Nagsisilbing isang matibay na daan sa pagbabago ang kombinasyon ng bolunterismo at pamumuno, na pinalakas rin ng positibong impluwensiya ng isang indibidwal sa kanyang komunidad. Kapag ang isang tao ay naglaan ng kanyang oras at kaalaman habang namumuno, sila ay nagiging matibay na simbolo ng pagbabago.
Si Gng. Jane Villaresis, pangulo ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) Municipal Federation of San Jose, Romblon, ay isang halimbawa nito. Ang KALIPI, na binubuo ng 20 kababaihan, ay isa sa tatlong (3) samahan na tinutulungan ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Phase 2 sa bayan ng San Jose. Benepisyaryo ang nasabing samahan ng Improved Native Goat Production Project kung saan kasalukuyan nilang inaalagaan ang 41 kambing na ibinigay ng programa sa kanila.
Bago pa man pamunuan ang asosasyon, kilala na sa kanilang bayan si Jane bilang isang katekista at aktibong nakikilahok sa mga pansibikong organisasyon. Ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod ang naglatag ng daan upang pagkatiwalaan siyang mamuno ng kanyang mga kasamahan, lalong higit ng mga kababaihan.
Sentro ng kanyang pananaw sa pamumuno ang paniniwala na ang mga kababaihan ay may likas na taglay na kakayahan. Binigyang diin niya na ang mga programa ng gobyerno gaya ng SAAD ay hindi lamang nagbibigay ng oportunidad sa kabuhayan, binibigyan rin nito ng lakas at kumpyansa ang mga kababaihan upang gumawa ng matalinong desisyon at epektibong pamamahala ng proyekto.
“Ngayon lang po kami magkakaroon ng ganitong proyekto, kaya napakaswerte po namin sa San Jose kasi pinagkatiwala sa amin itong proyektong ito. Sa pamamagitan nito, nandito ang pagkakaisa ng kababaihan, at ipapakita namin na kayang-kaya gumawa ng paraan ng mga kababaihan. Ang babae ay hindi lang maybahay, ipakikita rin natin na kayang-kaya nating gawin ang ginagawa ng ating mga asawa,” pagbabahagi niya.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno at sa paggabay ng SAAD MIMAROPA at ng lokal na pamahalaan, maayos ang kalagayan ng proyektong pinagkatiwala sa kanilang samahan. Sa ngayon, may 46 na kambing na ang KALIPI at lima (5) ang inaasahang manganganak pa sa susunod na buwan.
Bago pa man dumating ang SAAD sa kanilang lugar ay may kanya-kanyang pinagkakakitaan ang mga miyembro ng KALIPI, kaya naman positibo si Gng. Villaresis na mairaraos nila ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan habang naghihintay sa pagdami ng mga kambing at sa panahon na maaari na nilang ibenta ang mga ito. Hinikayat rin niya ang mga kapwa babae na magtanim ng mga gulay sa kanilang mga bakuran dahil hindi lamang ito dagdag na mapagkukunan ng kabuhayan kung hindi sagot rin sa pangangailangan sa pagkain.
“Ako ay simpleng maybahay din, pero ang pagtatanim ay hindi ko binibitawan. Malaking bagay na may tanim tayo para sa pagkain at kita. Sayang ang lupa na hindi natin ginagamit,” aniya.
Samantala, sa kabila ng panghihikayat sa kanya na kumandidato bilang opisyal ng barangay, nananatili ang pagnananais ni Jane na magsilbi sa kanyang komunidad na walang halong personal na interes. Kasiyahan na niyang malaman na nakatutulong siya sa pagbabago ng buhay ng mga kapwa niya babae at nabibigyan sila ng pagkakataong makisangkot sa mga gawain sa komunidad at ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
“Makisangkot tayo sa mga programa ng ating gobyerno. Maging inspirasyon po tayo na maging matatag at makipaglaban sa nararapat para sa atin at alamin natin ang ating mga karapatan bilang mga kababaihan, alamin natin kung ano ang nararapat para sa atin,” dagdag ni Jane.
Sa pamamagitan ng kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod at natatanging pamumuno, patuloy siyang nagsisilbing inspirasyon sa marami na tuklasin ang kanilang potensyal sa pamamahala at paglilingkod. Nagsisilbing paalala si Gng. Villaresis ng makabuluhang epekto ng bolunterismo sa pagbabago at ang mahalagang papel ng mga kababaihan sa pagbuo ng isang mas patas at mapagmahal na mundo.
Kasabay ng pagtatapos ng Buwan ng mga Kababaihan, isang matibay na pagsaludo sa lahat ng mga babae na patuloy na pinatutunayan ang kakayahan para sa lipunang patas sa Bagong Pilipinas!