Ang Urban Gardening Project ng Department of Agriculture (DA) ay proyekto upang masiguro ang tuloy-tuloy na supply ng pagkain sa bansa.
Nagsimula ang Urban Gardening Project ng Brgy. Maunlad sa pakikipagtulungan sa DA-MIMAROPA noong Abril 2020 bilang tugon sa pandemya dulot ng COVID-19.
Noong Agosto 28, 2020, naganap ang Harvest Festival sa nasabing barangay kung saan umani sila ng 73.2kg ng Pechay, 8 kg ng Ampalaya at 2 kg ng Siling Haba. Ang mga bilang na ito ay unang ani pa lamang at at may natitira pang mga pananim na patuloy ang pagtubo. .
Sinusuportahan din sila ng City Agriculture Office ng Puerto Princesa upang lalo pang paunlarin ang Urban Garden Project na ito.
“Bilang tulong ng opisina ng City Agriculture, tuloy-tuloy ang pagbibigay namin ng technical assistance mula sa land preparation hanggang sa harvesting management,” pahayag ni Enera Tuibeo, Asst. City Agriculturist, PPC
Layunin din ng proyektong ito na makapagbigay ng inspirasyon sa iba na hindi hadlang ang lawak ng lupain upang makapagtanim.
“Ang maganda dito sa Urban Garden ay nakikita ng ating mga kababayan na walang imposible kung gugustuhin nating magtanim,” ani ni Kap. Alfredo Mondragon Jr. ng Brgy. Maunlad.
Lubos-lubos ang pasasalamat ng mga taga Brgy. Maunlad sa proyektong ito ng kagawaran sa pakikipagtulungan ng lokal ng pamahalaan at ng HVCDP.
sa pakikipagtulungan ng lokal ng pamahalaan at ng HVCDP
“Dahil po sa suporta ng DA at ng City Agriculture, lumakas po ang loob namin. Hindi kami mag-aalinlangan magtanim dahil nandyan po ang gobyerno para po tumulong sa amin,” pahayag ni Kap. Mondragon.
“Malaking tulong po sa amin kasi minsan wala kaming pambili ng bigas pero pag-harvest namin ay may kita na kami. Maraming salamat po sa ating Sec. William Dar at sa Department of Agriculture,” pasasalamat ni Daylin Broce, Brgy. Health Worker.
“Taos-puso ang aming pasasalamat kay RED Gerundio sa kanyang suporta lalong lalo na sa ating HVCDP. Nakita po namin kung papano naitanim yung buto na ibinigay natin sa mga magsasaka at iyon po ay napakinabangan nila ng husto," ani ni APCO Vicente Binasahan Jr.
Ang kanilang Urban Garden ay matatagpuan sa Purok Daisy, Brgy. Maunlad, Puerto Princesa City, Palawan.