrid rice, tumaas ang produksyon ng palay ng mga ito.
“Dati kase sila hindi gumagamit (ng hybrid seeds) pero nakita kasi nila ang kagandahan nito ay talagang tumaas ang kanilang production. So, kada cropping season kapag pumupunta ako dito, ito na hinihingi nila,” aniya.
Dagdag pa ni Magsisi, bukod sa mga seeds at fertilizer voucher, nagkakaloob din sila ng organic soil ameliorants na talagang nakakatulong sa kanilang pagsasaka. Aniya, simula ng i-promote niya ang hybrid sa buong Gloria lalong-lalo na sa 25 rice producing barangay, marami na siyang nakitang magsasaka na gumanda ang buhay dahil sa pagtatanim nito.
“Hindi lamang sa aming bayan, hinihikayat ko talaga ang iba pang bayan na gumamit ng hybrid rice kasi bukod sa adaptation ng technology, yung income ng farmer ay kitang-kita dahil imagine that na sa per hectare maaaring silang umani ng 200 cavans,” bahagi pa ni Magsisi.