News and Events

DA-MIMAROPA, Namahagi ng Multicultivator sa 10 Samahan ng Magsasaka sa Rehiyon
Larawan ng mga benepisyaryong samahan ng magsasaka habang tinatanggap ang ipinagkaloob na multicultivator mula sa DA-MIMAROPA.

DA-MIMAROPA, Namahagi ng Multicultivator sa 10 Samahan ng Magsasaka sa Rehiyon

Bilang suporta sa pagsasaka ng mga pananim na mataas ang kita (high-value crops) gaya ng iba’t ibang gulay, matagumpay na naipamahagi ng Department of Agriculture–MIMAROPA ang sampung (10) yunit ng multicultivator sa mga piling Farmer Cooperative and Associations (FCAs) sa rehiyon mula Hunyo 2 hanggang 24.

Ang pamamahaging ito ay bahagi ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) na layong palakasin ang produksyon ng mga pananim na nagbibigay ng mas mataas na kita sa mga magsasaka.

Ang bawat yunit ng multicultivator na may lakas na 7.0 horsepower ay nagkakahalaga ng Php288,987.00. Inaasahang makakapagsilbi ang  bawat yunit ng isa hanggang dalawang ektarya ng sakahan kada araw. Sa pamamagitan ng makinaryang ito, mas mabilis at magaan na ang proseso ng pagdudurog ng lupa, paghahanda ng taniman, at paggawa ng mga garden plots—isang malaking ginhawa para sa mga magsasaka, lalo na sa mga kababaihang aktibo ring nakikibahagi sa produksyon ng gulay.

Ayon kay  Amalia D. Peralta, Pangulo ng Tigwi Irrigators Association, magiging maalwan na ang kanilang paghahanda ng lupa para sa kanilang pagtatanim.

“Malaking tulong po ang ibinigay ninyong multicultivator sa aming samahan.Mapapabilis po nito ang aming paggamas at paghahanda ng lupa. Mas kaunti ang pagod at mas marami kaming matatapos na trabaho.Makakatulong ito sa pagtaas ng aming ani ng gulay at sa pag-unlad ng aming kabuhayan.Maraming salamat po sa inyo,” kanyang sinabi.

Isa rin sa mga benepisyaryo, si Dante S. Rosas, Pangulo ng Buenavista Cacao Producers Association, ay nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat:

“Maraming salamat po sa DA-MIMAROPA–HVCDP sa pagbigay sa aming samahan ng multicultivator. Matagal na po naming pangarap na magkaroon ng ganitong makinarya. Mas mapapabilis po namin ang aming paghahanda ng lupa na pagtataniman ng uraro. Maraming salamat din po sa mabilis na pagdating ng cultivator dahil sakto po sa paghahanda at taniman dito sa amin ng uraro.”

Ayon kay HVCDP Regional Focal Person Maricar Combalicer, ang mga FCAs na napagkalooban ng naturang interbensyon ay dumaan sa masusing beripikasyon upang matiyak ang kanilang kahandaan at ang pagiging angkop ng kanilang sakahan.

Kabilang sa mga benepisyaryo ay ang mga sumusunod:

Occidental Mindoro

  • Calintaan Allium Growers
  • Sablayan New Island Farmers Association

Oriental Mindoro

  • Nag-Iba II – Naujan Vegetable & Fruit Growers Association
  • Aagapay sa Asosasyon para sa Kabuhayang Pangkaunlaran

Marinduque

  • Buenavista Cacao Producers Association
  • Tigwi Farmers/Irrigators Association

Romblon

  • Torril Organic Vegetable Grower Association
  • Poblacion Vegetable Grower Association

Palawan

  • Masaganang Samahan ng mga Magsasaka
  • Coron Farmers Federation

Samantala, ipinaabot ni Department of Agriculture-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas ang kanyang tiwala na ang pagbibigay ng makabagong kagamitang pansakahan ay magbubunga ng mas mataas na ani at kita para sa mga magsasaka ng pananim na mataas ang halaga sa rehiyon.

“Ang pamamahaging ito ay malinaw na patunay ng patuloy at konkretong suporta ng pamahalaan sa isinusulong na modernisasyon ng agrikultura, alinsunod sa direktiba ng ating Pangulo tungo sa pag-abot ng adhikain para sa isang Masaganang Bagong Pilipinas,” pahayag ni Atty. Bañas.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.