Ang Rice Program ng DA-MiMaRoPa Region ay kasalukuyang nagsasagawa ngayon ng Technical Briefing ukol sa programang "Rice Model Farm". Nagkaroon ng mga magkakasunod na technical briefing simula noong ika-19 hanggang sa ika-21 ng Abril sa bayan ng Narra, Brooke's Point, at Rizal ng Palawan.
Pinangunahan ang nasabing briefing ng Regional Rice Focal Person na si Ma.Theresa Aguilar, katulong ang mga Provincial Rice Coordinator na sina Ronald Degala at Marissa Vargas. Kasama rin dito ang National Rice Consultant na si Dr. Santiago Obien.
Ito ay nilahukan ng mga magsasaka mula sa bayan ng Aborlan, Narra, Sofronio Española, Brooke’s Point, Bataraza, Quezon, at Rizal. Gayun din ang mga ahensiyang nagsusuplay ng binhing hybrid.
Ano ang Programang Rice Model Farm?
Ito ay isang paraan para makamtan ang pambansang kasapatan sa bigas; maipakita ang mga makabagong teknolohiya na naangkop sa lugar ng mga napiling mga magsasaka; maituro ang tamang pagtatanim ng hybrid na binhing palay; para rin maitaas ang ani kada ektarya at maiangat ang pamumuhay ng bawat magsasakang Pilipino.
Mga ahensiyang kasama sa programa:
Ito ay kinabibilangan ng DA National Rice Program, Regional Offices, mga LGU (PAOs /MAOs), at mga farmer cooperators.
Mga maaring sumali:
May irigasyon ang palayan, hindi gumamit ng hybrid na palay sa panahon ng tag ulan, may bukas na pananaw sa mahalagang teknolohiya at aktibo at taos pusong makilahok sa programa.
Paraan sa pagsali:
Bawat munisipyo ay may nakalaang target sa model farm. Hindi baba sa 10has. para sa Palawan, Oriental Mindoro, at Occidental Mindoro at tig limang (5) ektarya sa Marinduque at Romblon. Ito ay igugrupo sa bawat cluster kung saan ang kada grupo ay may 10has para sa Palawan at mga probinsiya ng Mindoro at tig 5has naman sa bawat cluster sa Marinduque at Romblon.Sa bawat cluster ay may itatalagang leader. Sa kada cluster ay magpapatanim ng 5 barayti ng hybrid rice na pantay pantay ang pagkakabahabahagi ng abono sa bawat ektarya, ito ay nakabase sa rekomendasyon ng Rice Crop Manager(RCM). Magsasagawa ng farm parcel mapping, farm registration at field day o harvest festival upang malaman kung anong barayti at soil ameliorant ang may pinakamagandang resulta sa kanya kanyang cluster sa panahon ng tag-ulan.
Paalaala:
Bawat isang farmer ay hanggang 2has lamang ang maisasali sa programa. Hanggat maaari ang paggagamitin ng teknolohiya ay hindi baba sa 4 na taniman at siya ring dapat na maging modelo sa iba pang karatig na magsasaka. Dapat ang farmer cooperator ay dadalo sa isasagawang mga biefings hinggil sa programa at inaasahang magbibigay ng makatotohanang datus ukol sa sakahan at pamamaraan na ginamit sa pagsasaka mula sa rekomendasyon na nakasaad sa RCM at kanya-kanyang technician.
Ang DA ang magsasagawa ng specific guidelines na akma sa kanya kanyang rehiyon.Pangungunahan rin ng ahensiya ang pagsasagawa ng technical briefing sa mga probinsiya, siya ring bibili at magbibigay ng mga pangangailangan sa programa.
Ang Programang Rice Model Farm Technical Briefing ay gagawin din sa mga probinsya at iba-ibang sangay na bayan sa Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque at Romblon.