D I S K A R T E . Ito ang magdadala sa atin sa magandang buhay kung gagamitin ng tama. Marami sa atin ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa hirap ng buhay ngunit nagkaroon ng magandang pamumuhay dahil sa kanilang pamamaraan upang mapaunlad ang kanilang sarili.
Ang Pilipinas ay isa sa maituturing na agrikultural na bansa sapagkat marami pa din sa ating mga kababayan, lalung lalo na sa mga probinsya ay mula sa agrikultura ang ikinabubuhay. Isa na rito ang probinsya ng Occidental Mindoro at ang bayan ng San Jose ay isa sa mga nangunguna sa larangan ng pagsasaka.
Isa ang San Jose sa mga bayan sa nasabing probinsya ang maraming magagaling na magsasaka na gumanda ang buhay dahil sa kanilang sipag at dedikasyon sa napili nilang propesyon. Bukod sa pagpapalay at pagmamais, isa din ang paggugulay sa mga umuusbong na sinasaka dito. Isa sa kanila si Ginoong Ricardo D. Diosay.
Si G.Diosay o mas kilala na “Cardo” ay nagmula sa barangay Magbay sa Bayan ng San Jose. Mulat sa kahirapan, sa mura niyang edad na 12 ay nagismula na siyang tumulong sa kaniyang ama sa pagsasaka. Dito siya nagkaroon ng karanasan sa pagtatanim ng palay.
Kapag tag-araw, kinukuha siyang mga ibang magsasaka upang maging katulong sa pagtatanim ng gulay. Hanggang sa maging 15 taon na siya ay nagsimula na siya magtanim ng gulay sa sariling lupain.
Gamit ang lupang minana sa ama ay sinimulan niyang magtanim ng gulay na lumaon ay kumita ng maganda at nakaipon siya ng salapi upang makabili ng magadagdagan na lupa para sa kanyang taniman.
Sa simula, naging mahirap ang kaniyang pagsasaka ngunit nang natutunan niya ang mga pamamaraan sa paggugulay ay naging maganda na ang kanyang ani. Lumipas pa ang ilang taon, sinubukan niyang bilhin ang isang ektaryang lupa sa barangay central na maituturing na walang halaga dahil ang lupang iyon ay puro dawag (matitinik at matataas na namalatambong damo) na hindi na matataniman dahil wala ding sustansiya ang lupa.
Hindi nasiraan ng loob si Diosay sapagkat itinuloy pa din niya ang pagbili sa lupa at sinimulan niya itong ayusin upang maging taniman. Paulit-ulit niyang binungkal ang lupa hanggang mawala ang mga ugat ng dawag. Matapos noon, nagtanim na siya ng mga gulay gaya ng talong, sili, ampalaya, at iba pang gulay na maaaring itanim.
“Hindi ko pinakinggan ang mga sinabi ng mga tao sa akin sa pagbili ko sa mga lupaing iyon. Ngayon, ako na ang nakikinabang dahil nagfocus ako sa gusto kong mangyari sa aking sarili at pamilya”. Ani Cardo.
Patuloy pa din siyang bumili ng dalawang ektaryang lupa sa may brgy. Central na tinaniman din niya ng mga gulay.
Sa paglipas ng panahon, nadagdagan na ang kaniyang mga naipundar tulad ng kanilang bahay, mga motor at mga dagdag lupain para pagtaniman ng gulay.
Bagaman maganda na ang buhay ni Cardo dahil sa paggugulay, nananatili pa ding nakaapak ang kaniyang paa sa lupa. Bagkus, ibinabahagi niya ang kaniyang mag kaaalaman sa mga kapwa niya magsasaka na nais ding magtanim ng gulay. “Dapat ibahagi nating ang kaalaman natin sa iba dahil hindi naman tayo habambuhay ditto sa mundo”. Wika niya.
Bago pa man siya makilala ng Department of Agriculture MiMaRoPa Region, ginagawa nang Demo Farm ang mga sakahan ni G. Diosay ng mga seed company dahil nakitaan siya ng husay ng mga kumpanya sa paggugulay.
Sa kanyang naipakitang galing sa pagggugulay, si Cardo ay nakasali sa Patimpalak ng Department of Agriculture na Gawad Saka Search for Outstanding High Value Crop Farmer nakung saan ay naging daan ito para mas makilala siya ng mga taga San Jose bilang isang modelong magsasaka.
“Nagpapasalamt po ako sa lahaty ng mga tumulong sa akin sa pagpapaganda ng farm ko, di ako magiging ganito kung di rin dahil sa kanila, lalung lalo na sa Ama, sa magandang panahon na ibinigay niya nung nagtanim ako ng mga gulay.” wika ni Diosay.
Sa kanyang mga kaalaman at diskarte sa pagsasaka, natatamasa ngayon ni G. Diosay ang bunga ng kanyang mga paghihirap noon kaya naman malaki ang pasasalamat niya sa sa mga tumulong sa kanya apara mapaganda ang kanyang mga tanim na nagdulot sa kanya ng maganda ng ani at masaganang kita. Dagdag pa dyan ay Good Agricultural Practices (GAP) Certified na din ang kanyang mga farm.
Isa si Ricardo D. Diosay sa mga magsasaka na nagsimula sa wala ngunit hindi naging hadlang ang kahirapan ng buhay sa pagtamo ng kanyang mga layunin. Kaya naman isa siya sa mga napili bilang OUTSTANDING HIGH VALUE CROP FARMER!