Sa pagtutulungan ng partner organizations Teach for Philippines (TFP) at Stairway Foundation, at DA MIMAROPA sa pamamagitan ni APCO Coleta Quindong, DA Staff at ilan pang Local Government Units (LGUs) ng Oriental Mindoro, naitaguyod ang proyektong “Sustainable Organic Gardening Opportunities” (Project SOGO) kung saan 93 kasapi ng Baclayan Indigenous People (IP) Community ay nabigyan ng libreng pagsasanay ukol sa modernong pamamaraan ng Organikong Pagsasaka, 89 sachets ng assorted OPV vegetable seeds, at 2 kilo ng African Knight Crawler sa Puerto Galera kamakailan.
Bunga ng pandemya, inilunsad ang proyektong may layuning paigtingin ang food security sa tahanan ng mga katutubong Mangyan. Ang naturang Community Engagament (ComEt) na pinangunahan nina TFP Fellow Teachers Katleen Esmama at Chatelaine Wansi ay isang requirement mula sa kanilang 2-year contract sa organisasyon.
Wika ni TFP Teacher Fellow Esmama,“Marami ang nawalan ng trabaho, hindi makapaghanapbuhay, hindi lahat ay nakakain sa tamang oras. Ang gusto namin ay magkaroon ng source of food for them. Pangalawa po siguro, kung magkakaroon sila ng maraming tanim na hindi magagamit, we want to develop a culture of bartering here in Baclayan community. If they don’t want bartering, they can also market, yung mga ani ng kanilang pananim.”
Matapos ang unang pagkikita para sa pagpapakilala ng proyekto sa humigit-kumulang 50 magulang mula sa IP Community, naanyayahan ang iba’t iba pang miyembro na dumalo sa nasabing proyekto.
Pinangunahan ni Provincial Organic Agriculture Focal Person Christian Generato ang isang talakayan ukol sa mga pangunahing kaalaman sa Modernong Organic Farming, Urban Gardening, at Paghahanda ng mga Planting Materials. Samantala, isang hands –on na ang pagsasanay naman ang ginanap sa Stairway Baclayan Organic Farm.
“Iyong food production and food security ng Baclayan, hindi lang yun nakaasa sa seeds, nakaasa rin yun sa capacity, sa knowledge and skills ng mga tao, so yung farm, nagsilbi siyang naging learning center for modern agriculture. At the same time, nirerespect din po natin ang kanilang traditional ways,” paliwanag ni Stairway Program Coordinator Jason Abarquez,
Dagdag niya, “Nawala ang turismo, wala nang source of income ang mga tao at nagshift ang iba sa fishing at sa gardening, so aming sinuportahan ang ganitong activity, yung ganitong livelihood activities ng mga tao. So ang Stairway Foundation thru its farm, ito yung ginagamitan ng FAA (Fermented Amino Acid), FPJ (Fermented Fruit Juice), yung vermicast, at iba pa so, makikita nila in actual kung anu-ano yun at paano gamitin sa farm.”
Ayon kay DA Staff for Organic Agriculture Benjamin Gardoce, pansamantalang pararamihin ng Stairway Foundation ang African Knight Crawler sa kanilang vermicomposting site hanggang sa ganap nang may kaalaman ang mga mamamayan ng Baclayan IP Community sa paghahawak ng vermicast. Inaasahan ding babalik ang TFP Teacher Fellows para suriin ang progreso ng Project SOGO sa kanilang komunidad.
Nakabatay sa Teach for All Global organization, Ang Teach for Philippines na pinangungunahan ni Chief Executive Officer Clarissa Isabelle Delgado ay isang non-government profit organization na naglalayon na magpadala ng mga qualified professionals o Teacher Fellows sa iba’t ibang education system sa Pilipinas. Ang core programs nito ay binubuo ng pagpapabasa, numeracy, at iba pang life skills program para sa mga kapwa guro, mag-aaral, at mamamayan.
Kabilang sa naunang proyekto ng TFP ukol sa paggagawa ng learning guideng Organikong Pagsasaka, ang Stairway Foundation ng Baclayan ay kasalukuyang nakatalaga sa pananatili ng tuloy-tuloy na pagtatanim at pag-aani ng mga gulay na natanggap sa SOGO. Bukod dito, ang organisasyon ay mayroong programang “Break the Silence” na ang pangunahing hinahawakan ay Children’s Rights at Child Sexual Abuse Prevention, scholarship program na may 600 benepisyaryo, at food security initiative mula ng nagkaroon ng pandemya.