MAGSAYSAY, OCCIDENTAL MINDORO - 25 benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program ang dumalo sa Technical Training on Organizational Management for Farmers Associations na ginanap sa Brgy. Poblacion, Magsaysay noong ika-11 hanggang ika-12 ng Agosto, 2021.
Ang mga dumalo sa pagsasanay ay mga miyembro ng asosasyon sa Magsaysay sa ilalim ng SAAD: Sipag at Tiyaga: Wood Vinegar Farmers Association (STWV FA), Calawag Service Provider Association (CSPA), Unlad-Kita Laste Farmers Association (UKL FA),
Calawag Mushroom Association (CMA), at Poultry Calawag Association (PCA).
Inihalintulad ni Engr. Elmer T. Ferry, SAAD Regional Technical Director ang pagsasanay sa isang "incubator" para sa mga magsasaka kung saan matutunan ng mga benepisyaryo ang tamang pamamahala sa mga gastusin, marketing strategies, at tamang pamamalakad ng samahan na kinakailangan upang umunlad ang kanilang mga grupo.
Pinangunahan ni Mr. Rustom M. Gonzaga, F2C2 Market Specialist I ang mga pangunahing kaalaman sa marketing. Pinayuhan ni Mr. Gonzaga ang mga magsasaka na makipagtulungan sa kanilang mga anak sa pagbebenta ng kanilang produkto dahil ang mga kabataan ay may mas malawak na access sa social media na isang malaking oportunidad upang magkaroon ng mas malawak na market.
Nagkaroon ng tiyak na plano ang mga miyembro ng bawat samahan sa kung paano nila mas mapapalakas ang kanilang grupo sa pamamagitan ng isinagawang SWOT (Strength, Weaknesses, Opportunities, Threats) analysis.
Sa pangalawang araw ng pagsasanay, tinalakay ni Mr. Ruben B. Pagirigan, F2C2 Project Development Officer ang tamang pamamaraan ng paggawa ng talaan sa pananalapi (financial records). Ayon kay Mr. Pagirigan, ang pagkakaroon malinaw at maayos na talaan sa pananalapi ay mahalaga sapagkat ginagamit itong batayan ng gobyerno at iba pang pribadong sektor sa pagbibigay ng mga ayuda o grants sa mga samahan.
Sa pagwawakas, binahagi ni Engr. Ferry ang mga mahahalagang angkla ng isang matibay at matagumpay na asosasyon: Management Capability, Organizational Strength, Organizational Viability, at Leadership Effectiveness.
"Nagkakaisa at nagtutulungan ang miyembro ng aming samahan pero hindi pa rin maiiwasan na magkaroon ng mga problema. Pero mainam na nagkaroon ng ganitong pagsasanay para maipaliwanag sa amin bilang isang samahan ang dapat naming gawin para malapgpasan [ang mga pagsubok] at mapaunlad ang aming samahan," ani Linda Masangkay, chairperson ng PCA.
Nakita sa pagsasanay ang posibilidad na maging kooperatiba ang mga dumalong asosasyon ng SAAD. Ang pagiging kooperatiba ay nagbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga miyembro nito kabilang na ang tax exemption (Philippine Cooperative Code of 2008) at pagkakaroon ng karagdagang mga intervention mula sa gobyerno.
Source: Vilmar J. Robes, SAAD Area Coordinator - Magsaysay, Maryleth Roxanne H. Gonzaga, SAAD Training Specialist I, Philippine Cooperative Act of 2018 (RA 9520, Article 61) source.gosupra.com/docs/statute/8086