Nagdaos ng dalawang (2) araw na field day tungkol sa Technology Adaption of Integrated Rice + Duck Farming System ang Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon ng MIMAROPA sa bayan ng Gloria at Bansud, Oriental Mindoro noong ika-11 at 12 ng Oktubre. Ito ay binuo ng Research Division sa pamamahala ni Research Division Chief Romnel Salazar. Dumalo naman sa aktibidad ang mga barangay officials, mga kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office, Office of the Provincial Agriculturist at iba pang kawani ng Research Division.
Ang proyekto ay may pondong nagkakahalaga ng higit Php 3.8 million mula sa DA Bureau of Agricultural Research na pinanukala nina Luisito D. Parcon, Senior Science Research Specialist, Justine R. Cristobal, Science Research Technician I, at Jaypee A. Rayos, Technical Staff ng Research Division. Naisakatuparan naman ito sa pakikipagtulungan ng mga Municipal Agriculture Office ng mga naturang bayan.
“Maraming maraming salamat po sa Research Division ng DA-MIMAROPA sa pagbibigay nila sa amin ng dagdag kaalaman sa paggamit ng itik sa pagpapalay. Dahil malaki po ang aking naging kapakinabangan dito, nakabawas ito sa aming gastusin sa abono at pag-iispray at naging mas maganda pa po ang kinahinatnan ng aming palayan,” ani ni G. Norlito Eturalde, Farmer Cooperator ng Brgy. Balete, Gloria, Oriental Mindoro.
Layunin ng proyektong ito na ipakita sa mga magsasaka ang kagandahang dulot ng teknolohiya ng pagsasama ng modernong sistema ng pagtatanim ng palay gamit ang hybrid seeds kasabay ng pag-aalaga ng mga itikSa paggamit nila ng teknolohiyang ito ay maaaring tumaas ang ani ng palay ng 20 porsyento at mapababa naman ang gastusin sa pagpapalay ng 30 porsyento. Inienganyo din ng farming system na ito na makapagprodyus ng duck egg ang mga magpapalay upang maging dagdag sa kanilang kita at makabuo ng potential market para dito.
Ipinakita sa field day na ito ang pagpapasok ng mga itik sa palayan na kadalasang ginagawa pito (7) hanggang sampung (10) araw matapos maglipat-tanim hanggang sa magbuntis ang palay. Ang pagpapasok ng mga itik ay nakakatulong sa pagkontrol ng mga peste sa palayan kagaya ng hanip, black bug, at kuhol. Bukod dito, nakakatulong din ang mga itik sa pagpapadami ng mga suwi na maaaring magresulta sa maraming uhay na magbubunga naman ng mas maraming butil ng palay.
“Maganda talaga na mayroong itik sa palayan. Nasubukan ko na ito sa aking kalahating ektarya, di ako nag-ispray at nag-abono ng marami. Maganda sa siya sa palay, yung inaani ko dati na P20.00 ay nasa P40.00 na ngayon,"pahayag ni G. Marcelo Landicho ng Brgy. Salcedo, Bansud, Oriental Mindoro.
Bukod naman sa tulong sa pagbawas ng gastos at pagtaas ng ani at kita, kasama sa mga itinuturing ni Research Division Chief Romnel Salazar na bentahe ng proyekto ang magandang ugnayan ng LGU, barangay, at DA para tulungan ang mga magsasaka.
Maliban naman sa field day, nagkaroon din ng harvest festival sa pakikipagtulungan ng Kubota Calapan gamit ang kanilang bagong Harvester.