News and Events

Tribung Tagbanuang Taludanen Tumanggap ng Agri-Suporta mula sa DA-MIMAROPA
Masayang pagtanggap. Buong tuwa at pasasalamat na tinanggap ng mga miyembro ng Tagbanuang Taludanen sa Brgy. Pancol, Taytay, Palawan ang mga interbensyong pang-agrikultura mula sa Department of Agriculture-MIMAROPA.

Tribung Tagbanuang Taludanen Tumanggap ng Agri-Suporta mula sa DA-MIMAROPA

Bukas-palad at buong galak na tinanggap ng samahan ng Tagbanuang Taludanen sa Barangay Pancol, Taytay, Palawan ang mahigit kumulang Php100,000 halaga ng interbensyong pang-agrikultura mula sa Department of Agriculture (DA)–MIMAROPA noong Hunyo 20.

Kabilang sa mga ipinamahaging suporta ay assorted 50 pakete ng open-pollinated variety (OPV) na mga binhing gulay, anim na sako ng hybrid binhi ng mais, tatlong sako ng binhi ng malagkit na variety ng puting mais, 50 kilong heirloom rice seeds, 100 pakete ng iba’t ibang klase ng hybrid na binhing gulay, 500 kilo ng organikong pataba, at 100 parawakan na manok—lahat ay may layuning mapaunlad ang kabuhayang agrikultural ng komunidad.

Lubos ang pasasalamat ng samahan sa ipinagkaloob na tulong. Ayon kay Pedro Armenia, Jr., presidente ng grupo ito ay makakatulong sa pagtaguyod ng kanilang pamilya.

 “Kami po ay nagpapasalamat sa pamahalaan, sa Department of Agriculture sa binigay na mga seeds, mga mais, at manok. Maraming-maraming salamat po, makakatulong po ito sa aming pamilya,” kanyang pahayag. 

Ang mga interbensyong ito ay tugon sa panawagan ng tribu para sa suporta sa kanilang kabuhayang nakasentro na ngayon sa pagbubukid. Dating naninirahan sa baybayin, napilitang lumikas ang tribu patungong kabundukan dahil sa presensya ng mga dayuhang umuukupa sa kanilang mga lupain. Mula nang mabuo sila bilang samahan noong 1995 sa tulong ng isang non-government organization, patuloy nilang pinagsusumikapang itaguyod ang kanilang kabuhayan at kultura.

Isa sa mga benepisyaryo ay si Josefa Aguilar-Sagasta, na buong puso ring nagpaabot ng kanyang pasasalamat.

“Ako po ay nagpapasalamat kay President, malaking tulong na ibinigay sa amin na mga blessing. Hindi mauubos ang pasasalamat namin sa kanya. Sa Department of Agriculture, napakalaking tulong ito sa aming mga katutubo. Pagbalik po ninyo, makikita po ninyo na kami ay nagbago dahil nagkaisa kami. Magtutulong-tulong kami at gagawa kami ng mabuti upang umunlad ang aming samahan, pati na ang buong komunidad,” aniya. 

Ang aktibidad ay isinakatuparan sa ilalim ng programang Kabuhayang Kaunlaran para sa Kababayang Katutubo (4Ks)—isang inisyatiba ng DA na naglalayong isulong ang inklusibong kaunlaran para sa mga Indigenous Peoples (IP) communities. Sa pamamagitan ng masinsinang koordinasyon ng Institutional Development Section (IDS) at pakikiisa ng mga banner programs ng kagawaran—Corn and Cassava, Rice, High-Value Crops, Organic Agriculture, Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) at Livestock—na siyang naglaan ng mga binhi, manok, at iba pang interbensyon, naging matagumpay ang paghahatid ng suporta sa komunidad ng Tagbanuang Taludanen. 

Maingat na nakinig ang mga miyembro ng Tagbanuang Taludanen sa Brgy. Pancol, Taytay, Palawan habang ipinaliwanag ng kinatawan mula sa Department of Agriculture-MIMAROPA ang mga interbensyong pang-agrikultura na kanilang. Layunin ng programa na bigyan ng mas matatag na kabuhayan ang mga katutubo sa pamamagitan ng mga binhi, pataba, at manok na makatutulong sa kanilang pagsasaka at kabuhayan sa kabundukan.
Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.