News and Events

Kabataang Agripreneur, Kumita ng mahigit ₱100k sa Barakalan sa Baragatan sa Tulong ng ASPIRE

Kabataang Agripreneur, Kumita ng mahigit ₱100k sa Barakalan sa Baragatan sa Tulong ng ASPIRE

 Isang kabataang magsasaka mula Narra, Palawan ang nakamit ang tagumpay sa Baragatan Festival 2025 matapos makapagtala ng mahigit ₱100,000 na benta sa loob lamang ng siyam na araw—isang bunga ng kanyang aktibong partisipasyon sa programang ASPIRE (Agribusiness Support for Promotion and Investment in Regional Expositions). 

Si Krysland Jann Domingo, may-ari ng Bakanaman Mlk Co., ay isa sa mga benepisyaryo ng Young Farmers Challenge (YFC) program ng Department of Agriculture (DA). Sa tulong ng ASPIRE, nabigyan siya ng pagkakataong maipamalas at maipagbili ang kanyang produktong gatas sa isang mas malawak na merkado sa Barakalan sa Baragatan. 

Mula Hunyo 16 hanggang 19, nagtala ang Bakanaman Mlk Co. ng average na benta na ₱8,000 hanggang ₱15,000 kada araw, habang umabot sa ₱18,000 ang pinakamataas na benta sa isang araw. Ayon kay Domingo, ang mataas na benta ay bunga ng suporta mula sa DA-MIMAROPA at sa mga malikhaing estratehiyang kanilang ipinamalas, tulad ng pamimigay ng libreng patikim at ang paggamit ng orihinal at kaakit-akit na brand name. 

“Napakalaki pong oportunidad na maimbitahan po kami upang maging bahagi ng ASPIRE para maipakita ang aming mga ipinagmamalaking produkto,” ani Domingo. “Lubos po ang aming 

pasasalamat sa Department of Agriculture. Sa pamamagitan ng mga ganitong pagkakataon, naipapakita naming mga kabataan ang aming kakayahang pumasok at magtagumpay sa industriya ng agrikultura,” dagdag niya. 

Matapos ang partisipasyon ng ASPIRE, nagpatuloy ang kanilang pagbebenta sa Barakalan sa Baragatan hanggang Hunyo 24, kung saan umabot na sa mahigit ₱100,000 ang kanilang kita dahil sa patuloy na interes at pagtangkilik ng mga mamimili sa kanilang produkto. 

Ang ASPIRE ay pinangungunahan ng DA-MIMAROPA, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Layunin nitong palakasin ang mga agri-enterprise sa mga rehiyon sa pamamagitan ng marketing support, exposure, at business matching. 

Samatala, ang Barakalan sa Baragatan naman ay parte ng Baragatan Festival na isang taunang selebrasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, bilang pagkilala sa mayamang kultura, tradisyon, at produktong Palaweño. Nagsisilbi rin itong mahalagang plataporma para sa mga lokal na agripreneur upang maipakilala at mapalawak ang kanilang merkado. 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.