News and Events

DA-MIMAROPA, Nakilahok sa 3rd National Agriculture and Fisheries Technology Exhibition (NAFTE)

DA-MIMAROPA, Nakilahok sa 3rd National Agriculture and Fisheries Technology Exhibition (NAFTE)

Aktibong nakiisa ang Department of Agriculture MIMAROPA sa ginanap na 3rd National Agriculture and Fisheries Technology Exhibition (NAFTE) noong Hunyo 19–21, 2025 sa Mandaue City, Cebu. Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng DA-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR).

Ang delegasyon mula MIMAROPA ay binubuo ng mga kinatawan mula sa DA-Research Division na pinangunahan ni Lusito D. Parcon, Head ng MIMAROPA Agriculture and Fisheries Resources, Research and Extension for Development Network (AFRREDN) Secretariat, kasama sina Lyndilou Dolorzo, Felix Marquez, at Justine Cristobal. Kasama rin dito ang mga staff ng DA-Oriental Mindoro Agricultural Experiment Station (ORMAES) na pinamunuan ni Station Chief Jovilito Landicho, kasama sina Klin U. Icalla, Mary Ann M. Anglo, Jovelyn De Guzman, at Dario Peñafiel. Nakiisa rin ang isa sa mga network member agencies — ang Occidental Mindoro State College (OMSC) — sa pangunguna ni Dr. Ronaldo Orpiano, Vice President for Research, Development, and Extension, at ni Mr. Arvin Jonathan Flores, Technology Transfer Officer.

Layunin ng exhibit na ipamalas ang mga makabagong food at non-food technologies na nadevelop ng mga regional field offices ng DA at mga kasaping institusyon sa network, sa pamamagitan ng mga proyektong pinondohan ng DA-BAR. Bawat rehiyon ay nagtatag ng kani-kanilang booth upang ipakita ang mga inobasyon. Tampok sa booth ng MIMAROPA-AFRREDN ang iba’t-ibang produktong gawa sa calamansi tulad ng calamansi puree, concentrate, ready-to-drink juice, at muffin; banana-based products gaya ng banana crackers, freeze-dried banana, at banana chips; mushroom chicharon; vacuum-fried sitao; at mga organically certified products tulad ng organic rice seeds, fermented concoctions, at organic feeds na ginawa ng ORMAES at mga partner institutions tulad ng Office of the Provincial Agriculturist ng Oriental Mindoro at Matulatula Agrarian Reform Community Cooperative. Hindi rin nagpahuli ang OMSC sa kanilang mga kakaibang produkto na gawa sa sibuyas tulad ng onion ice cream, flakes, at powder.

Bukod sa mga produkto, ipinamalas din ng mga empleyado ng DA ang kanilang talento sa "Sining at Galing" AFRREDN Showdown. Nakamit ng Luzon B Cluster — binubuo ng CALABARZON, MIMAROPA at Bicol — ang Unang Gantimpala sa kanilang 10-minutong pagtatanghal na nagpapakita ng mahalagang papel ng AFRREDN at teknolohiya sa modernisasyon ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon. Ipinakita rin sa presentasyon ang makulay na kultura ng bawat rehiyong kabilang sa cluster.

Sa pagtatapos ng programa, kinilala ang mga natatanging kalahok: ang Best Non-Food Product ay iginawad sa tractor-driven rice seeder; ang Best Food Product ay napanalunan ng powdered ube mula DA-CALABARZON; at ang Best Booth ay naiuwi ng DA-Davao Region.

Ang susunod na NAFTE ay gaganapin sa Rehiyon ng Bicol. 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.