Success Stories

Escala: Outstanding Seed Innovator ng Victoria, Oriental Mindoro
Paggagawad ng gantimpala bilang Outstanding Seed Innovator Plant Nursery Category kay Aurelio Escala (gitna) kasama ang kaniyang asawang si Marita (kaliwa) at Bureau of Plant Industry-National Plant Quarantine Services Division - Oriental Mindoro (BPI-NPQSD) Area Manager Lorna Cepillo (kanan)

Escala: Outstanding Seed Innovator ng Victoria, Oriental Mindoro

Tatlumpong (30) taong halo ang sipag, tiyaga at determinasyon ang nagpatubo ng mga pangarap ni Aurelio B. Escala, isang magsasakang galing San Antonio, Victoria, Oriental Mindoro na nakaani ng gantimpala bilang Outstanding Seed Innovator Award Plant Nursery Operator Category sa ika-25 Anibersaryo ng Bureau of Plant Industry-National Seed Industry Council na idinaos sa San Andres, Malate noong huling Marso 28. Kaakibat nito, ginawaran siya ng limampung libong piso (P50,000.00) bilang gantimpala sa pagpanatili ng kanyang mga naitayong plantnurseries, vermicast, 44 ektaryang plantasyon ng cacao at lanzones at ang kasalukuyang pinapagawa niyang bagong organikong taniman sa Victoria.

“Napakalaki ng naitulong nung nabigyan ako ng award,” malugod na pasasalamat ni Escala sa Department of Agriculture at Bureau of Industry na patuloy na sumuporta sa kaniyang mga punla, “Sumigla ang pagtatanim namin – mas madaling kumita, umalwan, marami ang natutulungan at yun ang kabutihan ng ganitong hanapbuhay.”

Dumalo si Escala sa iba’t ibang pagsasanay ng DA bago lubusan niyang napalago ang kaniyang negosyo mula sa isang maliit na nursery hanggang sa nagkaroon na siya ng sariling lupa, nakapagtayo ng sariling bahay at nakabili ng sampung sasakyan; pitong (7) pampublikong sasakyan para sa paghahatid ng kanilang mga halaman at tatlong (3) pribadong sasakyang pansarili. Nakapagpa-accredit siya ng mga halamang Lanzones longkong, Lanzones duco, Cacao UF-18 at Cacao BR-25 na nai-dedeliver sa Visayas – sa Iloilo, Negros, Bacolod, Guimaras hanggang Caticlan at kasalukuyang nakaprogramang pang-tustos ng DA. Itinatala ng kaniyang kalihim kung “gaano karami” at kung “anong variety”ang kanilang pangkalahatang transaksyon bilang pagsunod sa monitoring system na itinatag ng BPI sa kaniyang tanggapan.

“Hindi ko siguro kayang gampanan lahat ng ito nang ako lamang,” batid ni Escala sa isang panayam habang nakatingin sa mga halamang ornamental na inaalagaan ng kaniyang asawa sa kanilang tahanan, “Parehas kami ng pangarap ng aking asawa kaya mag-asawa naming pinagtulungan ito.”

Ang kwento ng kaniyang tagumpay ay nag-ugat mula sa isang kasalan ng isang houseboy na laking Maynila at isang midwife na nagmulang Pinamalayan na parehas hindi bihasa sa buhay sa San Antonio, Victoria. Sa panahon ding iyon nalaman ni Aurelio na mas mahilig pala sa kaniyang mag-alaga ng halaman ang kaniyang asawa. Sinimulan niyang magpunla papaloob ng kanilang tinitirhang lupain ngunit madalas siyang napagtatawanan ng mga dumadaang tao, “Anong alam ni Escala sa pagtatanim ng halaman e sa dagat lumaki ‘yan?”

“Edi ayan, ipakita natin kung ano ang kaya natin,” aniya ni Aurelio sa kaniyang asawa.

Makatatlong taon, sila ang unang nakatanggap ng jeep kapalit ng kanilang mga punla. Nakapagpaaral sila ng kanilang apat na anak na lalaki – ang bunso ay nakapagtapos ng Business Administration, ang pangatlo ay mayroon nang sariling automotive shop, ang pangalawa ay nakapagtapos ng Criminology at ang panganay ay isang Civil Engineer na magtatapos na rin ng Law at kasalukuyang naghahanda para sa pagsusulit ng bar.

Nakapagpalawak sila ng building ng vermicast na 10x25 sq. meters na siya ring ginagamit sa mga puno ng cacao at lanzones. Higit kumulang 40 tonelada ang kanilang inani nitong nagdaang tag-prutas. Ang mga sariling pitas ng mga kliyente ay kinikilo at binabayaran na lamang sa kaniyang mga trabahador na mula sa pitong (7) barangay ng Victoria na siya ring gumagawa ng mga punla ng kaniyang nursery.

“Nagsimula kami sa wala, talagang zero,” pahayag-pabuod ni Aurelio, “Determinado akong palakihin yung lugar na kung saan madadagdagan pa. Hindi ako titigil sa pagsikap na palakihin ang sinimulang ‘yun,” dagdag pa niya.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.