News and Events

Young farmer mula sa San Teodoro, Oriental Mindoro nanalo sa National YFC 2022
Pagtanggap ni Jeriza Kristine Page ng kanyang cash grant at plake ng pagkapanalo bilang Top 1 sa processing category sa National-Level Young Farmers Challenge. Larawan mula sa Kabataang Agribiz Facebook Page.

Young farmer mula sa San Teodoro, Oriental Mindoro nanalo sa National YFC 2022

Hinirang ang start-up enterprise na Nutripage Food Products ni Jeriza Kristine Page, 28, mula sa San Tedoro, Oriental Mindoro bilang isa sa Top 12 Outstanding Youth Agribusiness Model sa ginawang National Young Farmers Summit sa Laog,Ilocos Sur, ika-13 hanggang 15 ng Disyembre.

Siya rin ang hinirang na panalo sa processing category kung saan makakatanggap siya ng karagdagang Php300,000 na grant bukod sa natanggap niyang Php200,000 mula sa pagiging Young Farmers Challenge (YFC) provincial-level at regional-level awardee.

Ayon kay Jeriza, ang nag-udyok sa kanya upang gawin ang kanyang Nutripage Food Products start-up enterprise ay ang pagsilbi niya sa isang retirement house ng mga pari. Nagsimula ito ng mayroon siyang inaalagaan na pari na hindi na makakain ng solid food. Sa nais niyang makatulong ay naisip niyang bumuo ng isang produkto na madaling kainin ngunit masustansiya pa rin.

Nataon din na ang kanyang bayan ay mayroong mga nagtatanim ng mga kabute, kanya din naging layunin  ang pagtulong sa mga magsasaka na makadagdag sa kanilang kita sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mushroom cuttings.

“Sa mushroom po kasi meron po tayong tinatawag na cuttings, ang farmers po ay tinatapon lang po nila iyon.  Naisip ko po na bilhin po ‘yon upang makatulong sa kanila, kahit kaunti,” kanyang pagpapaliwanag.

Ang mushroom cuttings ang isa sa pangunahing ingredient ng kanyang produkto kung saan pinapatuyo niya ito at pinoproseso upang maging powder. Matapos nito ay hinahaluan niya ito ng malunggay bilang karagdanag sustansiya.

“Isa din pong case ay yung mga batang ayaw kumain o takot sa gulay. Sa pamamagitan ng Mush Up Vegie Soup mix makakain po sila ng masustansiya without knowing na ito ay gawa sa gulay,” dagdag na paliwanag ni Jeriza.

Mga interbensiyon ng DA

Nang napabilang si Jeriza bilang isa sa provincial level awardee ng YFC, nakakuha ito ng Php50,000 bilang panimulang kapital sa kanyang pinakukalang start-up enterprise. Matapos ang ilang ebalwasyon na ginawa ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), nakita nila ang potensiyal ng magiging negosyo ni Jeriza kaya tinanghal siyang muli bilang isa sa pitong (7) regional level awardee. Nakatanggap siya rito ng karagdagang kapital na nagkakahalagang Php150,000.00

“Sa tulong po ng Young Farmers Challenge nakakuha na po ako ng grant na nakatulong po sa akin sa pag-acquire ng mga equipment at tools sa paggawa ng Mush Up Vegie Soup Mix katulad ng dehydrator, grinder, weighing scale, at iba’t ibang tools na magagamit sa pagpo-process ng iba pang klase ng pagkain,” kanyang binahagi.

Bukod sa grant na kanyang natanggap, bilang isang grantee, ay nakakasama din siya sa mga pagsasanay sa paghubog ng kanilang mga negosyo. Si Jeriza at ang mga kabataan nakapasa simula ng provincial level ay patuloy na ginagabayan ng Kagawaran sa pamamagitan ng AMAD katulad ng mga product certification and registration, training programs, market linking and business networking, at enterprise assessment.

Dahil sa mga gabay na ito, patuloy ang pagpapalawak ni Jeriza ng kanyang start-up enterprise sa pamamagitan ng paggawa pa ng ibang produkto mula sa kabute.

“Nakagawa na rin po ako ng mushroom shing-a-ling, sa regional naman po ang aking panukalang produkto ay ang paggawa ng mushroom canton,” kanyang sinabi.

“Gusto ko pong magpasalamat sa Department of Agriculture dahil nagkaroon po kami ng pagkakataon na magkaroon ng negosyo at makatulong sa agrikultura ng Pilipinas,” pasasalamat ni Jeriza.

Ang YFC ay isa sa mga programa ng Kagawaran na naglalayong hikayatin ang mga kabataan na pasukin ang pagsasaka at pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapital at iba pang suporta.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.