Sa paglipas ng panahon, ang ating mga kinakain ay napupuno na ng mga kemikal na siyang nagiging dahilan ng pagkakaroon natin ng mga karamdaman. Ayon din sa isang pag-aaral sa ibang bansa, ang mga hybrid na tanim ay nabababawasan na din ang nutrisyon na mas makikita sa pagtatanim sa natural na paraan. Sa kagustuhan nating magkaroon ng mabilis na pagkain, nakakaligtaan na natin ang likas na pamamaraan ng pagsasaka at ito ang Organikong pagsasaka.
Sa Rehiyon ng MIMAROPA, ang probinsya ng Marinduque ay kilala di lamang sa magagandang tanawin kundi kilala din ito bilang isang probinsyang maigting na nagsusulong ng pagtatanim sa organikong pamamaraan. Dahil dIto, madami pa ding mga magsasaka sa lalawigan ang nagpapatuloy ng pagtatanim sa organikong pamamaraan. Ating kilalanin ang isang matagumpay na Organikong magsasaka na accredited ng Agricultural Training Institute (ATI) bilang isang learning site at isa ding 3rd Party Certified Farm mula bayan ng Boac, Marinduque walang iba kundi si G. Domingo Dela Cruz at ang kanyang DMDC (Domingo M. Dela Cruz) Farm at ito ang kanyang istorya.
Si G. Domingo M. Dela Cruz o “Ka Domeng” ay isa sa mga kilalang magsasaka na gumagamit ng organikong pamamaraan. Ang DMDC farm naman ay may sukat na humigit kumulang sa isang ektarya na kung saan makikita dito ang mga iba’t ibang pasilidad at pananim gaya ng sitao, pipino, kamatis, sili, at sibuyas. Pagdating naman sa paghahayupan, mayroon din siyang mga inaalagaang mga native na manok, hybrid na manok tulad ng Rhode island Chicken, kambingan, at tupa.
Bilang isang magsasaka, bukod sa magkaroon ng pangkabuhayan ay pinahahalagahan din nila ang pagkakaroon ng ligtas at masustansyang pagkain sa mga kakain ng kanilang mga produkto.
“Ang akin po talagang adhikain bilang isang organikong magsasaka ay para makakain ng ligtas at masustansyang pagkain ang aking mga kababayan at mailayo sila sa sakit dulot ng mga pagkain sintetiko,” saad ni Ka Domeng
Sa kanyang pagpasok sa larangan ng pag-oorganikong pagsasaka, naging inspirasyon ni Ka Domeng na magkaroon ng pagkaing ligtas at masustansya ang mga tao.
“Aming inspirasyon po ng aking asawa sa pagpasok namin sa organic farming ay number 1 syempre yung pagiging health conscious; mailagay ang kalusugan sa tamang pangangatawan; maiwasan natin ang pagkain ng mga pagkaing may kemikal at ang panghuli ay magkaroon o makagawa tayo ng mga organikong fertilizer na galing din sa iba’t ibang halaman.”
Ang mga produkto na nakukuha niya sa kanyang farm ay nabibili na agad sa kanilang lalawigan at minsan ay pumupunta na lang din ang mga mamimili sa DMDC Farm upang makabili ng kanilang produkto na sariwa at minsan ay ang mga mamimili na mismo ang kumuhuha ng kanilang mga nais na bilhin sa kanyang farm.
Habang linilinang ni Ka Domeng ang kanyang kaalaman sa pag-oorganikong pagsasaka, siya ay nag-aral din ng mga iba't ibang pamamaraan sa pagsasaka na magamit niya sa kanyang farm. Di nagtagal ay nalaman niya ang patungkol sa Organic Agriculture Program ng DA-MiMaRoPa at agaran naman siyang tinulungan ng ahensya upang mas mapaganda ang kanyang farm.
Sa pamamagitan nito, naipasok ng ahensya sa pangunguna ni Mr. Michael Graciano Iledan, ang Organic Program Focal Person ng DA-MiMaRopa, natulungan si Ka Domeng na mabigyang pagkilala upang maging 3rd Party Certified Organic Farm sa kanilang probinsya.
Bukod pa rito ay napagkalooban na din siya at ang kanilang asosasyon na BO-ACT Organic- All Together Conquer and Thrive (na kung saan ay siya rin ang pangulo) na nakapaloob sa Participatory Guarantee System (PGS) na isang programa ng DA MiMAROPA ng mga kagamitan sa pagsasaka gaya ng incubator, hand tractor, mga binhi, vermiworm, Rhode Island chicken, tiller cultivator, at vacuum sealer. Malaki ang naiambag ng mga kagamitang ito upang umunlad ang kanyang farm at ang kanilang samahan.
Para naman maging certified school for practical agriculture ang DMDC Farm, sumailalim si Ka Domeng sa mga pagsasanay para maaccredit naman siya ng ATI at TESDA upang maging isang Learning site na magiging malaking tulong upang mas kumita pa ang kanyang farm bukod sa pagtatanim ng organikong pamamaraan. “Malaki po ang naitutulong sa akin ng Regional Field Office ng DA, ng ATI, at TESDA po upang maaccredit ako as 3rd party Certified Farm, at maging isang accredited ng ATI na Learning Site. dahil po dito ay mas nadagdagan ang aking kita upang maipantustos ko sa pagpapaganda ng aking mga pasilidad.” pasasalamat ni Ka Domeng.
Sa kasalukuyan, ang DMDC Farm ay isa nang accredited School for Practical Agriculture. Dito pumapasok ang mga mag-aaral mula sa Marinduque State College upang magkaroon ng experience pagdating sa pag oorganikong pagsasaka. Malaking tulong kay Ka Domeng ang pagkakaroon ng ganitong pagkilala mula sa ATI at TESDA. Dito mas nakilala ang kanyang farm sa pag-oorganiko; mas nadadagdagan ang kanyang kita sa pagsasaka at ang huli ay natutulungan niya na mamulat ang kanyang mga mag-aaral at mamimili ukol sa pagkain ng mga organikong produkto para sa mas malusog at malakas na pangangatawan.
Dahil diyan, nagkaroon pa ng mas magandang plano ang DMDC Farm sa pagpaparami pa ang kanilang mga produksyon, mas mapaganda pa ang kanilang farm sa pamamagitan ng edible landscaping, magkaroon ng fully Automated Diversified Farming System upang mas makapagpokus pa sya sa ibang gawain sa kanyang lugar. “ ang hangad ko po sa hinaharap sa aking farm ay maging fully automated ang aking farm para mas marami pa akong magagawa na pagpapaganda sa aking farm.” saad niya.
Sa kanyang mga natamo bilang organikong magsasaka, hinihikayat ni G. Domingo Dela Cruz ang mga kapwa niya magsasaka na lumipat na sa pag-oorganikong pamamaraan ng pagsasaka. Dahil dito ay siguradong may kita at mas mapapaganda pa mga mamimili ang kanilang kalusugan dahil sa pagkain ng sariwang organikong produkto.
Malaki ang pasasalamat ni G. Domingo Dela Cruz sa DA-MiMaRopa, sa ATI, at sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno na tumulong upang maisakatuparan ang kanyang pangarap na Farm School na DMDC Farm, hinihiyat din niya ang pamahalaan na mas lalong suportahan ang mga Organikong magsasaka sa buong bansa nang sa gayon ay magkaroon na mas malakas at mas malusog na pamayanan hindi lamang sa probinsya ng Marinduque kundi sa buong bansa sa pamamagitan ng pag-oorganic.