Matrabaho man at mano-mano, hindi napanghinaan ng loob si Nelson Gabutero o “Ka Nelson”, 63, ng Brgy. Labungan, Oriental Mindoro, dahil siya ay naniwala sa kakayahan ng organikong pagsasaka.
Ginamit niya ang kanyang kaalaman na nakuha sa pagtatapos ng Kursong Agrikultura, at lakas-loob na simulan ang pag-oorganiko sa kalahating ektraya ng lupa.
“Nag-start ako gumawa ng sariling organikong pataba sa paggamit ng mga biodegradable waste na galing sa bukid katulad ng dumi ng hayop at plant parts. Pinag-ipon-ipon ko ang mga ito at nakita ko ang magandang epekto sa halaman,” kanyang pag-alala.
Hindi man noon pinapansin ang pag-oorganiko dahil sa paglabas ng mga kemikal na pataba na napakadaling gamitin, ngunit hindi nagpatinag si Ka Nelson at kanya itong pinagpatuloy.
“Sa pag-aaral ko alam ko ang kagandahang dulot sa kalusugan ng organikong produkto kundi pati na rin sa mga magsasakang gumagamit nito,” kanyang pagpapaliwanag.
Dahil sa magandang resulta ng kanyang unang subok ng organikong pagsasaka, ang dating kalahating ektarya ay unti-unti niyang napalaki hanggang sa ang buong sakahan at taniman niya ay inaalagaan niya na sa pamamagitan ng paggamit ng mga organikong pataba at pestisidyo.
“Noong nagkaroon ako ng magandang ani, mula sa kalahating ektarya, ipinagpatuloy ko ito at nagpasyang gawin ng tatlong (3) ektarya sa loob ng isang taon,” kanyang ibinahagi.
Dahil sa patuloy na pagbigay ng magandang resulta ng kanyang organikong pagsasaka at kagandahang dulot nito sa kalusugan, pinayaman niya ito at nagsaliksik pa ng iba’t ibang pamamaraan sa pag-oorganiko hanggang sa mapadali niya ang pagsasagawa nito.
“Gusto ko rin patunayan sa ibang magsasaka na sa tulong mga makabagong pamamaraan, napapadali din ang pag-oorganiko,” sabi niya.
Ilan sa mga nadiskobre ni Ka Nelson na pamamaraan sa pag-oorganiko ay ang paggamit ng improvised decorticator, improvised shredding machine, indigenous micro-organism, vermis tea, at fish amino.
“Nadiskubre ko ang improvised shredding machine para pangdurog ng katawan ng saging at dumi ng baka o kalabaw na maagandang pakain sa african night crawler o bulate. Improvised decorticating machine na ginagamit namin para makuha yung coco dust na kailangan namin sa pagtatanim at pagpupunla ng mga gulay. Dahil sa mga fiber niya na dikit-dikit, kapag binunot ang punla sa seedling tray siya ay buo pa rin.
Para mapadali naman ang aming pago-organic meron kaming technique na ginagamit. Yung mga bacteria o indigenous micro-organism na nagpapadali sa pagkabulok ng mga compost namin.
Hinahaluan din namin ng vermi tea at fish amino para mas lalong mapaganda ang paggawa ng organic fertilizer,” kanyang pagbabahagi.
Hindi nagtagal naging tanyag si Ka Nelson sa kanilang bayan at naging tagapayo ng maraming mga magsasaka na gustong subukan ang pag-oorganiko. Upang kanyang matugunan ang lahat ng mga nagtatanong sa kanya siya ay nagsagawa ng mga libreng pagtuturo sa kanyang mga kapwa-magsasaka sa kanilang lugar. Hanggang sa madiskubre ito ng Agricultural Training Institute (ATI) at binigyan siya ng pondo upang pagandahin ang kanyang training center.
“Nakita ito ni Director Bong Barrientos at naobserbahan niya ang resulta ng aking mga pananim kaya pina-accredit ang aming bukirin na maging learning site ng ATI. Binigyan nila ako ng kaunting puhunan, na-develop ang training center at nagkaroon ng mga kagamitan kaya tuloy-tuloy na ang pagbibigay ko ng training kasama ang ATI,” kanyang galak na sinabi.
“Yung ginagawa ko na pagtuturo ng libre ay nagkaroon ng unexpected blessing galing sa DA,” kanyang idinagdag.
Higit pa riyan, dahil sa magandang ani na kanyang nakukuha sa pag-oorganiko nakakaaakit na ito ng iba’t ibang mamimili pati na rin ng mga turista na mahilig sa mga organikong pagkain.
“Yung marketing ng mga produkto namin wala na kaming problema, may kumukuha na noon, by bulk na. Kapag nalaman nila na ready for harvest na yung palay, binibili na yan. Sa mga gulay namin, from time to time, may mga pumupunta ditong walk-in customers katulad ng mga turista. Sila ang nagpipitas, pick and pay. Meron din kaming regular customer sa Mansalay at sa Bongabong,” ika niya.
Kalaunan ay naging farm tourism site na rin ang kanyang taniman dahil na rin sa pagsasaayos at pagpapaganda nito na maaari ring paglibangan ng mga bisita. Mayroon na itong swimming pool, activity area, at kantahan at maari pang manguha ng sariwang gulay.
“Hindi ko po maabot ang tagumpay na ito na wala ang apat na ingredient ko sa pagsasaka, ang sipag, tiyaga, patuloy ng pagsasaliksik ng mga pamamaraan at siyempre po ang pagma-market nito,” kanyang ibinahagi.