Sa maliit na bayan ng Buenavista, Marinduque, matatagpuan ang kwento ng katatagan at muling pag-usbong ng samahan ng mga magsasaka mula sa maliit na komunidad ng Sitio Binunga sa Barangay Yook. Tinawag na Binunga-Yook Farmers Association, ang samahan ay tinatag mula sa prinsipyo ng komunidad, likas-kaya, at pagsibol na kumakatawan ng pag-asa laban sa hamon ng nagbabagong panahon.
Dalawang taon makalipas, ang samahan ay dumaan sa panghihina at pagkawatak-watak dahil sa mga hamon ng klima, kalamidad, at kawalan ng pondo upang suportahan ang mga magsasaka nito. Ngunit ng makita ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) ng Department of Agriculture (DA)-MIMAROPA ang potensyal ng samahan at ang kanilang paniniwala sa agrikultura, ipinakilala nila ang kanilang proyekto na community-based sustainable livelihood program. Nilalayon nito na isulong ang mga kasanayan sa pagsasaka na matibay sa nagbabagong klima o climate change at gawing matatag ang mga magsasaka kasama ang mga mangingisda, sa pagtugon sa mga panganib na dala ng mga kalamidad sa pamamagitan ng mga likas-kayang pangkabuhayan.
Ang Climate Change
Ang climate change ay tumutukoy sa pangmatagalang pagbabago ng klima o lagay ng panahon na sanhi ng natural na pagbabago at epekto ng mga kagagawan ng mga tao na nakakapinsala sa kalikasan.
Ang Pilipinas ay isa sa tinukoy na pinakabulnerableng lokasiyon na lubos na naapektuhan ng climate change dahil sa heograpiya at pagiging archipelago nito. Bunga ng climate change ang pagtaas ng temperatura, pagtaas lebel ng dagat, pagkatuyo ng mga pagkukunan ng tubig para sa irigasiyon, paglakas ng mga bagyo, at pagkamatay ng hayop na nakakaapekto sa seguridad ng pagkain ng bansa.
Ayon naman sa pag-aaral noong 2017[1], ang lalawigan ay ika-pito (7) sa pinakamapanganib na lugar sa bansa na bulnerable sa mga nabanggit na natural na sakuna dahil sa pagiging maliit na isla sa gitna ng malawak na karagatan na madalas ding dinadaanan ng bagyo. Ang Yook din na parte ng Buenavista ay isa sa may pinakamababang kinikita sa probinsiya na nakadaragdag sa pagiging bulnerable sa sakuna ng mga nakatira dito.
Isang halimbawa ng nakakaranas ng epekto ng climate change ang komunidad ng Yook na kung saan natigil sila sa pagmamais dahil sa kakulangan ng pinagkukunan ng tubig at sa iba’t ibang kalamidad na nanalasa sa isla ng Marinduque.
AMIA Village
Dito piniling buohin ng DA ang AMIA village sa lalawigan dahil sa mga kadahilanan na nabanggit. Sa programang ito, ang mga miyembro ng Binunga-Yook Farmers Association ay natututo ng ukol sa climate change at mga pamamaraan sa pagbubukid na makakatulong sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan at pagiging matatag nito sa epekto ng nagbabagong klima.
Bukod sa kaalaman, ang samahan ay nakatanggap ng iba’t ibang interbensiyon katulad ng binhing pananim na matibay sa tagtuyot at tag-ulan katulad ng mani at mais.
Puhunan ang determinasiyon ng mga magsasaka at kanilang bagong kaalaman, nagsimulang muli ang samahan para sa pagbangon ng kanilang komunidad. Unti-unti ay nakakapag-ipon na sila para sa kanilang asosasiyon.
“Nang dumating si AMIA, naturuan kami ng tamang pagtatanim, nabigyan kami ng mga binhi, at nong nakapagtanim na kami, nakakapagbenta na kami at nagkaroon kami ng butaw para sa pondo ng aming samahan,” pagbabahagi ng pangulo ng samahan na si Arnel Miro.
Dahil sa magandang kinahinatnan nang kanilang unang pagtatanim, muli silang binigyan ng DA ng panananim na ube, na isa ding matibay sa tag-init at naangkop ka kalupaan ng Yook. Inalagaan ito ng samahan at sinunod ang mga turo ng ahensiya.
“Nang dumating ang ube, lahat ng member namin naging interesado magtanim ng ube dahil unang-una ay libre yung pananim at may buyer. Kaya lahat kami ay sumunod sa guidelines ng pagtatanim,” wika ni Arnel.
Bukod sa mga pantanim at kaalaman, isinaalang-alang na rin ng AMIA ang bibili ng mga ani ng samahan. Sa pakikipag-ugnayan sa Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program, iniba nila ang kinasanayan ng mga magsasaka sa pagtatanim. Tinuruan na sila na isaalang-alang ang magiging kalidad ng kanilang mga aanihin at ang tamang pagkwenta ng kanilang mga ginastos sa pagtatanim kasama na rin ang kanilang pagod. Itinuturo ito sa kanilang upang masigurado na sila ay may kikitain bilang bunga ng kanilang pagsusumikap. Isa na rin ito sa layunin ng AMIA upang patatagin pa ang samahan at ang komunidad sa pamamagitan ng pagpapalago ng kanilang kabuhayan.
Kamakailan lamang, matagumpay naman silang nakapagbenta ng kanilang aning ube sa dalawang malalaking kompanya ng KLT Fruits Incorporated at Sunlight Food Corporation na umabot ng 3.7 tons sa halagang P30 kada kilo. Dahil sa kalidad ng kanilang ube, sila na rin ay kinuhang regular na taga-suplay ng dalawang kompanya.
“Sa ngayon po malaki na ang pagbabago sa mga member namin kasi dati susundan lang namin yung mga kinasanayan na pamamaraan tapos hindi naman na-apply yung tamang pagtatanim, eh nalulugi. Sa ngayon po, dahil nagkaroon na kami ng idea galing sa AMIA, na-apply po namin siya at hindi na po kami nalulugi,” muling pagbabahagi ni Arnel.
Matapos ang masigasig na paggabay ng AMIA kasama ang F2C2 at ang tiwala at tiyaga ng samahan sa pakikipagkooperasiyon, nagbukas ito ng bagong pagkakakitaan at oportunidad para sa mga miyembro nito. Ngunit, ang pinakamahalagang naging bunga nito ay ang muling pagkakaisa ng Binunga-Yook Farmers Association na magiging palatandaan ng kanilang pagsusumikap at katatagan.
Ngayon, sila ay handa na sa mga pagsubok na maaaaring dumating dahil sa kaalaman na kanilang pinalago at dahil na rin sa muling pagsasama-sama bilang isang komunidad ng mga magsasaka.
“Kami ay nagpapasalamat sa AMIA at F2C2 dahil kami ay natuto ng makabagong pamamaraan at kalaaman para pagpapalago at pagpapalakas ng aming samahan,” pasasalamat ng butihing pangulo.
[1] Hilario, Joshua, 2017, Thesis: Effects of Climate Change Among the Fisherfolks in Barangay Libas and Yook, Buenavista, Marinduque, retrieved from: https://www.academia.edu/50122704/THESIS_EFFECTS_OF_CLIMATE_CHANGE_AMONG_THE_FISHERFOLKS_IN_BRGY_S_LIBAS_AND_YOOK_BUENAVISTA_MARINDUQUE