Ang paghahayupan ay isang mahalagang parte ng agrikultura dahil nakakatulong ito sa pag-supply ng pangangailangan natin sa karne at iba pang pagkain. Isa itong alternatibong pagkakakitaan ng mga magsasaka bukod sa pagtatanim ng palay at mga gulay.
Bahagi na ng kulturang ng pinoy ang pag-aalaga ng iba’t ibang uri ng hayop sa mismong mga bakuran. Kadalasan, ang isang pamilya ay nag-aalaga ng nito upang madagdagan ang kanilang kita para sa pang araw-araw na pangangailangan. Isa na rito si Ginoong Jose Ramil Cereño, 46 taong gulang ng San Jose, Occidental Mindoro.
Mula sa pagiging magsasaka at tricycle driver, nagsimulang magparami ng alagang hayop si G. Cereño mula noong lumipat sila ng kanyang pamilya sa Brgy. Batasan mula sa Brgy. La Curva.
“Bukod kasi sa pagsasaka, nakita ko na isa ang pag-aalaga ng hayop sa mga makakatulong para sa pang araw-araw naming na hanap-buhay,” ani G. Cereño.
Isa sa pangunahin nyang pinagkukunan ng kita ay ang kanyang babuyan. Nagsimula siya sa dalawang biik lamang na binili nya sa halagang Php 2,500.00 bawat piraso.
Sa patuloy na paggabay ng mga Agricultural Technician, naging mas maalam siya sa pag-aalaga ng baboy mula sa pagbibigay ng bitamina hanggang sa pagpupurga.
Mula sa 2 biik, ngayon mayroon na siyang 4 inahin, 1 dumalaga, 1 barako, 9 patabain, 2 native (1 inahin, 1 barako).
Ipinagbibili niya ang kanyang mga biik sa mga buyer na dumadayo sa kanilang lugar sa halagang Php 2,500.00 bawat isa at pagdating sa pagpapakatay ay dinadala niya ito sa slaughterhouse.
Isa si G. Cereño sa maraming magsasakang nagsisikap na magparami ng iba’t ibang uri ng hayop. Maliban sa baboy, naparami na rin nya ang kanyang mga alagang baka, kalabaw at kambing na nagsimula lamang sa dalawa. Bukod rito, naparami na rin nya ang kanyang alagang pabo, pato at manok mula sa paghingi nya sa kanyang mga kamag-anak.
“Gusto kong maparami kapag ako nanghingi ng hayop upang kapag may nanghingi rin sa akin ay mayroon akong maibigay,” ani G. Cereño.
Isa rin sa pinagkukunan nya ng kita ay ang kanyang maliit na palaisdaan na may lamang tilapia na binili nya sa halagang piso bawat isa.
Upang makatulong sa kalikasan, iniipon ni G. Cereño ang dumi ng kaniyang alagang hayop upang gawing kompos para sa kanyang bukid.
Si G. Cereño rin ay kasapi ng Mindoro Progressive Multi-Purpose Cooperative – San Jose Chapter at Samahan ng Tugtugin Water Farmers Association.
Dahil sa pag-aalaga niya ng mga hayop at sa tulong na rin ng kita mula sa pagsasaka, nakapagpundar na sya ng tricycle, motorsiklo at handtractor. Nakapagpatayo na rin siya ng bahay at nakabili ng lupa na tinamnan nya ng iba’t ibang klase ng halaman.
“Malaki tulong ang paghahayupan, dahil dito nasusuportahan ko ang pag-aaral ng aking anak na si John Reniel,” dadag ni G. Cereño.
Hindi man nakapagtapos sa kolehiyo si G. Cereño dahil sa hirap ng buhay, hindi naman ito naging hadlang upang magtagumpay siya sa buhay. Sa patuloy na pagpupursige, sipag, tiyaga at determinasyon niya sa pag-aalaga ng hayop at sa pagsasaka, alam niyang makakamit niya ang kanyang mga mithiin sa buhay.