News and Events

Technical Training ukol sa DRRM Information System ng DA-MIMAROPA nilalayon ang sentralisadong sistema at wastong damage reporting
Paggabay ng facilitator mula sa DRRM Central Office sa isang report officer kung paano ma-access at maka-log-in sa DRRMIS.

Technical Training ukol sa DRRM Information System ng DA-MIMAROPA nilalayon ang sentralisadong sistema at wastong damage reporting

Tamang sistema ng pagkuha at pag-consolidate ng mga datos at standard format ng report para mas mapabilis ang pagbigay ng ayuda sa mga magsasaka, ito ang naging layunin ng isinasagawang Technical Training on Disaster Risk Reduction Management Information System (DRRMIS) sa bawat probinsiya ng rehiyong MIMAROPA simula noong ika-4 ng Setyembre taong kasalukuyan.

Inorganisa ito Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA DRRM sa pangunguna ni Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting at Oriental Mindoro Rice Program Provincial Coordinator/DRRM Regional Alternate Focal Person Engr. Maria Teresa Carido kasama ang mga facilitators mula sa DA-DRRM Central Office at Regional Rice Program staff.

“Kailangan natin na mas mabilis na pagbigay ng datos upang mabilis din ang pagbigay ng solution sa mga nasalanta ng bagyo. Magiging fruitful ang activity na ito sa pamamagitan ng paggawa ng mas mabilis at effective na sistema para mas lalo tayong makatulong sa ating mga magsasaka,” saad ni RED Inting.

Dagdag pa ni Engr. Carido, “ngayon po, itong training na ito ay isang upgrading po ng mga previous na ginagawa natin para po mas ma-digitalized natin ang ating reporting at the same time mas madali po sa ating mag-analyze ng mga data na meron po tayo.”

Dinaluhan ang mga pagsasanay ng mga kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office ng bawat bayan, Provincial Agriculturists’ Office (PAGO), Agricultural Extension Workers at DRRM Officers ng mga nasabing lalawigan. Itinuro sa mga ito ang tamang paggamit ng DRRMIS kabilang na kung paano at sino ang maaaring mag-access nito, pag-a-upload ng kinakailangang datos gayundin ang process flow ng naturang system simula sa paglalagay ng mga data hanggang sa approval.

Matapos ito, nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga kalahok na ipaliwanag ang kanilang feedback tungkol sa system. Anila, isa sa kanilang magiging problema sa implementasyon ng proyekto ay ang internet connection at madalas na pagkawala ng kuryente ngunit sa kabila nito umaasa sila na mas mapapabilis na ang paggawa ng damage report at pagsagawa ng wastong assessment sa mga magsasakang nasalanta ng kalamidad sa oras na simulang ipatupad ang paggamit ng DRRMIS.

Ang DRRMIS ay isang web-based system na binuo ng Field Programs Operational Planning Division - Operations Management and Information Section katuwang ang DRR Management Section upang magkaroon ng digitalize at sentralisadong pag-uulat ng mga pinsala sa agrikultura gawa ng mga sakuna. Mas pinapadali rin nito ang pagbuo ng mga ulat base sa mga datos na nakolekta sa bawat lugar.        

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.