Taong 2021 nang unang magkaloob ng mga makinarya ang Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA)
Project sa San Juan San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA) sa Bulalacao, Oriental Mindoro na kinabibilangan ng apat (4) na hand tractors, apat (4) na pump engine sets, isang (1) mechanical shredder at isang (1) mini palay thresher na may kabuuang halaga na P1,858,000. Ang mga nasabing makinarya ay patuloy na pinakikinabangan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng halinhinang pagrenta ng mga ito sa samahan sa mababang halaga. Ang renta sa mga makinarya ay iniipon bilang kita ng samahan at pondo para sa maintenance ng mga nasabing gamit.
Kabilang sa mga labis na ikinatuwa ang pagkakaroon ng makinarya ng kanilang asosasyon ay ang magsasakang si Emilio Agayhay ng Proper San Roque, Bulalacao. Ang kaniyang anak na si Elmer Agayhay ang kalimitang gumagamit ng hand tractor para bungkalin ang kanilang palayan.
“Malaking tulong ang hand tractor na nagamit namin sa aming tubigan kasi noon ay hindi gaanong mabilis ang trabaho namin. Noong nagamit kami ng kalabaw ay dalawang pitak ang nabubungkal sa isang araw pero ngayong may hand tractor na ay nakakaapat na pitak na kami sa isang araw. Mas nakatipid rin kami sa gastos sa pagtatanim ng palay dahil mas mabilis matapos. Talagang maganda pala ang may makinarya,” pahayag ni Emilio Agayhay.
Nasubukan rin nila ang gumamit naman ng mini thresher matapos mag-ani ng palay. Nakita ng mag-ama ang malaking adbentahe nito sa mas mabilis at kombinyenteng paggiik ng palay.
“Noon naggigiik kami ng palay gamit ang aming paa, ang tatlong sako ay isang araw bago matapos pero masakit sa paa, nakakasugat. Ngayon ay mabilis na at hindi pa nasusugatan ang aming paa,” masayang pahayag niya.
Aniya pa, malaking pasasalamat nila sa AMIA at sa DA. Sulit aniya ang renta nila dahil sa mas mabilis at pulidong trabaho sa tulong ng mga makinaryang pinagkaloob ng programa.
Bunga ng pagtanggap ng makabagong pamamaraan
Ayon kay Vilma Sagangsang, isa sa mga project implementer ng AMIA sa Oriental Mindoro, nakatulong sa mga magsasaka ang pagtanggap at paggamit nila ng mga makabagong pamamaraan sa pagsasaka na itinuro ng proyekto.
“Na-adapt ng mga farmers ang mga itinuturong makabagong pamamaraan ng pagsasaka. Dati karamihan ay pagkakaingin ang alam nila, sinusunog ang mga kahoy ngunit pagpasok ng AMIA Village ay tinuruan sila ng Sloping Agricultural Land Technology (SALT),” pahayag niya.
Ang Sloping Agricultural Land Technology o SALT ay pinagsama-samang teknolohiya sa pangangalaga sa lupa at pagpaparami ng ani, pag-aalaga ng iba’t ibang halaman at hayop, at isang pamamaraan ng pagtatanim ng permanente at pagmatagalang halaman na magkakasama. Layunin nito na makontrol ang pagguho ng lupa, mapanatili ang taba ng lupa, mapataas ang produksiyon at maibalik sa dati ang kalikasan.
Samantala, ayon pa kay Vilma Sagangsang, umaabot na sa mahigit P100,000 ang kita ng mga kasapi ng San Juan San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA) at patuloy pa itong madaragdagan sapagkat tuloy-tuloy ang pagtatanim nila at pag-aalaga ng mga hayop.
Payo sa mga benepisyaryo ng mga tagapagpatupad ng AMIA Project sa Oriental Mindoro na ipagpatuloy ang sipag at aktibong pakikipag-ugnayan sa kanilang samahan upang tuloy – tuloy rin ang pag-angat ng kanilang pamumuhay lalo sa pagsasaka. Hangad anilang maging matagumpay ang kanilang komunidad at lubusang makatulong ang programa sa kanilang pamumuhay.
Mula 2020 hanggang 2023 ay umaabot na sa P8,879,749 ang kabuuang halaga ng mga pagsasanay at agricultural inputs na naipagkaloob ng programa sa lalawigan kasama na rito ang pinakabago at ikatlong AMIA Village na kanilang binubuo sa bayan ng Pola sa kasalukuyan.