“Gumanda narin ang kalagayan ng aming samahan. Unti-unti naring nadadagdagan ang mga nagtatanim sa sakahan, hindi na po kami lahat nag-uuling. Nagkaroon po kami ng dagdag kita sa pamamagitan ng pagsasaka.” Ito ang pahayag ni G. Herbert “Bert” Dadison, ang Presidente ng Samahan ng mga Katutubong Tagbanua sa Mariwara (SKTM) mula sa Brgy. Princess Urduja, sa malayong komunidad sa munisipalidad ng Narra, Palawan.
Ang SKTM ay isa sa mga benepisyaryo ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4Ks) ng Kagawaran ng Pagsasaka na may kwento ng pag-asa at pagbabago ng samahan ng mga dating mag-uuling na ngayon ay mga magsasaka na. Ang kanilang kuwento ay hindi lamang tungkol sa paglipat mula sa kabuhayang may kaakibat na isyu sa kalikasan at kalusugan tungo sa kabuhayang may dulot na kaginhawahan kundi pati na rin ang kanilang pagtitiyaga sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
Ang pag-uuling ang pangunahin o ang tradisyunal na hanapbuhay ng mga katutubong tagbanua dahil sila ay malapit o naninirahan sa kagubatan. Ang pagpuputol ng kahoy sa kagubatan upang gawing uling ay ang kanilang dating pang araw-araw na gawain. Subalit, sa paglipas ng panahon at sa pagbabago ng mga patakaran sa pangangalaga sa kalikasan, naghanap ng ibang paraan upang kumita.
Ayon kay OIC Municipal Agriculturist, Eugene P. Sumaydeng, ang mga katutubo ay nagkikipagpatintero sa gobyerno kasi wala silang pinagkukunan ng hanapbuhay kundi ang pag uuling na kinalakhan na nila.
“Kaya napakaganda at may nakapansin kanila sa pamamagitan ng programa ng kagawaran. Mas napaganda kasi unti-unti nilang na-adopt ‘yung mga ibinibigay sa kanilang pagtuturo ksama ng mga ibinibigay ng Local Government Unit (LGU) ng mga panahon na yan,” wika ni OIC MAO Sumaydeng.
Dito nila nakita ang kagandahan ng kanilang lupain, na minana pa nila sa kanilang mga ninuno, para sa pagsasaka. Taong 2006 nang simula nilang buuin ang isang community organization na kalaunaý tinawag nilang SKTM na nag-umpisa sa 22 miyembro. Nabuo ito sa pamamagitan din ng pag-apruba o sa kapahintulutan ng kanilang mga elders o matatandang katutubo. Nagsimula sila ng walang kapital maliban sa membership fee. Sa pagsali sa kanilang samahan noon, kinakailangang magbigay ng membership fee na Php 20 ang mga sasapi, ang mga hindi katutubo ay pinapayagan na din nilang sumali.
Sa kasalukuyan, ang SKTM ay binubuo na ng 43 na miyembro. Ang mga bagong miyembro ay nagbibigay na ng Php 500 na membership fee ayon sa kanilang napagkasunduan upang mapunan ang kanilang ibang kakulangan.
Sa bawat hakbang ng kanilang paglalakbay, hindi nila kinalimutan ang kanilang mga pinagmulan bilang mga katutubo at ang kanilang pagmamalasakit sa kalikasan. Itinuturing nila itong gabay sa kanilang pagbabago tungo sa mas maayos na pamumuhay.
“Ang layunin po ng samahan naming ay masuportahan ang aming mga kasamahang elders, at kulturang samahan ng mga katutubo. Kaming mga bata bata pa sa kanila ay susuporta sa anumang programa na gagawin sa loob ng aming lupaing ninuno,” wika ni G. Bert.
Pagbabago sa tulong ng pagsasaka
Ang SKTM ay kilala na ngayon bilang isang modelo sa kanilang komunidad. Ang kanilang mga taniman ay nagbibigay hindi lamang ng kabuhayan sa kanilang mga pamilya kundi pati na rin bilang halimbawa sa ibang komunidad. Mula sa dalawang (2) ektarya ngayon ay nasa 12 na ektarya na ang kabuuang sakahan ng samahan para sa kanilang pagsasaka ng gulay, mais at palay.
Taong 2021 nang simulang matulungan ng programa ang samahan kung saan iba’t ibang interbensyon ang ibinaba upang mas mapaunlad pa ang kanilang pagsasaka.
“Mayroon din po kaming mga alagang hayop noon, manok, kalabaw, kambing, at baboy. Sa kasalukuyan lalong gumanda at dumami, nadagdagan po ang aming mga alagang hayop dahil sa programa ng 4Ks ng DA MIMAROPA,” sabi niya.
Maliban sa kalabaw, manok, at kambing na natanggap nila mula sa programa, nabigyan rin ang samahan ng handtractor, cultivator, waterpump, mga gamit sa pagsasaka katulad ng araro, suyod, pala at pandilig, punong kahoy (prutas), at sari-saring binhi katulad ng lagkitan na mais, ampalaya, upo, talong, sili, okra, kamatis at marami pang iba.
“Malaking tulong po ang binigay sa amin. Nakakabenta na po ako, hindi lang po pang-ulam pati pang gamit sa bahay para sa araw-araw. Malaking bawas sa gastusin lalo na kapag may kailangan ang aming anak sa school,” sabi ni Gng. Remita S. Diaz, miyembro ng SKTM na nakatanggap ng isang (1) tandang at apat (4) na inahin at ngayon ay nakapagsauli na at nakapagparami na kanyang alaga.
Pagdating sa pagbebenta ng kanilang mga produkto ay direkta nilang dinadala sa palengke sa kanilang bayan. Sa ganitong paraan ay mas kikita sila ng malaki kumpara kung ibebenta nila sa mga traders ang kanilang ani.
“Malaki talaga ang kita. Weekly pwede namin gawin, weekly rin ang kita, depende sa pagta tanim ng gulay,”
Ayon kay G. Bert, napakalaking kaluwagan talaga sakanya ang pagsasaka dahil hindi na siya umaakyat sa bundok para mag-uling, nakatutuok na siya sa kanyang gulayan. Nakikita rin ang kaluwagan sa bawat pamilya sa organisasyon na maganda na ang takbo ng pamumuhay. Hindi na rin sila hirap sa paghahanap ng kakailanganin nila sa pagsasaka dahil na rin sa mga natatanggap nilang interbensyon sa kagawaran na lubos na nakakatulong sa kanilang hanapbuhay.
“Tuloy-tuloy po ang pagtatanim namin, tag-ulan man o tag-init, kasi nandyan na ang kailangan tubig, nandyan na ang waterpump, nandiyan na ‘yung ibinibigay na mga seeds, ang hinahanap nalang po namin ay ‘yung sarili naming lakas para sa pagtatrabaho,” sabi niya.
Ayon naman kay Gng. Silvestra Dadison, Presidente ng enterprise sa ilalim ng SKTM, dahil sa kita nila sa pagsasaka, nakapagpundar na sila ng mga karagdagan kagamitan sa pagsasaka at karagdagang hose upang mas maraming sakahan pa ang maabot.
Malaking pasasalamat rin ni G. Bert na nakadalo siya kasama ang ilang miyembro ng kanilang samahan sa mga pagsasanay ng LGU at ng kagawaran ukol sa paggugulayan na labis na nakatulong sa kanilang pagsasaka.
Pagdating namn sa paggamit ng mga equipment na mula sa kagawaran ay may mga polisiyang sinusunod ang samahan. Ang paghiram ay “first come, first serve” basis na kung saan kinakailangan magbigay ang bawat miyembrong hihiram ng Php 100 para sa maintenance, may sira man o wala, at Php 300 naman tuwing aani.
Sa kanilang pangangalaga ngayon sa kalikasan at sa pag-unlad ng kanilang sakahan, sila ay nagiging inspirasyon sa iba na nais ding magkaroon ng pagbabago.
“Ang strategy po namin talaga diyan ay ginagawa naming modelo ang aming samahan. Sa akin mismo, ang layunin ko talaga ay ipakita sa kanila, sa aming mga member at hindi member, na ako ay nagtatanim ng gulay o mais. Sa tingin nila sa amin ay medyo lumuwag-luwag naman ng konti ang aming kabuhayan. Noon sa sinasabi namin “ang hirap naman ng buhay “ kasi doon kami umaakyat sa bundok pero ngayon hindi ko na nasasabi na mahirap ang buhay kasi naramdaman ko ang tulong ng DA MIMAROPA,” sabi ni G. Bert.
Lubos naman ang pasasalamat ng samahan sa 4Ks sa lahat ng tulong na naibaba sa kanila.
“Ako po mismo ay nagpapasalamat sa programa ng DA MIMAROPA na mayroon talaga silang puso para sa aming mga katutubo dahil sa totoo lang medyo may edad na rin ako ngayon, hindi ako nakatikim na may programa ang DA sa katutubo lang, pero ngayon naramdaman po namin na ang 4Ks ay para sa katutubo lang so maraming salamat po. Sana patuloy na palaguiin o patuloy na suportahan ang iba [katutubo],” pasasalamat ni G. Bert.Ang kwento ng asosasyon ng katutubo ay hindi lamang isang kwento ng tagumpay sa paglipat mula sa dating uri ng kabuhayan patungo sa iba. Ito rin ay isang patunay na sa pamamagitan ng pagtutulungan, determinasyon, at pagmamalasakit sa kapaligiran, maaari nating malampasan ang anumang hamon at makamit ang tagumpay sa ating mga pangarap.