Success Stories

Diskarte plus sipag, may kita sa sibuyas
Larawan ni G. Antonio Sangalang, isang matagumpay na magsasaka ng sibuyas mula sa Brgy. Murtha, San Jose, Occidental Mindoro

Diskarte plus sipag, may kita sa sibuyas

“Mahalin natin ang lupa, hindi yung pagtapos ng ani ay pababayaaan na nating damuhin at kapag madamo na ay papatayin ang damo. Ano ang maidudulot  nitong taba sa lupa?,” sabi ni mang Tony.

Ito ang teknik na nagpa-unlad sa buhay ng isang magsasaka ng sibuyas na si G. Antonio Sangalang na kilala sa tawag na “Tony”, mula sa Brgy. Murtha, San Jose, Occidental Mindoro. Siya ay nagsimula lamang sa tatlong (3) latang sibuyas na ang puhunan o pinaka kapital ay mula sa kita sa tabako at kamatis.

Noong hindi pa gaanong maalam sa pagtatanim ng sibuyas ay kumita lamang siya ng Php 40,000.00. Malaking kita na ito sa kanya noong panahong iyon dahil na rin sa mura pa ang abono at krudo. Sapat lamang ang kita niya upang mabayaran ang kanyang mga utang at mabigay ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya.

Sa tulong ng Department of Agriculture, natutunan ni Mang Tony ang mga teknik sa pagtatanim ng sibuyas dahil sa mga dinaluhan niyang pagsasanay ng kagawaran. Naging malaking tulong rin sa kanya ang mga binibigay na tulong mula sa local DA.

“Bumibilib ako sa munisipyo, magaling magbigay ng binhi palay, buto ng sibuyas at abono. Malaking tulong sa aming mga mahihirap,” sabi ni Antonio.

Naging malaking tulong rin ang mga teknik na natutunan niya sa mga kapwa niya magsasaka sa kanilang lugar sapagkat hindi niya sinasarili ito sa halip ay ibinabahagi niya pa ito sa kanila.

Pagkatapos ng sibuyas at habang basa pa ang kanyang sakahan ay sinasabugan o naghahasik na agad siya ng munggo dito - isang uri ng legumes na ginagamit na pampataba ng lupa dahil sa taglay nitong ng Nitrogen Fixing Bacteria. Inaararo niya ito sa panahon ng pamumulaklak nito upang magsilbing pataba sa lupa. Taun-taon ay ginagawa niya ito upang maiwasan na maging “salty” ang lupa.

Ginagawa niya ang paghahasik ng munggo upang makapagpahinga ang lupa at magbigay ng sustansya na tinatawag na “green manuring” at organic matter sa lupa. Naniniwala siya na ang paggamit ng abono ay naaayon sa lupa sa isa o dalawang taon na paggamit ngunit kung ito ay tuloy-tuloy ay ito na ang magiging dahilan ng pagkakaroon ng sakit ng sibuyas.

Ayon sa kanya ay kinakain ng munggo ang naiwang abono kaya kapag palay na kanyang  itatanim ay wala na siyang isasabog na abono.

 “Sa dalawampu’t isa (21) taong  na ako ay nagsasaka, hindi ko kinalimutan ang munggo. Hindi ko na iniisip kung mahal ang munggo at kung mahal ang magpa-rotor, hindi ko naman pinipitasan. Ang gusto ko lamang ay magkaroon ng damo ang aking sibuyasan. Mahalin natin ang lupa, hindi yung pagtapos ng ani ay pababayaaan na nating damuhin at kapag madamo na ay papatayin ang damo. Ano ang maidudulot  nitong taba sa lupa?,” dagdag niya.

Sa kasaluluyan ay may tatlo (3) siyang tauhan sa sakahan. Marami na rin siyang naging tauhan na umalis upang magsolo o magsarili dahil na rin sa mga teknolohiya at teknik na natutunan sa kanya at ngayon ay umangat na rin ang buhay dahil sa pagtatanim ng sibuyas.

Sa kabila ng tagumpay niya sa pagsasaka, nakaranas rin siya ng hamon dulot ng mga kalamidad at pagsalakay ng mga kuhol at peste ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Hindi siya natinag sa kabila ng mga hamong sinapit niya bagkus mas naging pursigido at matalino siya sa pagpapaunlad sa kanyang sakahan.

Mahigpit ang pagbabantay niya sa lagay ng panahon tuwing may nagbabadyang Low Pressure Area. Hindi siya nagpapatubig bago pa man ito dumating upang hindi malunod at masayang ang kaniyang tanim.

“Yung ibang magsasaka ay patuloy ang pagpapatubig, linggo-linggo, kaya sabi ko bakit kayo lagi nagpapatubig? Tinitignan ko ang halaman kung mahaba pa ang talbos na madilaw, huwag nang tutubigan. Ok pa ang ilalim, basa pa yun. Hindi dinadaan sa dami at dalas ng patubig,” payo niya.

Pagdating sa pagkokontrol sa mga peste, malaki rin ang naging tulong ng mga agricultural technician sa kanilang lugar na walang sawang tinuturuan at ginagabayan ang mga magsasaka sa kanilang pagsasaka.

Pag-iimbak sa Cold Storage

Noong una ay hindi siya sang-ayon sa paggamit ng cold storage dahil wala siyang tiwala rito. Ayon sa kanyang paniniwala, ang inulan na sibuyas ay nabubulok kaya bakit kailangan pang iimbak ito sa lagayang malamig.

Ngunit nang inayawan ng isang mamimili ang 300 bags na may sirang sibuyas, hinikayat siya ng may-ari ng pribadong cold storage sa kanilang lugar na subukang iimbak ito sa cold storage. Kabado pa siya noon subalit pagkalipas ng tatlong (3) buwan nakita niyang kumita ito katumbas ng ilang taon niyang kita sa pagtatanim. Naibenta niya ito ng Php 36.00 kada kilo mula sa Php 8-10.00 na presyo noon. Kumita pa rin ang kanyang sibuyas at simula noon ay nagtiwala na siya sa paggamit ng cold storage.

Nang sumunod na anihan ay hindi na siya nag dalawang-isip sa muling pag-iimbak sa cold storage. Lahat ng ani niya, 3,000 bags, ay inimbak niya dito. Kinabukasan matapos siyang umani ay dinadala niya agad ito sa cold storage upang maiwasang ma-over dry.

“Medyo kabado pa ako noon dahil Php 8-10 pa lang ang presyo. Nanigurado ako at pina-utang ko sa may ari ng cold storage ang 1,000 bags sa halagang Php 20 pesos. Naibenta ko naman ang 2,000 bags sa halagang Php 54.00 kada kilo,” sabi niya.

Sa kasalukuyan, nag-imbak si Antonio ng higit limang (5) libong red bags ng sibuyas sa cold storage.

Patuloy naman ang paghihikayat ni Antonio sa kapwa niya magsasaka na mag-imbak sa cold storage upang umangat rin sa hirap ng buhay ang kapwa niya magsasaka at upang maiwasan ang pagkalugi o maliit na kita dahil sa pagbebenta ng produkto sa mga traders.

“Hinihikayat ko sila [magsasaka] na mag-storage dahil awang-awa ako sa kanila. Yung buhay na nararanasan ko ngayon ay gusto ko ipalaganap sa kanila. Ang magandang buhay ay nasa diskarte kung paano ka aasenso, gayahin nila ko na nag-storage,” wika niya.

Sa pamamagitan ng pagtatanim ng sibuyas ay napag-aral niya ang kanilang mga anak at napagtayo ng kani-kanilang bahay. Nakabili rin siya ng 5 ektaryang sakahan, sasakyan at motorsiklo.

“Wala sa sipag yan, nasa diskarte at unahin si Lord. Magdasal na gabayan tayo sa pagtatanim,” sabi niya.

Sa tagumpay na tinatamasa ay hindi kinakalimutan ni Antonio ang Poong Maykapal. Patuloy ang pagbabahagi niya ng biyaya sa simabahan at pagpapahiram ng kapital sa mga magsasakang nangangailangan ng tulong upang sila rin ay umunlad katulad niya at maranasan ang buhay na ngayon ay tintatamasa niya.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.