POLA, ORIENTAL MINDORO - Dumating na sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro ang programang “Benteng Bigas Meron Na” (BBM) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., katuwang ang Matulatula Farmers and Vendors Agriculture Cooperative (MAFAVENACO), na layuning makapaghatid ng abot-kayang bigas sa mga bulnerableng sektor.
Sa isinagawang Agri-Trade Fair sa nasabing bayan, dumagsa ang mga residente upang bumili ng bigas sa halagang P20 kada kilo–isang pangako ng Pangulo na ngayon ay naisasakatuparan na. Ang Pola ang ikalawang bayan sa Oriental Mindoro na nabigyan ng benepisyo sa ilalim ng BBM Program.
Isa sa mga masayang mamimili ay si Linda Fabula, 75 anyos, mula sa Brgy. Batuhan.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa mahal na Pangulo. Sa wakas, narating na rin ng kaniyang serbisyo ang aming bayan. Nandito na po ang ipinangako niyang P20 na bigas,” aniya.
Gayundin ang pahayag ni Adelaida Pineda mula sa Brgy. Bayanan na nagsabing malaking ginhawa ang dulot ng programa sa kanilang pamumuhay.
“Sa katulad ko lamang po na mahirap ang buhay, sa dating 40 pesos ay makakabili na po kami ng bigas sa halagang 20 pesos. Nagpapasalamat po ako sa mahal na Pangulo,” saad ni Pineda.
Naisakatuparan rin ang paghahatid ng murang bigas sa pamamagitan ng tulong ng lokal na pamahalaan ng Pola sa pamamagitan ng pagsagot sa krudo at iba pangangailangan sa logistics.
Ayon kay Ronald Bagui Mendoza, manager ng MAFAVENACO, hindi natatapos sa trade fair ang distribusyon bg bigas. Simula Hunyo 30, 2025, regular nang maibebenta ang bigas sa halagang P20 sa pamamagitan ng Kadiwa store ng kooperatiba sa Brgy. Matulatula. Ang pagbebenta ay isasagawa tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, at limitado sa hanggang 10 kilo kada mamimili.
Ang pagbebenta ng murang bigas na ito ay eksklusibong ibebenta sa mga kabilang bulnerableng sektor tulad ng persons with disabilities (PWDs), senior citizens, miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at mga solo parents.