Si Ginoong Buenaventura P. Trinidad, residente ng Brgy. Pulot Shore, Sofronio Española, Palawan, ay isang inspirasyon at mabuting lider sa kanilang komunidad.
Siya ay 41 taong gulang na nagmula sa Brooke’s Point, Palawan. Samantala, ang kaniyang may-bahay ay si Ginang Juditha ay mula sa Masbate. Sila ay biniyayaan ng tatlong lalakeng anak na sina Buedil, Billyjo at Bencleo.
Ang determinasyon niya katulong ang kanyang may-bahay, pagsisikap na makaahon sa kahirapan at panalangin sa Diyos ang tanging pinanghahawakan nila upang makamit ang kaginhawaan sa buhay.
Sa edad 16 taon gulang pa lamang si G. Trinidad ay panghuhuli na ng alimango ang kanilang ikinabubuhay. Gumagamit sila ng “bobo” o kulungang gawa sa lambat, kawayan at yantok.
Ang kanyang negosyo sa Crab Culture at Fattening under Mangroves na may 250 crablets ay nagsimula noong October 2016 sa tulong ng Office of the Provincial Agriculture at Office of the Municipal Agriculture sa pakikitulungan at sa farm inputs mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa ngayon, sila ay nag ku-culture na ng mahigit 1,000 pirasong alimango at crablets. Sila na ngayon ang pangunahing taga-supply at pakyawan na rin namimili ng alimango sa kanilang lokalidad at sa mga karatig na bayan.
“Dahil may pwesto rin kami sa palengke, tumutulong rin ako sa mga kapwa ko mangingisda sa aming barangay sa pamamagitan ng pagbili sa kanilang huling alimango, crablets at isda,” ani G. Trinidad.
Nagsusuplay sila sa mga mamimiling nagsusuplay naman sa mga malalaking hotel at resort sa Palawan at maging sa Maynila.
Sa panahon namang may itlog ang kanilang mga alimango ngunit walang mamimili, binabalik nila sa dagat. Ito ang rason kung bakit sagana sa alimango ang kanilang lugar.
Mula sa kanilang kita, nakapagpundar na sila ng mga gamit sa bahay, motorsiklo, motorized na banka (double engine), second hand motorized na banka at top down tricycle para sa transportasyon ng kanilang produkto. Nakabili na rin sila ng 3/4 ektaryang niyugan at karagdagang lote para sa kanilang crab culture farm.
Upang madagdagan pa ang kanilang kita, sila rin ay nag-aalaga ng baboy at baka, nagtatanim ng iba’t ibang klaseng gulay at orchids. Nag-aalaga rin sila ng manok para sa kanilang pangkonsumo.
Pinangungunahan rin G. Trinidad ang mga aktibidad sa kanilang barangay katulad ng mangrove reforestation. Kasama ang buong pamilya, hindi rin siya nawawalan ng oras upang magbigay serbisyo sa kanilang kapilya bilang presidente ng Parish Pastoral Council simula 2014. Samantala, si Gng. Juditha ay nagsisilbing commentator tuwing linggo.
Ang kasalukuyang katayuan sa buhay ng Trinidad Family ay nakamit nila sa tulong na rin mula sa gobyerno, determinasyon, pagsisikap ng buong pamilya at higit sa lahat sa tulong paniniwala at pananampalataya nila sa Panginoon.