News and Events

Training on Machinery Operations, dinaluhan ng 40 magsasaka ng Magsaysay

Training on Machinery Operations, dinaluhan ng 40 magsasaka ng Magsaysay

MAGSAYSAY, OCCIDENTAL MINDORO, November 16, 2021 – Nagdaos ang Municipal Agriculture Office (MAO) Magsaysay katuwang ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) ng Training on Machinery Operation and Management of Service Provider upang mapabuti ang serbisyong pansakahan na naibibigay ng mga magsasaka ng Calawag.

40 magsasaka mula sa Nagkakaisang Samahan ng Laste Farmers Association (NSL FA) at Calawag Service Provider Association (CSPA) ang dumalo sa pagsasanay.

Sinabi ni Richard Ochavez, Municipal Agriculturist sa kanyang paunang salita na ang pagsasanay ay hindi lamang makakabuti para sa mga asosasyon, kundi pati na rin sa bawat miyembro. Ang mga kaalaman at kasanayan na kanilang matututunan ay maaari nilang magamit lalo na sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.

Pinangunahan ni Engr. Rodolf S. Asejo, Provincial Farm Mechanization (Farm Mech) Focal Person at TESDA assessor ang pagsasanay. Dito ay tinuro sa mga magsasaka ang tamang paggamit ng mga makina, paghahanda ng lupang sakahan, at pamamaraan sa pag-iingat sa mga kagamitan.

Binahagi ni Engr. Asejo na ang mga magsasakang nawalan ng trabaho sa pagsisimula ng paggamit ng mga makinaryang pansakahan ay binibigyang prayoridad na makatanggap ng mga makinaryang pansakahan upang maipagpatuloy nila ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto gaya ng DA-SAAD.

“Biktima kayo[ mga magsasaka] ng farm mechanization. Noong wala pang rice transplanter [at ibang mga makinaryang pansakahan], kayo na ang service provider sa pamamagitan ng mano-manong paraan. Noong pumasok ang mga makinarya, nawalan kayo ng trabaho,” ani Engr. Asejo.

Ang dalawang asosasyon ay parehong nakatanggap ng tatlong (3) hand tractor – Dalawang (2) hand tractor ang ipinagkaloob sa bawat grupo noong 2019 sa ilalim ng Provision of Machinery to Service Provider Project FY 2019 at dalawang karagdagang unit ang ipinagkaloob sa grupo noong 2020.

Itinuro sa mga magsasaka na ang magandang serbisyong pansakahan ay nakakatulong sa mainam na pagtubo ng mga pananim at madaling paglagay ng abono na nagdudulot ng mas mataas na ani. Kung ang mga asosasyon ay matututo ng mga paraan para sa magandang serbisyong pansakahan sa pamamagitan ng pagsasanay, magbibigay ito ng mas malaking kita para sa grupo.

“Kapag maganda ang serbisyo ninyo at tumaas ang inani at kita ng sinerbisyohan ninyo, syempre kayo na lagi ang kukuhanin nilang service provider. Masisigurado ang inyong kita at darating ang araw na lahat ng farm service – mula sa land preparation hanggang post-harvest – kayo na ang magbibigay,” bahagi ni Engr. Asejo.

Ilan sa mga plano ng MAO ay ang pakikipag-ugnayan sa PhilMech upang mabigyan ng karagdagang makinarya ang mga magsasaka gaya ng combine harvester at mechanical dryer upang mapalago ang kanilang serbisyo. Tinitingnan din ang posibilidad ng pakikipag-ugnayan ng tanggapan sa TESDA upang mabigyan ng karagdagang pagsasanay ang mga benepisyaryo sa Rice Machinery NCII.

Ibinahagi sa bawat asosasyon ang 50 litrong krudo at dalawang (2) litrong lubricant para sa mga makinarya sa pagtatapos ng pagsasanay.

Ang pagsasanay ay isa sa mga bahagi ng SAAD upang masigurado ang kahandaan ng mga benepisyaryo sa pagtanggap ng mga proyektong ipinapagkaloob sa kanila.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.