Success Stories

Karabanan sa Pangabuhi: AMIA Project, naging daan sa pagtutulungan tungo sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga katutubo sa Mansalay, Oriental Mindoro
Si Nena Maligo, habang hawak ang isa sa 12 biik mula sa ikalawang panganganak ng kaniyang alagang baboy mula sa AMIA Project.

Karabanan sa Pangabuhi: AMIA Project, naging daan sa pagtutulungan tungo sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga katutubo sa Mansalay, Oriental Mindoro

“Karabanan sa pangabuhi”, salitang Mangyan na ang ibig sabihin ay pagtutulungan o bayanihan. Ito rin ang ginamit na mga salita ni Orpus Bat-ang, Chairman ng Karabanan sa Pangabuhi Farmers Association (KPFA) sa Sitio Inakay, Brgy. Cabalwa, Mansalay, sa paglalarawan niya ng pagbuo ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) Village sa kanilang lugar.

“Maganda po ang kalagayan ng aming pagsasaka ngayon dahil marami na ang naibigay sa amin. Ito na ang kasagutan sa sinasabi naming “karabanan sa pangabuhi” kasi sa Mangyan ay nangangahulugan ito na nagtutulungan, parang bayanihan.  Naragdagan ang pagkakakitaan namin, kung sa hagdan ay utay-utay na umaangat, kailangan lang ng pagtitiyaga,” saad niya.

Pagbabahagi pa niya, isandaang porsyento nilang nararamdaman ang kita mula sa tulong ng AMIA sapagkat umaabot na sa P35,000 ang naiipon ng kanilang samahan mula sa mga miyembro na nakapagpaanak at nakapagbenta na ng mga native na baboy. Bawat kasapi na nakatanggap ng native na baboy ay may tungkulin rin na magbalik ng dalawang (2) biik upang maipamahagi naman sa iba gaya nina Uso Gawid, Analou Bilog, at Nena Maligo, pawang residente ng nasabing lugar. 

Ang mga alaga nilang baboy ay pawang dalawang beses nang nakapanganak at buntis na sa ikatlong pagkakataon. Si Uso Gawid ay kumita ng 12,000 sa unang pagbebenta ng mga biik, P34,020 naman ang kinita ni Analou Bilog sa una at ikalawang pagbebenta, habang P15,000 ang napagbentahan ni Nena Maligo sa unang panganganak at may 12 biik pa siyang maaari nang ibenta.

“Noon ay pabalik na ang aking anak sa school at wala kaming pera, nagkataon na maaari nang ibenta ang anak ng aking baboy kaya nakatulong talaga, nakaraos kami,” kwento ni Uso Gawid. 

“Tutok po ang pag-aalaga ko, araw-araw nililiguan, tatlong beses pinapakain sa isang araw, at natutulog ako na malapit sa kaniya kapag may sakit, nanganganak at hindi pa gaanong malakas ang mga biik. Parang anak ang turing ko dito. Nagamit ko pandagdag puhunan sa aking tindahan at baon ng aking anak ang aking kinita,” pagbabahagi naman ni Analou Bilog.

“Ang kinita namin sa baboy ay dinagdag namin sa capital na pambili ng kambing. Masaya akong nakikiisa sa grupo, sama-sama kaming nagtatrabaho.  Itong AMIA ang programa na tuloy-tuloy na natulong sa amin, naoobliga kami dahil may tungkulin kaming dapat gampanan at higit kaming naging responsable,” saad ni Nena Maligo. 

Kasabay ng patuloy na paggabay sa San Juan - San Roque Livelihood Farmers Association sa Bulalacao ay ang pagpapalawig ng AMIA Village sa bayan ng Mansalay sa pamamagitan ng KPFA. Nagsimula ang interbensiyon sa samahan sa pagbibigay ng mga pagsasanay na sinundan ng pagkakaloob ng mga pananim na gulay, mga kambing, baboy, at kamakailan lamang ay water pumps.  Ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ng mga ganitong uri ng ayuda ang mga miyembro.

Tulong ng mga pagsasanay

Upang matiyak ang tuloy-tuloy at matagumpay na implementasyon ng AMIA Project, regular na pinupuntahan at minomonitor ang mga benepisyaryo ng mga nasa likod ng programa kabilang na ang implementer na si Je Precious Tarog. Pagbabahagi niya, maraming miyembro ng Karabanan sa Pangabuhi FA ang nagdadalawang isip sa pag-aalaga ng mga baboy noong una dahil sa maaari nilang gastusin sa pagkain ngunit dahil sa mga pagsasanay na kanilang binigay at sa paggabay sa mga ito ay natuto na rin ang mga magsasaka.

“Noon, karamihan ay hindi ganoon ka-confident sa pag-aalaga ng baboy dahil sa pag-aalala sa pakain ngunit sa pamamagitan ng mga trainings at seminars ay natutunan nila paano aalagaan nang hindi gaanong malaki ang gastos. Ngayon ay nakita nila na malaki ang naitulong sa kanila ng mga alagang native pig kaya mas pinag-iigihan pa nila ang pag-aalaga,” saad ni Precious Je Tarog.

“Marami pang hindi nakakapanganak at tinatayang aabot sa P70,000 ang kikitain ng samahan hanggang ngayong 2023 kung makapagbabalik na lahat. Kung pagsasamahin naman ang kita ng lahat ng miyembro na nakapagpaanak at nakapagbenta na ay tinatayang nasa mahigit P100,000 na dahil karamihan ay dalawang beses nang nakapagpaanak at ngayon ay patatlong pagbubuntis na ng kanilang baboy,” dagdag pa niya.

Ang AMIA Project ay ang programa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa climate adaptation and mitigation kung saan ginagamit nito ang Climate Resilient Agri – Fisheries (CRA) approach na nakatuon sa paghubog sa mga komunidad na maging matatag sa nagbabagong panahon sa pamamagitan ng mga likas-kaya o sustenableng pangkabuhayan. 

Unang inilatag ang AMIA Project noong 2020 sa pangunguna ni Regional Focal Person Randy Pernia, sa pamamahala ng mga kawani ng Research Division ng Department of Agriculture MIMAROPA at sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office (MAO). 

Sa loob ng tatlong (3) taon na pagtulong ng proyekto sa mga mahihirap na magsasaka sa Oriental Mindoro na karamihan ay katutubo, ramdam na ng marami sa kanila ang unti-unting pag-angat ng kanilang pagsasaka at kabuhayan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.