“Natutuwa ako kapag natutulungan ko ang mga magsasaka”, wika ni Mar Bautista, isang tubong Mayabig, Baco, Oriental Mindoro na kasalukuyang tumutulong sa mga magsasakang bilhin ang kanilang mga gulay, prutas at isda sa mga karatig-bayan gamit ang isang trak na ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) , “Ganoon na kalapit ang loob ko sa kanila”, dagdag niya.
Panahong sumailalim ang Luzon sa enhanced community quarantine (ECQ) dulot ng paglaganap ng Corona virus disease(COVID-19), daan-daang hanap-buhay ang natigil at maraming mamamayan ang nawalan ng kita para sa pang-araw-araw na gastusin higit sa lahat ang mga magsasaka na sila silang taga-tanim ng pagkain ng mga tao. Nababahala sila kung papaano makakarating at mabebenta ang kanilang produkto sa merkado.
Ito ang nag-udyok kay Mar Bautista na boluntaryong mamahala at maging timon ng “Kadiwa on Wheels” o “Katuwang sa Diwa at Gawa para sa Masaganang Ani at Mataas na Kita”, isang paraan ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) na matulungan ang mga magsasaka na mabili ang kanilang produkto at ilapit sa mga mamimili. Sa paraang ito siguradong hindi nababarat ang mga magsasaka at hindi rin mamamahalan ang presyo ng bilihin dahil alam ito ng DA.
Sa unang araw ng serbisyo ni Mar sa Kadiwa, napuno niya ang trak ng 2 toneladang calamansi, 4 toneladang melon, 1 toneladang pinaghalu-halong gulay, 4 toneladang pakwan, at 3 coolers ng bangus patungo sa mga bayan-bayan ng Oriental Mindoro.
Buong linggong inihahatid ni Mang Mar ang nabiling gulay at prutas sa iba’t ibang food terminal sa probinsiya at ibang pamilihan. Upang masiguradong hindi masira ang napamili niyang produkto, minsan ay sa trak na lamang siya natutulog.
Ayon sa kaniya, hindi naman siya nakakaranas ng pagkalugi. Sa apat (4) na consignment na makuha niya ay nakukuha ni Mar ang kanyang mga gastusin sa pagkain at krudo. “Wala pa naman akong naeexperience pang shortage at saka, nagpapaluto na lang din ako mula Bulalacao para may makain sa byahe,” kaniyang pagkakabahagi upang makatipid na rin.
Sa 3 tonelada ay mayroon siyang 3 pisong mark-up bawat kilo kaya’t mayroon siyang Phh9,000 kung saan ang Php5,000 ay ibabawas - P2,000 para sa kaniyang helper sa loob ng 48 oras, P1,500 para sa pagkain sa loob ng 48 oras, P1,000 ay idinadagdag sa diesel sapagkat hindi lahat ng gas station ay gumagamit ng card, Php300 para sa helper mula sa area ng distribusyon, at P500 para sa emergency expenses. Ang matitirang Php4,000 para sa susunod na 48 oras na maaari pang madagdagan kung may sariling aning mga gulay.
Sa kasalukuyan, nakapagdadala siya ng 9 toneladang pakwan at naibenta sa presyong P9/kilo, 300 kilong kalabasa sa presyong P20/kl, 10 toneladang upo sa presyong P15, 100 pirasong guyabano at 200 pirasong latundan nang P3 bawat piraso at P1.50 sa maliliit, 1 sako ng gabing laman at 1 sakong langkang hinog sa presyong P35/kl. Sa pamamagitan ng Kadiwa, siguradong murang mabibili ang gulay at prutas dahil binabase ni Mang Mar ang kaniyang presyo sa kung ano ang Suggested Retail Price (SRP) na itinalaga ng Kagawaran.
Tinutulungan din si Mar Bautista ng mga Local Government Units (LGUs) tulad ni Puerto Galera Mayor Rocky Ilagan sa paghahatid ng produkto sa kanilang bayan, ni Agricultural Program and Coordinating Officer Coleta Quindong sa pagsasaayos ng trak na gagamitin para sa pag-aangkat, at ni Bureau of Plant Industry – National Plant Quarantine Services Division Area Manager Lorna Cepillo sa pagpapaabot ng mga mensahe ng mga magsasakang nangangailangan ng serbisyo ng Kadiwa.
“Maganda ang maraming kakilala sa mga iba’t ibang bayan,” pahayag ni Mang Mar ukol sa kanyang mga contacts sa online social groups ng Samahan ng mga Tawid-Dagat, Tsuper, at Operator ng Oriental Mindoro (STTOORM), isang trucking service kung saan si Mar ang kanilang Business Manager, Usaping Palayamanin, at Sambayanan ng mga Mindoreño Para sa Bayan at Kalikasan. “Nagkakausap kami ng mga farmers sa messenger, pwede rin sa mobile kaya minsan napupuno na rin yung inbox ko. Kailangan din kasi lalo na may nagsasabi sa aking mga melon at pakwan farmers na umaabot ng 1000T ang masisira sa kanila kaya dapat matulungan na”, dagdag niya.
Isa sa kaniyang kausap na suppliers ng agri-commodities ay ang Pinagsabangan I Vegetables Growers Association sa Naujan na siya ring nagpapasalamat sa patuloy na pagtulong sa kanilang mga magsasaka. “Ganyang ganyan kami sa pagdadala ng mga gulay para ipahakot kay Mar”, wika ni Ginalyn Daguasi, kalihim ng kanilang organisasyon at kausap ni Mar Bautista sa pagpapadala ng mga produkto ng kanilang pagsasaka.
“Magaling talaga ‘yang si Mar”, wika ni Marilyn Rayos, magsasakang matagal na kaibigan at pinagkukunan at supplier din ni Mar Bautista mula Panikian, Biga, “Magaling siyang magturo pagdating sa halaman kaya’t gumaganda rin ang tubo ng mga pananim namin dito.”
“Natutunan ko thru training ng gobyerno, ng ATI (Agricultural Training Institute) ang mga nalalaman ko ngayon”, wika ni Mar Bautista. Bilang Chairman ng kanilang organisasyon sa Baco, siya ang malimit ipadala ng kaniyang munsipyo sa mga trainings ng gobyerno. Ngayon na siya isa nang lehitimong Organic Agriculture NC II, nagsasanay na rin siya ng iba pang mga magsasaka; leadership training, bee-keeping, cacao at mushroom production at plant nursery propagation. Nagbibigay din siya ng trainings sa entrepreneurship at food processing sa pamamagitan ng trainer’s methodology.
Mga taong 1999-2010, nanilbihan si Mar bilang jeepney, taxi at express driver ngunit hindi niya nagustuhan ang buhay sa syudad ng Maynila kaya’t umuwi siya sa Baco.
Sadyang matulungin na si Mang Mar noon pa man. Noong ikinasa ang Rice Tariffication Law, pinasok ni Mar ang online selling ng kanyang mga agri-commodities(binhing palay na bigay ng DA) mula Oriental Mindoro na kaniyang itinatawid sa labas at mga karatig-bayan kung kaya’t nagpapasabay na rin ang kaniyang kapit-bahay at ilang magsasaka sa pagpapadala ng kanilang bigas at iba pang ani. Isinasabay na rin niya sa byahe ang pagdadala ng mga produkto ng magsasaka sa kaniyang pamilya gamit ang kaniyang personal na truck.
Ilan pa sa kaniyang mga nagawa para sa mga mamamayan ay pagiging boluntaryo ng Kalahi sa loob ng dalawang taon at pagtulong sa mga Mangyan na kaniyang inaakyat sa kabundukan upang bigyan ng pagkain. Nais niyang bilhin ang kanilang mga produktong nitong plato upang ibenta sa bayan upang magsilbing kita ng mga tribo. Bilang bahagi rin ng Sambayan ng mga Mindoreno Para sa Bayan at Kalikasan, sumama si Mar sa reforestation ng 400, 000 na mga puno sa Oriental Mindoro.