Success Stories

Diskarte sa Kabute: Kwento ng tagumpay ng isang guro sa Calintaan, Occidental Mindoro
Si Juliet Guillermo sa mushroom fruiting house sa Mababang Paaralan ng Concepcion.

Diskarte sa Kabute: Kwento ng tagumpay ng isang guro sa Calintaan, Occidental Mindoro

‘Baka mamatay kami diyan’, ‘baka ‘yan ay nakakalason’ o ‘baka gawa-gawa niyo lang ‘yan’ ang mga unang sambit noong magsimulang magnegosyo sa oyster mushroom si Juliet Guillermo, isang guro ng Mababang Paaralan ng Concepcion sa Calintaan, Occidental Mindoro na ngayon ay kilala na ng iba’t ibang tao at ahensya sa kanyang diskarte sa kabute.

Panahong Pebrero 2018 noong siya ang naging coordinator ng Gulayan sa Paaralan, hinikayat si Juliet ng kanilang tekniko sa isang seminar sa pagkakabute ngunit dahil pumatak sa araw ng pagtatapos sa kanilang paaralan, tumayong kinatawan niya ang kaniyang asawa.

“Pagdating niya, agad kaming nag-ipon ng mga gagamitin dahil kumpleto naman ang materyales sa amin,” wika ni Juliet. Sa puhunang tatlong libo at apat na raang piso (P3,400) na may sariling gawang fruiting house, inuwing dayami mula sa pagte-tresser ng kanilang saka at hininging kusot, naipundar ni Juliet ang kanyang mushroom beds sa kanilang bakuran sa Brgy. Concepcion, Calintaan, Occidental Mindoro noong sumunod na buwan, “Kasama ko ang aking mga anak. Hindi na po kami nag-lalabor sa iba kasi wala kaming puhunan para doon. Kami rin po ang gumagawa ng spawn para hindi na po bibili sa iba.”

Hindi nagtagal ay natutunan na rin ni Juliet mag-salestalk ng kaniyang mga produktong gawa sa oyster mushroom; malunggay, sibuyas at bawang na kropek o crackers, tocino at atsara.

“Dumating yung panahong sunod-sunod ang tagtuyot dito sa amin pero ang mushroom pala, walang tuyot,” gunitain ni Juliet, “Nagsimula kami sa 2,350 fruiting bags. Mas malaki pa ang kinikita namin sa mushroom kaysa sa isang ektaryang pananim.”

Tuwing kasagsagan ng ani, araw-araw siyang nakakakuha ng 4-5 kilo ng kabute sa loob ng tatlong linggo at kaniyang naiitinda at nauubos sa maghapon. Nakakuha rin siya ng dagdag kita mula sa mga orders sa kanyang FB page at ­paghahatid ng produkto.

Hunyo 2018, nakapagpatayo siya muli ng isa pang fruiting house na pinagkilanlan ng kanilang paaralan sa Gulayan sa Paaralan, isang programang kaakibat ng Programang Agrikultura Para Sa Masa ng Kagawaran ng Pagsasaka at Abono Party-list na may layuning iangat ang pampublikong kamalayan sa pangkalusugan, nutrisyunal at ekonomikong kahalagahan ng pagpapatayo ng mga hardin sa paaralan, tahanan at komunidad. Dahil sa angking konsepto, pinuntahan ang kanilang paaralan ng kanilang Division Supervisor at naging viral ang mushroom culture sa kanilang tanggapan.

Nang nakilala ang pagkakabute sa kanilang paaralan, ibinahagi ni Juliet ang kaniyang kaalaman sa mga kapwa guro, kabataan at maging sa kanilang mga magulang na nais ding pagkabuhayan ang pagkakabute. Dinadayuhan din siya ng iba't ibang ahensya, organisasyon at magsasaka upang magpaturo tuwing napapansin ang karatula sa harap ng kanilang tahanan, mula sa posts sa kaniyang Facebook page o sa mga balita sa mga karatig-bayan.

Nagmumula sa pagkakabute ang kalakihan ng kanilang pang-araw-araw na gastusin. Malaki ang naitutulong nito sa pagpapaaral ng kaniyang tatlong anak na lalaking kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo, Grade 12 at highschool, “Kung may bitbit ang anak kong bag na malaki, mushroom na po ang laman nun. Yun na po ang kanyang allowance sa isang linggo kaya malaking bagay po sa aking hindi na ako maghanap pa kung saan-saan para may pang-allowance ang anak ko.”

Nakapagpalago at nakapagpalawak din si Juliet ng kaniyang bukiring minsang naisama sa 1-million challenge.

“Masaya po akong naipakilala sa amin ang oyster mushroom,” masayang sabi ni Juliet Guillermo sa isang panayam, “once nakapaglagay ka na sa fruiting house, maghihintay ka na lang. Bago kami magsimula ng saka, nilalagyan na namin kaya habang nagsasaka kami, nagha-harvest na kami.”

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.