News and Events

Palawan Farmers, Sumailalim sa Training sa Farm Machinery Operation at Maintenance
Mga kalahok sa pagbubukas ng Training on Basic Operation, Repair, Maintenance and Basic Troubleshooting of Farm Machineries kasama si Provincial Agriculturist Dr. Romy Cabungcal at ilang kawani ng Corn and Cassava Program.

Palawan Farmers, Sumailalim sa Training sa Farm Machinery Operation at Maintenance

Bilang tugon sa patuloy na modernisasyon ng agrikultura sa lalawigan, isinagawa ng Department of Agriculture-Corn and Cassava Program ang apat na araw na pagsasanay sa Basic Operation, Repair, Maintenance, and Troubleshooting of Farm Machinery noong Hunyo 10-13, 2025 sa A&A Plaza Hotel, Puerto Princesa City, Palawan. 

Dinaluhan ito ng mga farm machinery operators mula sa walong munisipalidad ng PalawanAborlan, Narra, Sofronio Española, Brooke's Point, Bataraza, Roxas, Taytay, at El Nido—na pawang mga benepisyaryo ng makinaryang pansakahan mula sa ahensya. Layunin ng pagsasanay na paigtingin ang kanilang kasanayan sa paggamit at pangangalaga ng mga makinarya upang masiguro ang maayos, ligtas, at matagalang operasyon sa bukid. 

Binuksan ang programa sa pamamagitan ng panimulang mensahe mula kay Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal, kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng modernong kaalaman sa makinarya upang mapanatiling epektibo at produktibo ang operasyon sa bukid. 

“Marami tayong mga farm machinery mula sa gobyerno na nakatengga lang dahil hindi natin alam ang basic operation,” ani Cabungcal sa kanyang mensahe sa mga kalahok. “Habang ginagamit natin ang mga ito, wala tayong sapat na kaalaman sa basic repair, maintenance, at troubleshooting. Kaya mahalagang bigyang-pansin ito ngayon. Mahirap kung pagkatapos lang ng ilang gamit ay masisira na dahil wala tayong alam. Kaya sana, makuha natin ang basic skills na ‘yan.” 

Mga kalahok na farm machinery operators sa hands-on demonstration kasama ang expert technicians mula sa mga supplier ng makinarya.

Ilang eksperto mula sa equipment suppliers ang nagbahagi ng mahahalagang kaalaman sa operasyon, maintenance, at troubleshooting ng iba't ibang makinaryang pansakahan gaya ng traktora, harvester, at hammer mill. Nagkaroon din ng mga demonstration at open forum upang masagot ang mga praktikal na katanungan mula sa mga kalahok. Bukod sa mga talakayan at demonstrasyon, nagkaroon din ng malayang talakayan kung saan nakapagtanong ang mga kalahok ng mga kapaki-pakinabang na payo para sa pagpapanatili ng kaayusan ng kanilang ginagamit na makina. 

Matapos ang isinagawang training, nagbahagi rin ng mensahe sa kanyang kapwa magsasaka ang isa sa mga kalahok na si Jose Dalabajan Rey Jr. II. Aniya, mahalaga ang maingat na paggamit at pangangalaga sa mga kagamitang ipinagkakaloob ng gobyerno. 

"Pagkatapos ng ating trabaho, siguraduhin po natin na malinis at maayos ang mga kagamitan. Sa ganitong paraan, mas tatagal ang kanilang gamit. Huwag po nating sayangin ang mga ipinagkakaloob ng gobyerno—lalo na ng Department of Agriculture—dahil malaking tulong po ito para sa ating mga magsasaka. Kaya naman, kung tayo ay nabigyan ng kagamitan, responsibilidad natin na ito'y pangalagaan at ingatan,” kanyang sinabi. 

Ang training na ito ay bahagi ng patuloy na suporta sa mechanization efforts ng gobyerno para sa mga magsasaka sa Palawan, na layong mapababa ang post-harvest losses, mapaangat ang ani, at palakasin ang kakayahan ng mga lokal na komunidad ng mga magsasaka. 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.