“Pag-aralan natin ng husto ang sistema [sa pagsasaka] upang umunlad ang ating pamumuhay kasi nandiyan na yung sipag natin, nandiyan na yung tyaga, ang kinakailangan nalang yung sistema at negosyo sa sarili nating produkto,” pahayag ni G. Cortes.
Ito ang panghihikayat ng isang matagumpay na magsasakang nagsimula sa pagiging drayber ng hand tractor mula sa Narra, Palawan at hinirang na Most Outstanding Farmer ng probinsya. Siya si Ginoong Elijah Cortes, 49 taong gulang mula sa Brgy. Princess Urduja at Vice President ng Caguisan Linamen Irrigators Association.
Noong una, nagtrabaho siya bilang isang drayber ng hand tractor ng may mga basakan (sakahan) sa kanilang lugar. Kapalit ng kanyang serbisyo ay pagbibigay nila sa kanya ng palay na kung saan nababayaran siya matapos ang anihan o ang sistemang “charged to crop”.
Sa paglipas ng taon, hindi lamang ang kaniyang kasipagan sa trabaho ang nagbunga kundi pati na rin ang kanyang maingat na pag-iipon. Sa bawat kita niya sa pagiging driver, nag-ipon si G. Cortes upang makabili ng sariling rice thresher. Ngunit napagtanto ni G. Cortes na kulang ang kanyang kinikita at kinakailangan niyang maghanap ng iba pang mapagkakakitaan.
Sinubukan niyang magsaka matapos may mag-alok sa kanyang magsaka ng basakan kahit wala siya gaanong kaalaman rito. Umani naman siya ngunit maliit ang produksyon sapagkat wala pa siyang gaanong kaalaman sa pagsasaka. Umaani lamang siya ng 20 hanggang 25 na kaban sa kalahating ektarya na kanyang sinasaka.
Ayon sa kanya, malaking tulong talaga ang programa ng gobyerno na Farmer Field School (FFS) sapagkat dito niya nalaman na may mga bagay pala siyang ginagawa na hindi naman kailangan ng kanilang pananim. Isa na rito ang hindi tamang paglalagay ng abono sa kanyang palayan kaya hindi maganda ang kanyang produksyon.
“Noong nakapasok po ako sa (FFS), marami talaga akong natutunan. Nakatipid na ako sa abono, nakatipid ako sa insecticide pati sa binhi na sinasabog ko sa rice field. Lumaki po talaga ‘yung kita sa ganung pamamaraan,” sabi ni G. Cortes.
Ayon kay G. Cortes, malaking tulong ang pag-aaral na dinaluhan niya kasama ng iba pang magsasaka sa kanilang lugar. Hindi lamang sila nakakatipid sa pataba, naita-timing pa nila ang paglalagay nito. Dito rin nila nalaman na hindi lahat ng insekto ay nakakasira sa palayan.
“Dati kapag may nakita kaming insekto sa palayan,nag-iispray agad kami, ‘yun pala ‘yung mga kulisap na iyon ay kaibigan, nakakatulong pa. Doon nalaman namin na hindi pala dapat mag-ispray agad-agad sa halaman,”
Bukod sa FFS, nakakatanggap rin si G. Cortes ng magandang kalidad na binhi at abono mula sa kagawaran.
“Malaking tulong talaga ang mga ayuda ng gobyerno, imbes na bibili kami ng 10 abono, halos kalahati nalang. Sa binhi, nakukuha naming ang mga bagong variety na mas malaki ang ani, mas may resistensya sa sakit, at mas matatag sa init. Yoon talaga ang malaking tulong sa amin,” wika niya.
Pagdating naman sa marketing o pagbebenta ng kanyang produkto, iba ang paraan ni G. Cortes. Hindi katulad ng ibang magsasaka, hindi niya direktang binebenta ang kanyang aning palay sa mga traders bagkus binibigas o pinapagiling niya ito upang mas lumaki pa ang kita niya. Naibebenta niya ang kanyang bigas hanggang Php 2,600.00 kada isang sako o katumbas ng 50 kilos.
Ang rice hull o ipa mula sa ipinagiling niyang bigas ay kanyang ginamit sa pagpapaapoy o panggatong sa kanyang flatbed drier na kung saan dito niya dinidiretso ang kanyang mga aning palay upang patuyuin. Ang carbonized rice hull (CHR) naman mula rito ay ginagamit niya sa land preparation dahil sa taglay nitong sustansiya sa lupa at upang makabawas gastos dahil sa taas ng halaga ng abono. Sa halagang Php 50 ay maari niyang ibenta ang kada sako ng CHR ngunit mas pinili ni G. Cortes na ipamigay nalang ito sa mga kapwa niya magsasaka upang makatulong sa kanila.
Sa kasalukuyan, may 25.5 ektaryang sakahan na si G. Cortes. Anim (6) na ektarya ang pag-aari na niya, anim (6) na ektarya ang sanla, at 13.5 ektarya ang kanyang nirerentahan. Nakabili na rin siya ng truck, mga gamit sa pagsasaka at mayroon ng sariling puhunan. Nakapundar na rin siya ng harvester at traktora na joint-business nila ng kanyang kapatid.
“Kadalasan kasi sa ating mga farmers, dahil wala tayong puhunan kakagat nalang tayo sa kung ano yung mga condition ng mga traders sa pagpapahiram nila ng pera pagdating ng anihan ay walang matitira sa atin,” pahayag ni G. Cortes.
Malaking tulong rin ang tinapos ni G. Cortes bilang mekaniko sapagkat nagagamit niya ito upang kumpunihin ang mga may sira niyang makinarya na isang kaginhawahan sa kanya.
Ayon sa kanya, malaki ang pagkakaiba ng paggamit ng makinarya kumpara sa tradisyunal na pagsasaka. Dati ay isa-isa niyang hinahanap ang mga taong gagawa sa bukid at kung minsan ay hindi pa nakakapunta. Sa isang ektarya ay kinakailangan niya ng 15 katao upang matapos ang gawain sa bukid.
“Napakaganda po, madaling gumawa sa bukid. Dalawang oras lang ang isang ekatarya, tapos na [sa pag-aani]. Ganoon rin sa land preparation, ‘yung isang ektarya na halos isang araw namin ginawa ay halos dalawang oras lang gamit ang hand tractor. Ganoon po kabilis ang paggamit ng makinarya, bukod sa tipid sa pera, tipid pa sa panahon at labor,” pahayag niya.
Naging inspirasyon rin si G. Cortes sa kanilang lugar. Dahil sa kanyang pagsisikap, nanalo siya bilang Outstanding Rice Farmer sa kanilang munisipalidad noong taong 2023 at tinanghal rin bilang Outstanding Rice Farmer sa provincial level.
Ayon kay Cherrylyn Laab, Agricultural Extension Worker, nakitaan niya ng abilidad si G. Cortes na hindi niya nakikita sa ibang magsasaka na kahit isa na siyang matagumpay na magsasaka at marami na napundar ay patuloy pa rin ang kagustuhan niyang matuto ng iba pang makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
Sa kasalukuyan si G. Cortes ay isa na sa mga respetado at matagumpay na magsasaka ng palay sa kanilang lugar. Ang kanyang pagpupursige, determinasyon, at sipag ay hindi lamang kwento ng isang matagumpay na magsasaka kundi isang inpirasyon sa iba pa na gusto rin magtagumpay sa larangan ng agrikultura.