News and Events

Tungib FA ng Marinduque laking pasalamat sa cattle dispersal ng Livestock Program
Larawan ng mga miyembro ng Tungib Farmers Association kasama ng baka mula sa Cattle Dispersal ng DA-MiMaRoPa sa pangunguna ni Cyrill Jem Gumba (panagalawa mula kanan) kasama si Bb. Geraldine Linga (pang-apat mula kanan) ng APCO- Marinduque.

Tungib FA ng Marinduque laking pasalamat sa cattle dispersal ng Livestock Program

Isa ang pag-aalaga ng hayop sa pinagkakaabalahan ng mga kababayan nating magsasaka matapos magtanim. Habang lumalaki ang kanilang mga tanim ay sinasabayan din naman ito ng pag-aalaga ng hayop habang naghihintay ng oras  at upang magkaroon din ng dagdag na pangkabuhayan.

Ang Kagawaran ng Pagsasaka- Rehiyong MiMaRoPa ay namahagi ng mga hayop tulad ng baka, kambing, baboy at manok sa mga asosasyon upang makatulong sa kanilang kabuhayan kung maparami nila ito.

Upang malaman kung nakatulong ang mga interbensyon na ibinigay ng kagawaran, tinungo ng mga kinatawan ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyong MIMAROPA na sina Cyrill Jem Gumba, Agriculturist I ng Livestock Program at Geraldine Linga ng Agricultural Program Coordinating Office ang Tungib Farmers Association upang makita ang sitwasyon ng mga natanggap nilang interbensyon sa Kagawaran.

TESTIMONYA NG MGA NAKATANGGAP NG BAKA

Ayon kay Vilma Sales, pangulo ng Tungib Farmers Association, ang mga baka na ibinigay ng Department of Agriculture- MIMAROPA ay nasa maayos na kalagayan, ang iba ay nanganak na at may mga buntis pa. “Dito po sa aming barangay ang pangunahing pinagkikitaan lalo na ang mga kasapi ng samahan ay ang pangingisda at pagsasaka, tulad ng pagtatanim ng balinghoy, saging, mais at niyog kaya hindi sapat para aming pangkabuyahan,” saad ni Sales.

Nagkaroon lamang sila ng pagkakataon na matanggap ang mga ayudang hayop mula sa kagawaran sa dahil sa  madalas na pagdalo ng pagpupulong sa Municipal Agriculture Office sa pangunguna ni MAO Rowel Mataac. Nalalaman nila na may ganito palang programa ang Kagawaran ng Pagsasaka, kaya naman ang kanilang asosasyon ay maagap na tumugon sa mga kaukulang papeles para sa nasabing programa, at sa tulong ni Dr. Lucila Jandusay, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) sa Probinsya ng Marinduque.

Si Maribel Sales, miyembro ng asosasyon, isa sa mga masuswerteng nakatanggap ng baka mula sa kagawaran. Malaking tulong sa kanya ang natanggap niyang baka dahil nakatulong ito sa pagpapagawa ng bahay na sinalanta ng bagyo noong nakaraang taon. Naibenta nila ang naging anak ng baka at iyon ang nagamit nilang pera para makapagpagawa ng bahay. “Malaki ang pasasalamat namin sa Department of Agriculture MIMAROPA dahil ang perang nakuha naming sa pagbebenta ng baka ay ay naipampagawa naming ng bahay at nagamit din namin sa pagpapaaral sa aming anak,” kanyang pahayag.

Bilang isang pagtugon sa kasunduan sa programang Cattle Dispersal ng DA ang Tungib Farmers Association at mga kasapi ay masigasig na inaalagaan ang mga baka at ito ay matagumpay na umabot sa third liner.

Sa katunayan naging  maganda ang resulta ng Livestock Dispersal Program sa barangay Tungib, mula sa first liner ay nakaabot ng third liner ang baka na kanilang natanggap. Dahil sa natanggap at inalaagaan nilang baka, ay nakapaggawa sila ng bahay, nagamit sa pag-aaral ng mga anak, lalo nitong nagkaroon ng Pandemya (COVID -19) sa probinsiya, dahil dito ay naging limitado ang pagkilos at paghahanap-buhay ng mga mamayan.

Ayon naman kay Maryjane Saludes, isa rin sa mga nakatanggap ng baka, malaki ang kanyang pasasalamat sa kagawaran sapagkat nagamit din nya sa pagpapagawa ng bahay noong masalanta sila ng bagyo nang mapilitan sila na maibenta ang baka na natanggap nila mula sa kagawaran.

Samantala, si Philip Llanzares na kasapi ng asosasyon ay nakatanggap ng second liner o anak ng baka na galing sa kasapi nila. “Sa kasalukuyan ay buntis na ang baka at ito ay matigaya niyang pinapastol, lalo na sa panahong ito dahil malapit na ang tag-araw, kaya masigasig kaming maghanap ng mga iba’t ibang uri ng damo upang ipakain sa alaga niyang baka . Kapag nanganak na ang baka at nasa tamang edad na ay plano namin ipagbili upang gamitin sa negosyo,” kanyang pagbabahagi.

Paalala sa mga nakatanggap ng baka

May paalala naman si Geraldine Lingap sa mga kasapi ng Tungib FA, “Kung babae ang naging anak ng Baka ay dapat nating palakihing mabuti o alagaan ng tama, kasi po kung babae pwede uli nating gawin inahin at muling itong manganganak para dagdag sa pagpaparami ng Baka. Kung hindi naman emergency ang pangangailangan ng bawat isa sa atin, pwede siguro yong lalaking anak ng Baka ang inyong ibenta.

Nagbigay din ng mensahe si Gumba ng Livestock Program ng kagawaran patungkol sa pagbebenta ng baka. Pinaaalalahanan din niya na huwag agad ibenta ang mga babaeng dapat mga lalaki upang makapagparami pa ng lahi ang kanilang baka. Dagdag pa niya na mas malaki ang halaga ng bakang ipinamimigay ng DA kumpara sa native na baka kaya naman pinapayuhan nila na paramihin na muna ang mga baka na galing sa kagawaran. 

“Kung ibebenta niyo ang inahing baka, mawawala yong ganitong lahi, sana po i-preserve muna natin ang lahi nila at alamin muna kung pwede pang manganak ang baka, kasi ang maiiwan sa inyo puro native lang. Kapag nagbenta kayo native na baka nasa halagang P13,000 lamang, samantala kung mataas ang lahi ng baka at magiging kasinlaki rin ng inahin na galing sa DA ay maibebenta ninyo ng halagang P40,000,” paliwanag ni Gumba.

Pinaalalahanan din naman ni Gumba ang mga kasapi na nagnanais na magbenta ng matatandang baka na mahirap nang manganak, “Doon po naman sa matanda na ang inahing baka at hirap ng manganak kung gusto ninyong ibebenta dapat ay ipaalam sa MAO’s office para yong napag bilhan ng hayop ay ibibili muli natin ng paanaking baka. Kung kelangan niyo po vitamins, pampurga at planting materials tulad napier ay ipagpaalam niyo lang  sa aming opisina,” kanyang tagubilin.   

Lubos ang pasasalamat ni ni Gumba sa mga Tungib FA dahil sa pag-aalaga nila sa natanggap nilang interbensyon mula sa Kagawaran ng Pagsasaka. Nakita nila kung paano inalagaan ng mga kasaping nakatanggap ng mga baka hanggang sa kanila itong maibenta para matustusan ang kanilang pangangailangan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.