Success Stories

Hardin ng Pagpupursige: Ang Kwento ng Samahan  ng mga Urban Gardener ng Barangay Maunlad (SUGBAM)

Hardin ng Pagpupursige: Ang Kwento ng Samahan ng mga Urban Gardener ng Barangay Maunlad (SUGBAM)

Sa Lungsod ng Puerto Princesa, isang kahanga-hangang pagbabago ang umusbong sa pamamagitan ng Samahan ng mga Urban Gardener ng Barangay Maunlad (SUGBAM). Noong taong 2020, nagsimula ang kanilang simpleng pagsisikap na makapagtanim ng mga gulay sa kanilang bakuran na nagbunga ng isang umuunlad na gawain sa komunidad. Nagbigay ito ng lakas at inspirasyon sa bawat isa na makabuo ng isang samahan upang tahakin ang sama-samang pagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay hindi lamang para sa pansariling konsumo kundi para sa dagdag na kita ng kanilang pamilya.

Sa 30 dedikadong mga miyembro, ang SUGBAM ay nagsimulang linangin at palaguin ang isang bakanteng lote ng barangay na may sukat 1,500-metro kwadrado upang taniman ng gulay. Ito ay hinati sa bawat miyembro sa tag-iisang plot na may sukat na 2x20 meters. Dala ng kanilang determinasyon at nagkakaisang pananaw, tulong-tulong silang nagpagal upang matapos ang mga nakatakdang gawain para sa kanilang proyekto. Pagkaminsan ay humihingi din sila ng tulong sa barangay sa pamamagitan ng mga Barangay Tanod upang makapagbatares o bayanihan. Ilan lamang ito sa mga gawain na nagpapakita ng tunay na diwa ng komunidad at nagtataguyod ng kanilang mabuting samahan.

Umunlad ang kanilang garden na may iba't ibang pananim kabilang ang pipino, ampalaya, talong, pechay, kangkong, sili at iba pa. Ngunit ang kanilang ambisyon ay hindi tumigil doon. Kasama sa kanilang plano ang pag-develop ng Edible Landscape garden at maging atraksyon o pasyalan sa knilang lugar. Nakatakda din itong maging learning site para sa Edible Landscape Urban Gardening. Sa pamamagitan ng sponsorship at suporta mula sa mga stakeholder, nananatili silang determinado na maisakatuparan ang kanilang mga pangarap.

Ang Department of Agriculture-MIMAROPA, kasama ang City Agriculture at DA-High Value Crops and Development Program (HVCDP), ay naging napakahalagang kaalyado, na nagkakaloob ng kanilang mga pangangailangan tulad ng mga gardening tools, pananim na buto, vegetable seedlings, nursery shed, drums at compost. Ang teknikal na suporta naman mula sa City Agriculture Office ay nakatulong sa kanila sa epektibong pagdisenyo at pag-layout ng kanilang mga plots at paghahanda hanggang sa pagharvest.

Naging limitado man ang pinansyal na mapagkukunan, namuhunan sila ng kanilang oras at paggawa. Dahil sa kanilang pagsisigasig, bawat miyembro ay kumita ng mula ₱1,500 hanggang₱3,000 mula sa benta ng kanilang unang cycle ng harvest ngayong taon.

Mga hamon sa samahan

Ngunit sa kabila ng kanilang pagpupursige na magtagumpay ay may mga hamon din silang naranasan. Sa mga nagdaang taon, naging madalas na pagbabago ng liderato at mga polisiya ng samahan na nagpapababa ng interes ng mga miyembro, na minsan ay nauuwi sa tuluyang pag-alis sa samahan. Sa halip na tuluyang mabuwag ang samahan, nagpatuloy ang mga naiwan at may mga nakilahok na bagong miyembro. Sa tulong ng kanilang Punong Barangay at nakatalagang Agricultural Extension Worker, lalo silang naging matatag at nagkaroonng mas maliwanag na tatahaking misyon at mga gawain.

Hinarap din nila ang mga peste at mapanirang insekto sa paggugulayan, ngunit sa pagsunod sa organikong pamamaraan sa pagtatanim, sila ay nakahanap ng makabagong solusyon upang protektahan ang kanilang mga tanim na gulay. Gayundin ang pagpapatibay ng bakod upang proteksyunan ang kanilang mga tanim mula sa mga galang hayop.

Ayon sa kanilang Punong Barangay Alfredo Mondragon, Jr., nakikita nya kung paano nagkakaisa at nagtutulungan ang grupo, hinaharap nila ang mga isyu at suliranin ng sama-sama at tinitiyak na ang boses ng bawat miyembero ay naririning. Kaya ang pamahalaang barangay ay lubos din ang suporta nabinibigay sa kanila.

Isa sa mga estratehiya nila sa pagbebenta ay ang paggamit ng social media platform tuladng Facebook. Mayroon din silang mgabultuhang transaksyon, halimbawa ay 50 kilos na pechay sapamilihang bayan. Hinahangad nila na makasali na sa KADIWA sa SM mall sa susunod na cycle ngkanilang harvest kaya patuloy ang kanilang pagsisikap na mapadami ang kanilang tanim at mapataas ang kanilang ani. 

Pagpapalakas sa mga kababaihan 

Bilang mga kababaihan na nangunguna sa kilusang ito, kanilang pinapalakas ang kanilang mga kapwa babaeng miyembro. Ayon kay Gng. Emily Villanueva, isa sa mga miyembro ng samahan, “malaki po ang naitulong nito sa aming mga kababaihan, lalo sa mga kababaihan na walang trabaho, sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ng dagdag na kita para sa pang araw-araw na gastusin at savings. Ang aming mga kabarangay ay na-eengganyo din naming na mag-garden.”

Sa City Agriculture, DA-MIMAROPA  at  HVCDP, ipinahahayag nila ang taos-pusong pasasalamat para sa kanilang di-mabilang na suporta. Sa mga kanilang mga hangarin at na magkaroon ng karagdagang pagsasanay sa produksyon ng gulay at organikong pagsasaka, sila'y patuloy na humihiling ng suporta para sa patuloy nilang paglago.Sinabi ni Gng. Nida Rodriguez, pangulo ng samahan, “nagpapasalamat po kami sa patuloy na pagsuporta sa aming asosasyon at sa aming garden. Dahil hindi naman namin makakaya ang lahat kung wala ang suporta ng Department of Agriculture MiMaRoPa Region at sa iba pang tumutulong samin. Isa po kayo sa nagpalakas ng loob naming na magpatuloy sa proyektong ito.” 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.