Tatlong (3) traktora na may kabuuang halaga na P3,660,000.00 ang pinagkaloob sa tatlong (3) samahan ng mga maggugulay sa Oriental Mindoro ng Department of Agriculture MIMAROPA Regiona High-Value Crops Development Program (HVCDP, kamakailan.
Malugod na tinanggap ng Narra Vegetable Growers Association (NVGA) at Gloria Sustainable Agriculture Association (GLOSAA) na parehong mula sa bayan ng Gloria ganon rin ng Mabuhay Farmers Association (MFA) sa bayan naman ng Roxas ang kani-kanilang traktora na malaki ang maitutulong sa pagtatanim nila ng gulay.
Pinangunahan ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio kasama sina HVCDP Regional Focal Person Renie Madriaga, APCO Artemio Casareno, dating Operations Division Chief at HVCDP Focal Person Corazon Sinnung ang pagkakaloob ng mga makina katuwang ang mga opisyales at ilang kinatawan mula sa lokal na pamahalaan gaya nina Provincial Administrator Hubbert Christopher Dolor para kay Gov. Humerlito Dolor, Board Member Pau Umali, Gloria Mayor Bitoy Rodegerio, kinatawan ni Roxas Mayor Leo Cusi n si EA Ivy Russel Clerigo, mga kinatawan ni 2nd District Cong. Alfonso Umali, Jr. na sina Rafael Umali at Sally Paglinawan, at sina Municipal Agriculture Officers August Mantaring ng Gloria at Neressa Gutierez ng Roxas.
Sa kaniyang mensahe, hiniling ni RED Gerundio na pangasiwaang mabuti ng mga asosasyon ang natanggap nilang makinarya at maging responsable sa paggamit ng mga ito. Hinikayat rin niya ang mga asosasyon na maging kooperatiba na upang magkaroon ng dibidendo ang mga miyembro sa kikitain ng samahan at para sa mas sistematiko, malinis, at balanseng pamamahala ng samahan. Ibinahagi rin niya ang hangarin ni President at DA Secretary Ferdinand Marcos, Jr. na tulungan ang mga magsasaka.
“Si Pres. BBM ay nagpanukala ng additional supplemental budget sa Kongreso para madagdagan ang budget ng Kagawaran at makapagbigay ng additional support sa mga magsasaka para masigurado na you are fully supported sa inyong pagsasaka,” aniya.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga kasapi ng NVGA, GLOSAA, at MFA sa pagkakaloob ng kanilang kauna-unahang traktora kasunod ang pagtiyak na pangangalagaan nila ang mga ito.
“Napakaganda at talagang brand new ang binigay nila sa amin, kami ang unang gagamit at malaki ang magiging pakinabang namin sa makinang ito. Talagang nagpapasalamat po kami at nabigyan kami ng ganito ng DA, aalagaan po namin ito ng husto upang magamit namin ng matagal,” saad ni Noli Nappa, pangulo ng NVGA.
“Nagpapasalamat po kami sa DA na nagbigay sa amin ng traktora sapagkat napakalaking tulong po ito sa sakahan na mapadali po ang paghahanda namin ng lupa para mapadali rin po ang aming pagtatanim at hindi na kami uupa sa ibang traktora,” pasasalamat naman ni Milor Marasigan, kasapi ng GLOSAA.
Mensahe naman ni Noel Viesca, pangulo ng MFA, “Iingatan po namin at aayusin ang maintenance ng makinang pinagkaloob sa amin. Nagpapasalamat po kami sa DA MIMAROPA na binigyan kami ng traktora para magamit ng aming asosasyon at hindi na kami mahirapan sa pagtatrabaho sa gulayan”.
Samantala, pinagkalooban rin ang mga naturang samahan ng tig-125 na piraso ng plastic crates, tigtatlong rolyo ng UV film, plastic mulch at mga seedling trays mula pa rin sa HVCDP.