Nagsagawa ng Technical Briefing on Postharvest Handling for Onions ang Department of Agriculture MiMaRoPA High-Value Crops Development Program sa mga bayan ng San Jose, Rizal, at Mamburao, Occidental Mindoro, ika-20 hanggang ika-22 ng Marso. Naisakatuparan ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng mga nabanggit na munisipalidad at ng East-West Seed Co., Inc.
Layunin nito na bigyan ng karagdagang kaalaman ang mga nagtatanim ng sibuyas sa tamang pamamahala ng kanilang mga ani upang mapanatili ang mataas na kalidad ng mga sibuyas na nagmumula sa nasabing lalawigan.
“Itong technical briefing ay karagdagang programa na inorganisa ng HVCDP MiMaRoPa para po sa ating mga magsisibuyas. Dito na po pumapasok kung anu-ano ba iyong mga dapat ninyong gawin pagkaani ninyo ng sibuyas. Kahit alam na natin sa sarili natin na ang mga sibuyas na pino-produce natin ay magandang quality, may mga impormasyon pa rin po tayong kailangang malaman, ano ba iyong tama at hindi tamang gawin upang mapanatili natin ang kalidad ng ating mga sibuyas,” mensahe ni Maricar T. Combalicer, isa sa mga Provincial Focal ng HVCDP MiMaRoPa.
Naging tagapagsalita sa gawain ang mga kawani ng East-West Seed na sina Alexander Benavidez, Sales Trade Supervisor; Lorelyn Celosa, Farmer Promotions Supervisor; at Raquel Rachel Davis, Farmer Promotions Representative. Kabilang sa kanilang mga tinalakay ang tamang pagtukoy ng maturity ng sibuyas o kailan ito maaari nang anihin, mga akmang istratehiya sa pag-aani, pamamahala ng mga aning sibuyas, mga paraan upang maiwasan ang postharvest losses at ang cost-and-return analysis bilang gabay ng mga magsasaka sa maaari nilang gastusin at kitain.
Binigyang diin rin sa tatlong araw na aktibidad ang kahalagahan ng paninindigan at tamang pagdedesisyon ng mga magsasaka sa kanilang mga pananim lalo na sa panahon ng anihan kung saan hindi maiwasan ng ilan ang pag-aani ng mga sibuyas kahit hindi pa sapat ang maturity o gulang ng mga ito dahil sa malaking presyong alok ng mga mamimili. Ang pag-aani anila ng sibuyas nang hindi angkop sa panahon ay nagdudulot ng mga negatibong epekto gaya ng mababang timbang, mataas na loss rate at maraming reject o iyong mga hindi na maaaring ibenta sa magandang presyo dahil hindi maganda ang kalidad.
Sa bayan ng San Jose, ibinahagi ni Municipal Agriculture Officer Rommel Calingasan na naaapektuhan ang magandang kalidad ng mga sibuyas ng hindi maayos na postharvest handling ng ilang mga magsasaka at napapanahon aniya ang pagsasanay dahil harvest season ng sibuyas sa kanilang lalawigan.
“Sa totoo lang, ito rin ang gusto namin na mapataas iyong ating kaalaman pagdating sa postharvest operation. Napakaganda ng kalidad ng sibuyas ngayon ng San Jose subalit ang napupuna sa atin kung bakit bumababa ang kalidad ng sibuyas natin ay ang postharvest handling and operation,” saad ni MAO Calingasan.
Nagpasalamat rin ang mga nagsidalong magsasaka dahil sa mga karadagang kaalaman na kanilang natutunan mula sa nasabing technical briefing.
“Sana nga po ay tuloy-tuloy iyong ganitong activity sa mga farmers nang sa ganon ay mas marami pang matutunan kung paano kikita ng malaki sa pagtatanim ng sibuyas. Maraming salamat po sa government o sa DA at sa private company tulad ng East-West Seed sa pagsasagawa ng ganitong programa,” pahayag ni Roderick Dimapalitan ng Brgy. Tangkalan, Mamburao.
“Nagpapasalamat ako sa mga paliwanag para sa aming mga magsisibuyas at sana ay patuloy nila kaming gabayan sa aming pagsasaka,” pasasalamat naman ni Francisco Galdiano mula rin sa Brgy. Tangkalan, Mamburao.
Cold storage
Samantala, nabigyan rin ng pagkakataon ang mga magsasaka na ipaabot ang kanilang mga saloobin tulad ng usapin sa cold storage kung saan ibinahagi ng HVCDP MIMAROPA na dalawang (2) cold storage na tig-P40 milyon ang halaga at kayang mag-imbak ng 20,000 bags ng sibuyas bawat isa ang ipagkakaloob sa Occidental Mindoro ngayon taon; isa para sa Samahang Gumagawa Tungong Tagumpay Multi-Purpose Cooperative (SAGUTT MPC) sa Sablayan at isa para naman sa Salvacion United MPC sa bayan ng Rizal.
Nauna nang nagkaloob ang HVCDP MIMAROPA ng dalawang (2) cold storage, sa Mindoro Progressive Multi-Purpose Cooperative (MPMPC) sa Mamburao at Lourdes MPC sa San Jose, parehong sa Occidental Mindoro na nagkakahalaga ng P20 milyon bawat isa at may kapasidad na tig-10,000 bags. Patuloy rin anilang sinisikap na madagdagan pa ang mga ito upang matugunan ang pangangailan ng mga magsisibuyas sa cold storage.