Kasalukuyan ang pagsasagawa ng Department of Agriculture - MIMAROPA ng Technical Briefing on Masagana Rice Program sa probinsya ng Oriental Mindoro.
Ang pagpupulong ay sa pangunguna ng Rice Program kasama ang Municipal Agriculture Officers ng bawat munisipalidad at dinadaluhan ng iba't ibang cluster ng mga magsasaka ng palay sa nasabing probinsiya.
Sa ginagawang pagpupulong ay tinatalakay ang Masagana Rice Program na isinusulong ni Presidente at kasalukuyang DA Secretary Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. Ayon sa Pangulo, papataasin ang produksyon ng mga kalakal at produktong pang-agrikultura, at upang magawa ito ay pagtitibayin ang tinatawag na value chain na nagsisimula sa mga magsasaka hanggang sa mga namimili.
Layunin din ng programa na masiguro na makakamit ng bansa ang hanggang 90% sufficiency level sa taong 2027. Makakamit ito sa pamamagitan ng sistematiko at organisadong implementasyon ng good agricultural at agribusiness practices, innovations, at science and technology sa rice-based value chain.
Ang matagumpay na implementasyon sa apat (4) na key strategies ang magiging daan sa pagkamit ng magagandang layunin ng programa. Kabilang dito ang: 1) climate change adaptation, 2) farm clustering and consolidation, 3) value chain approach, at 4) digital transformation.
Ayon naman sa Municipal Agriculturist ng Naujan na si Gng. Raquelita Umali, ang programa ay pagpapahusay ng iba't ibang programa ng kagawaran na patuloy na makakatulong sa mga magsasaka.
"Nakikita namin itong mga attitude ng mga magsasaka sa ating pagbibigay ng IEC [technical briefing] ay patuloy din silang nagiging interisado, uhaw din sila sa mga bagong impormasyon sa kung ano ang mga patakaran at pamamalakad ng bagong administrasyon," sabi ni MA Umali.
Ang tagumpay ng programa ay sa pagtutulungan ng lahat ng ahensya ng kagawaran na kabilang sa rice industry development - ang DA Regional Field Office, National Irrigation Administration, Philippine Rice Research Institute, Philippine Center for Poshavest Development and Mechanization, Agricultural Training Institute, Agricultural Credit Policy Council, Philippine Crop Insurance Corporation, DA Agribusiness and Marketing Assistance Service, National Food Authority, at DA Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program.
Sinimulan ang aktibidad noong ika-25 ng Abril at magtatapos sa ika-15 ng Mayo ng taong kasalukuyan.