Success Stories

Ang Kita sa Tree of Life: Istorya ng Buhay ni G. Bergonia
Si Gng. Bergonia hawak ang kanyang gawang purong suka ng niyog na naipagbibili sa kanilang tindahan sa Burgos.

Ang Kita sa Tree of Life: Istorya ng Buhay ni G. Bergonia

Ang niyog ang tinaguriang “tree of life” dahil na rin sa napakaraming pakinabang at nagagawa produkto mula rito. Ang niyog ay malaking bahagi sa industriya ng agrikultura hindi lang dahil sa iba’t ibang produktong nagagawa rito na malakas sa merkado kundi nakapagbibigay pa ito ng maraming trabaho sa ating mga kababayan.

Isa si Ginang Consolacion U. Bergonia sa maraming magtatanim ng niyog sa ating bansa. Siya ay mula sa Brgy. Burgos, Sablayan, Occidental Mindoro. Nag-umpisa sila sa isang ektaryang niyugan na minana ng kanyang asawa. Ito ay may mga ilan ng puno na at sila nalang ang nagtanim ng mga karagdagang puno ng niyog.

Bilang isang magniniyog, pinapalinisan nila ang itaas na bahagi ng puno. Tinatanggal ang mga tuyong paklang at mga di nabuong bunga ng niyog upang sa susunod ay mas marami na itong ibunga.

Siya rin ay kasapi ng Coconut Farmers Organization sa kanilang lugar. Nakatanggap siya ng fertilizer tulad ng complete urea at asin mula sa Philippine Coconut Authority. Naghuhukay sila ng dalawang metro ang agwat mula sa puno at doon inilalagay ang fertilizer.

“Maganda po ang naitutulong nito, ang mga bunga ay nagiging makapal ang laman, malaki at ang isang puno ay maaring maka-ani ng limang buwig o tangkas ng bunga ng niyog,” pahayag ni Gng. Bergonia.

Ang kanilang produktong niyog at buko ay dinadala nila sa Public Market ng San Jose, Occidental Mindoro. Ang ibang buko naman ay ipinagbibili sa gumagawa ng natural buko juice at kung may order sa kanila ay ginagawa rin itong buko juice ni G. Bergonia bilang karagdagang kita sa kanila.

Bukod sa pagbebenta ng niyog at buko, nagpapasibol rin sila ng bunga ng niyog upang may pandagdag kita. Ito ay nabebenta ng Php 25.00 bawat piraso. Ang niyog naman ay naipagbibili nila ng Php 13.00 ang isang piraso. Samantalang ang bunot o pang scrub sa sahig at walis tingting ay nagkakahalaga ng Php 25.00.

Gumagawa rin si Gng. Bergonia ng sukang niyog na naipagbibili naman ito sa kanilang tindahan sa Burgos. Dito palang ay nauubos na kanyang supply ng suka lalo na kung may sili. Karamihan sa kanyang mga suki ay mga biyahero ng trak at van na papuntang San Jose at Maynila.

Nabigyan din sila ng inahing baka mula sa PCA na kanila namang ibabalik ang anak upang mapakinabangan naman ng kapwa nila magniniyog. Mula sa apat na baka ay naging anim na ito.

Bukod dito mayroon din silang palayan, sagingan at manggahan. Sila rin ay nag-aalga ng baboy at mayroon din sila bulugan na kanila rin pinagkakakitaan sa pamamagitan ng pagpapakasta na may kapalit na kabahagi.

Dahil sa kanilang pagsisikap ay tatlo (3) sa limang (5) anak nila ay nakapagtapos na ng pag-aaral sa kursong Nursing, Hotel and Restaurant Management at Marine Transportation. Samantalang ang isa nilang anak ay kasalukuyang nag-aaral sa Batangas ng Bachelor of Science in Crossline at ang bunso ay grade 3 pa lamang.

Nabili na rin nila ang tatlong (3) ektaryang niyugan na minana naman ng kapatid ng kanyang asawa.

“Mas maganda po ang niyog at malaki ang kita. Sa una po talagang gagastos muna tayo upang mapalaki ito ngunit pagkalipas ng pitong taon, mag-uumpisa na tayong kumita at wala na tayo masyadong gastos,” ani Gng. Bergonia.

Natutulungan naman niya ang kanyang kapwa lalung-lalo na ang mga katutubong Mangyan na bumababa pa mula sa kabundukan upang maglinis sa kanilang limang ektaryang niyugan. 24 na Mangyan ang kanilang nagiging katulong sa kanilang niyugan sa loob ng limang araw na may libreng pagkain at sweldong Php 150.00 kada araw.

Isang paraan pa upang makatulong siya sa kaniyang mga kabarangay ay ang pagpapa-akyat ng niyog sa halagang Php 2.00 bawat piraso. Ang iba’y kumikita ng isang libo sa maghapong pag-akyat. May ilan na ring nakakapaglabas ng kanilang service na motor at sa panahong wala sila panghulog ay nagbibigay (bumabale) si G. Bergonia kaya natatapos nilang bayaran ito.

“Kaya magtanim na po tayo ng niyog. Dito po ay doble ang kita, kahit tuyo na, basta may sibol may kita pa. May kita po sa niyog, simula sa bunga hanggang sa dahoon,” dagdag ni G. Bergonia.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.